KAPATID (Alay sa tatlong mga tao: Ang Kristiyano, ang Moro, at ang Lumad) |
by: AHP
Kapatid,
Kinamumuhian mo ba ako?
Na animo'y ako'y marumi
Sa tuwing sa aking gawi mapatingin
Ang mga mata mo?
Kapatid,
Kaya mo bang aminin sa akin?
Ramdam ko ang sakit at rimarim
Kapag naaaninagan ko
Ang iyong maalinlangang tingin.
Kapatid,
Tama na ang pagbabalatkayo
Alam kong sa isip mo ika'y aking pagtataksilan
Kung ika'y nakatalikod sa akin.
Pag-asa ko ay nagsusumamo.
Kapatid,
Ako ba'y iyong itinatatuwa?
Gayong ang balat na sa ati'y nakikita
At dugong nananalaytay sa ating mga ugat
Ay iisa?
Kapatid,
Ako ngayo'y nakalubog sa putik
Kung saan ako'y iyong hinulog
Tatlong daang taon nang nakalipas
Alaala mo'y limutan nang muntik.
Kapatid,
Paulit-ulit na akong nabibigo.
Nais ko lamang ipaliwanag sa iyo
Na hindi ako si Omar,
Ang taong naghahasik ng lagim sa bayang ito.
Kapatid,
Maniwala ka sana
Bagama't ang ating pagsamba'y nagkakaiba,
Ako sampu ng kapwa ko ay mga mabubuting tao
Makadiyos, mapayapa, nananampalataya.
Kapatid,
Ako'y gaya mo
Gisnan mo lang ako
Katutubo tayong dalawa, tayong lahat!
Gaya ni Ugaw, isinilang sa lupang ito.
Kapatid,
Di mo inaalintana
Ako'y ikaw. Ika'y ako.
Anino nati'y di Kastila,
Di Arabo, di banyaga.
Kapatid,
Tiwala mo'y tanging nais ko.
Na ako'y maging kapitbahay mo
Mga anak ko, kalaro ng mga anak mo
Suliranin mo ay suliranin ko.
Kapatid,
Kapwa tayong biktima ng karahasan at alitan.
Napakaraming buhay na ang nasira at nasayang
Nawa'y mabuksan ang iyong isipan,
Ang iyong puso, at mga mata sa katotohanan.
Kapatid,
Alam kong ang iyong pag unawa,
Ang iyong pagtanggap nito'y matatagalan
Ngunit handa akong mag-antay sa iyo at makibaka
Upang sa ating lahat ang kapayapaa'y matamasa.