Di-Pinamagatan
isang super-ikling kuwento

ni Tandang Soria


KABAYAN, kasama, kaibigan ko, smile! 'Sang munting parangal 'to sa mga aktibista noon na napaslang ng mga bidyilante rito. Hahaha.
    Pero hintay, medyo nakokonsiyensiya yata ako. 'Pag nabili 'to ako ang yayaman, di ba? Ang patay ay patay na. Drinowing ko nga, ipinagbili naman.
    Huwag na nating pagdiskusyunan 'yan, mukha yatang tatanungin mo pa kung sino ang mga bumibili nito.
    Alam mo naman 'yan e. Ang mga nakakaintindi sa peynting. Sino, 'kamo? Wel, 'eto na tayo, silang mga nakapag-aral ng tungkol sa mga bagay na 'to, silang sa mariwasang hinga ng buhay, na nakapag-aral sa mga kolehiyong . . . Alam mo naman ang kolehiyo; ngayon, dapat may pera ka talaga. Pero iba rin ang kolehiyong hayop talaga. Yung pang-tao, hindi tulad ng karamihan ng mga kolehiyo rito sa Marinduque, parang pang-baboy lang yata ang mga gusali.
    Ibig kong sabihin, huwag mo nang intindihin kung ano'ng ibig sabihin nito, baka masiraan ka lang. Ibig kong sabihin,

 

OKEY, nabingi ka na nga sa kasasama mo sa giyera. Ano bang giyera? Giyera niyo. NPA kayo noon, AFP sila. Pero ito talaga, pare, kaya kita inimbita rito, tutal surenderi ka na naman, e, at wala na ang giyera . . . ito talaga ang iskor. Itatanong ng mga kritiks, totoo ba'ng NPA 'yan no'n, 'yang pineynting mo? So, sasabihin ko, aba siyempre, ito si Ka K-, kilala sa bayan ng F- sa Marinduque bilang si Alfredo Ong, anak ng 'sang mayamang intsik 'ron, na naging NPA! Surenderi na siya ngayon (at wala na ang giyera), nabingi sa di-malamang dahilan, at inimbita ko siya sa kubo ko sa Boac para ipeynting ang mukha niya bilang porgrawnd (hindi bakgrawnd, ha, porgrawnd) sa portreyt kong 'to ng mga aktibistang pinaslang ng mga bidyilante rito, bilang parangal sa kanilang mga pinagpaguran. Hahaha. . . .


    Pero alam mo, Ka K-, tulad ng sabi ko kanina tungkol sa mga kolehiyo, kung mayaman lang kami tulad niyo, siguro natapos ko ang payn arts. Siguro paborito na ako ngayon ng mga galeri. Ikaw, mayaman kayo, sana di ka na lang sumama sa mga rali noon, etsetera; tapos, bigla na lang, nando'n ka na sa bundok, "nakikibaka", o nakikikatay ng kalabaw, sus ginoo. Ambisyoso ka kasi. Tingnan mo 'ko, kami nga ang mahirap, pero ako nagsikap ha. Ako'y dahan-dahang umakyat, ha. At ngayon. Ako'y kilala na rin nang konti, kahit pa'no. Ikaw? Ako, kuntento.
    Pero kaibigan tayo ha, King Kong. Kaya lang naman ako patawa-tawa rito, hahaha, patawa-tawa ro'n, dahil ako rin naman nagngalit. Ako rin naman ay namatayan. Gusto mo bang tuwing naaalala ko si Carmencita ko, 'to, 'to o, tingnan mo hayop ka, 'tong sa gitna -- 'yan -- 'yan siya, ang ganda ng kulay, 'no; eniwey, gusto mo ba iiyak ako tuwing naaalala ko 'yang si Carmencita ko? Pero hindi kita sinisisi, ha, King Kong. Alam mo namang sumama siya, si Carmencita ko, sa mga rali sa sarili niyang hilig. Ang nanay niya, walang nagawa. Kaya kami nagkahiwalay no'n e, hindi marunong mag-asikaso sa mga anak niya. Kaya ganito:
    Patawa-tawa ako, K-. Ano'ng magagawa ko. Yunow, ako rin nu'n galit sa mayayaman e. Hindi ko sinasabing galit ka, ha. Pero, eniwey, in may keys, nilabanan ko sila. Ako'y naghirap! Pero ako'y umakyat, dahan-dahan! Natutong mag-Ingles, on may own! Tingnan mo ako ngayon. Ikaw?
    Ako, kuntento.

 

 

 


i-check out ang interbyu ni Jojo de Veyra ke Tandang Soria tungko sa kuwentong "Di-Pinamagtan".
Click dito.

Sa Harapan | Mga Tula | Likhang Kuwento | Mga Rebyus ng Buks Kultural | Mga Music Rebyus | Mga Pelikula Rebyus | Si Tanda


Karapatang-ari © 1999 V.I.S. de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan. Ang mga mambabasa ay maaaring tumingin at magbasa, mag-save, mag-file at mag-print out ng tig-iisang kopya ng likhang ito para sa kanilang personal na gamit lamang. Walang reproduksyon, display, performance, maramihang pagkopya, transmission o distribusyon ng likhang ito, o anumang bahagi, adaptasyon, abridgement o salin ng nabanggit, ang maaaring gawin nang walang kasulatang pahintulot mula sa Down With Grundy, Publisher o sa may-akda. Sinumang persona na gagawa ng anumang di-awtorisadong aksyon kaugnay sa likhang ito ang liyable sa prosekusyong kriminal at civil claims for damages.

Hosted by www.Geocities.ws

1