|
A Writer At Heart |
|||||||
|
Aureo P. Castro's Written Works |
|||||||
|
Other Web Sites By The Author
|
“Ang silangan ay pupula Tunay na mapalad ang mabuhay sa isang panahon na kung saan ang kabataan ay nabigyan ng pagkakataon upang humugis ng kasaysayan. Ito ang nangyari sa mga barako ng ating bayan nang sila ay tumugon sa hamon ng panahon una noong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pagdaigdig at pangalawa nang umusbong ang diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa bansang Pilipinas. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging makulay ang ating kasaysayan dahil sa papel na ginampanan ng mga barako ng bayan sa kanilang pakikihamok sa dayuhang hapones. Tayo ay nagpupugay sa mga barako ng bayan na nagbuwis ng buhay alang-alang sa ating kalayaan. Hindi nagkulang ang ating bayan sa pag-aalay ng buhay sa altar ng kagitingan nang karamihan sa mga barako ng bayan ang nabuwal habang sumasagupa laban sa mapang-aping mananakop. Malinaw sa gunita ng mga kabataan na ipinanganak matapos ang digmaan ang paghihirap at pagdadalamhating dinanas ng henerasyon ng kanilang magulang. Bagaman at likas sa kamalayan ng sangkatauhan ang paglimot sa mapait na kahapon, hindi rin napigilang mabunyag sa kaalaman ng mga kabataang ito ang mga pangyayari noong panahon ng digmaan. Ito marahil ay dahil sa una, tindi ng pagkakintal sa gunita ng mga karanasan at pangalawa, sariwa pa sa kanilang gunita ang mga kahindik-hindik na pangyayari na kanilang nasaksihan. Tigmak ng pagdaramdam ang mga kuwento ng kagitingan kung kaya ang mga salaysay ay karaniwa’y sinasaliwan ng pagdaloy ng luha. Ang pakikibaka laban sa diktadurya kung hindi man maihahambing sa digmaan sa tindi ng dahas at bangis ng sagupaan ay kinakitaan din ng kagitingan at taimtim na pagmamahal sa sambayanan. Libu-libo rin ang nag-alay ng buhay at pagpapakasakit upang makamit ang kalayaang tinatamasa sa kasalukuyan sa buong bansa. Ngunit ang dangal ng kagitingan ay mistulang napatuon sa mga sikat na personalidad nang ang hagupit ng pakikibaka ay sumambulat bilang isang dramang pang telebisyon. Napaisantabi na ang mga tahimik na nagsikhay sa pamamagitan ng kanilang pagdamay at pakikibahagi sa pakikibaka ng sambayanan. Sariwa pa sa kanilang ala-ala ang pagdadalamhating minana sa kanilang magulang nang ang mga bagong barako ay humarap sa panibagong hamon. Buong giting nilang inialay ang sariling panahon at kapakanan upang makisama sa pambansang pakikibaka laban sa mapaniil na patakaran. Sila ay namulat sa nakalulunos na kalagayan ng lipunan kasabay ng pagsabog ng malayang kaisipan sa loob ng kolehiyo at pamantasan na kanilang pinapasukan. Sila ay napadpad sa rurok ng kalunsuran, kanayunan at kabundukan sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka tungo sa pambansang demokrasya tulad ng kultura, pulitika at armadong sagupaan. Kung hindi man sila nagbuwis ng buhay ay nag-alay naman sila ng kanilang panahon habang sila ay pinipigil sa piitan. Sila ay hindi bahagi ng daluyong ng mamamayan na lumusob sa EDSA noong malapit nang bumagsak ang rehimeng diktadurya. Sila ang mga pangilan-ngilan na maagang namulat at tahimik na nagbigay ng dunong at panahon sa mapagpalayang kilusan ng kabataan, mangagawa, mag-aaral at iba pang sektor ng lipunan. Sila ang umukit ng daan, ang sumalo sa pangunang dagok, ang nagsikhay upang mamulat ang mamamayan sa katotohanan ng paniniil at pag-alipusta sa kanilang karapatan. Sila ang ating pinagtawanan sa ating paniniwala na ang kanilang ipinaglalaban ay isang malaking kahibangan. Tunay na mas maalab ang pagsabog ng bukang liwayway kung ikaw ay naglamay sa tagal ng kadiliman. Mas pahahalagahan mo ang malaya mong pamumuhay kung alam mo kung magkano ang kabayaran sa kalayaan na ngayon ay iyong nararanasan. Mas maiintindihan mo ang ibig sabihin ng kalayaan kung bahagi ka ng paghamon upang ito ay makamtan. Likas sa mga
barako ng bayan ang tumugon sa hamon ng kasaysayan. Sila ay may matinding
hangarin na maisakatuparan ang isang dakilang layunin. Handa silang
magbuwis ng buhay kung kinakilangan upang makamit ang minimithing tagumpay.
Taglay nila ang marubdob na pagmamahal sa bayan at ang prinsipyo ng
katotohanan at katarungan. Sila ang ating inaasahan sa tuwing napapariwara
ang ating bansa. Ang mga kababayan nating taga Ibaan na tahimik na lumaban
sa mapaniil na pamamalakad ng rehimeng diktadurya ay maituturing na mga
barako ng ating bayan ng kanilang kinabuhayang panahon. |
||||||
|
Pagbabalik. Ito ang lansangan na dati ay iyong palaruan ngunit bakit paligid ay umiikot... Ang Tamang Paginom Sa Barakong Kape. Doon po sa amin sa dakong Batangan noong ako ay maliit pa ay bahagi na ng pang araw-araw na buhay ang barakong kape. Huwag Itapon Ang Pinaghugasan Sa Bigas. Kipkipin nang malapit sa puso ang mga magagandang ala-ala. Mga Barako Ng Kanilang Panahon. Sana ay di mawaglit sa ating ala-ala silang mga nalugmok sa gitna ng dilim. Walang Kahirap-hirap Na Pag Compose Ng Tula Para Sa Inyong Minamahal. Sikreto ng mga romantikong manliligaw.. Umuwi Na Ang Isang Anghel. Paalam na sa iyo, papauwing anghel. Langit ay nagliwanag sa iyong pagbabalik. Pira-pirasong Daloy Ng Kamalayan. Hamog Sa Umaga, Hiwaga Ng Puso, Sa Ating Pagtanda. |
|||||||
|
Copyright 2008 Aureo P. Castro Email: [email protected] |
|||||||