K

Rebyus ng mga Libro tungkol sa Kulturang Pilipino
(o; Kamangha-manghang mga Makabayang* Aklat)

ni Tandang Soria


*makabayan, kung ang ibig sabihin ng patriyotismong Pinoy ay ang paghingi sa ngalan ng ating kaliitan ng mga bagay na sukat at tunay na hiyang sa atin. Ito ri'y nasa pagtakwil natin sa mga bagay-bagay na di angkop sa ating lugar -- itong dalawa, upang tayo'y makalampas sa init sa ating mga isla, sa lamig sa ating mga basang bundok, at sa yelo ng kolonisasyon. 

 


 

1.

* * * * 1/2
TROPICAL LIVING
Contemporary Dream Houses In The Philippines

Teksto sa wikang Ingles ni Elizabeth V. Reyes / Mga larawan ni Chester Ong (Periplus Editions [HK] Ltd., Hong Kong, 2000)


Noong 2002 lamang nakitang aktibo sa mga bookshops sa Maynila ang display marketing ng librong ito. Ang libro'y bahagi ng isang serye tungkol sa mga bahay tropikal ng Asya na nilimbag ng isang bahay-maglalathala sa Hong Kong noong taong 2000 pa.
   Bilang panimula, dun sa mga hindi pa nakakasilip sa mga pahina ng libro, hayaan niyo akong mangako na ang edisyong ito ng Tropical Living (sa Asya) tungkol sa Pilipinas ay hindi tipikal na librong pang-coffeetable na ang pinangangalandakan ay pawang bahay pang-mayaman lamang. Yun ang epekto nito, at least, bagamat marami nga ring bahay-mayaman dito. (Dahil nga naman, mapapatanong ang iilan kung nasa'n dito ang mga pangkaraniwang kawayan o coco-lumber na bahay ng mga pro-Pinoy architecture na architects tulad nina Rosario "Ning" Encarnacion-Tan, et al. At ilan pang iba.) Oo nga po, sa librong ito'y pinapakita ang mga bahay ng iilan sa mga napakayamang kaibigan ng may-akda o patnugot ng aklat; ngunit, ilan din sa mga architectural achievements na nakalatag dito'y middle-class lamang (ang bahay ng mapagkumbaba kong kaklase sa U.P. College of Fine Arts na si Elmer Borlongan, ang matagumpay na pintor, at ng kanyang asawa, na kapwa niya artist, ay maaaring ang house-and-lot affair na siyang may pinakamababang budget sa lahat ng bahay sa librong ito, kahit pa man "very successful" ang dating nito sa standard ng karaniwang Pilipino). Masasabing ang librong ito'y para sa lahat ng tao, sa pagbubunyi nito ng maliliit na bagay sa loob ng ating mga bahay -- mga gamit man o paggamit ng gamit, mga aral na ang di-hamak na importansya sa kultura ay masasakyan kahit pa ng B-market “working class” man.
   Pero syempre, kung ito'y proyekto na naging limbag ng Cultural Center of the Philippines o University of the Philippines, halimbawa, makasisiguro kang maglalakip ito ng mga bahay ng kahit pa ng uring manggagawa, kasama na ang sa mga magsasaka, mga etnikong tribo, at mga iskwater, . . . nandu'n at humahalo sa totoo o artipisyal mang liwanag sa kamera na nakababad sa mga bahay ng lower-middle class, middle class, quasi-taipans, taipans, at mga pamilyang galing sa mga lolo't lola sa tuhod nilang encomienderos.

   
Pero hayaan mo na. Kung tutuusin mo nga naman, doon sa mga interesado sa house improvements anumang economic level sila galing (opo, may house improvements na nangyayari kahit pa sa isang bahay sa ilalim ng tulay, di nga lang sa tipo na nasa librong ito), ang Tropical Living ay maaaring basahin at mapulutan ng aral kultural. Maaaring simpleng magamit bilang isang enggrandeng sampling ng mga posible o maaaring gawin sa isang bahay, imbis na ituring na libro ng mga limitasyon sa tema ng pagbagay ng mga bagay-bagay sa buhay tropikal, pagpabagay na nararapat nating gawin syempre sa gawi o pangangailangan o kiling ng Pilipino (at hindi Balinese, Japanese, Hong Kong o Taipei Chinese, Singaporean, Indonesian, Thai, o Polynesian). Kasama na sa Pilipinong gawing ito ang mga adaptasyon at asimilasyon natin ng mga dayong konsepto, galing man ito sa mga jetsetting na lifestyles ng ating mga kaibigang matayog o sa simpleng panonood lamang ng napakaraming HGTV shows (sa Lifestyle Network, sa Sky o Home Cable ng Maynila). At lahat nito sa presyong di karaniwan sa mga coffeetable books na may enggrandeng bisuwalisasyon tulad ng nasa librong ito.
   
Kung ihahambing sa mga libro tulad ng Sarap: Essays On Philippine Food, nina Doreen Fernandez at Edilberto Alegre (hanapin ang rebyu ko sa librong ito sa baba), na tila ayaw ng coffeetable-book na treatment, ang maaaring kinomisyon na librong ito ni Reyes ay posible ring walang naging choice kundi ang bigyan ng mga simplistikong samples ng architectural achievement ang mga pahina nito. Oo nga't ang maalamat na mga maliliit na rebolusyon ni Bobby Mañosa ay di hanggang paggamit ng mga indigenous materials lamang; at tunay rin na ang asimilasyon ni Leandro Locsin ng pilosopiya ni Frank Lloyd Wright ay di hanggang sa paggamit ng Manila-abundant na volcanic rock bilang cladding sa local-concrete walls lamang. Subalit, uulitin ko kung napahiwatig ko na ito sa taas, simpleng walang lugar para sa maramihang teksto ang coffeetable book na format, sa dahilang ang mga larawan ang binibigyan ng priyoridad ng format na ito. Kaya ang nakapahihinto-ng-paghingang mga larawan ni Chester Ong na nga ang nagsanaysay, at ang dingal o kababawan man nito'y ayon na lamang sa matalinong pagmasid ng mambabasa at tumitingin sa mga larawan, at ayon na rin sa matalinong interes ng bawat isa sa atin na mag-research tungkol sa arkitekturang likha ng mga arkitekto sa ating paligid.
   
Subalit, heto ngayon: kung ang librong ito'y tungkol sa tropical houses, siguro ako'y dapat lamang umalma doon sa chapter tungkol sa modernista't minimalistang mga yunit -- sa dahilang wala sa kamay ni Chester Ong kundi sa may-akda o patnugot ang kinakailangang paliwanag tungkol sa isyu ng natural ventilation. Ang bahay ba ng (Bench [hindi kamag-anak ng UK clothing brand]) fashion guru na si Ben Chan ay dinesenyo upang magpaluwal ang may-ari ng 24-oras na air-conditioning budget para sa bahay niyang iyon at balot na balot ito ng salamin?
   
Sasang-ayon ako sa may-akda na ang natural ventilation ay may pangunahing importansya sa arkitektura ng Pilipinong bahay maliban na lang kung ang bahay mo'y kalapit ng isang oil depot o canning factory ng sardinas. Subalit nakita ko ring may pangangailangan ng karugtong na eksplikasyon ang saya ng may-akda hinggil sa pagyakap ng arkitekturang Pilipino (at Pilipinong disenyong pangloob) ng tropical light (sa gawi nitong maglagay ng skylight, malalaking picture windows sa itaas ng dalawang-palapag-kataas na sala, mga bintanang mula sahig hanggang kisame, o ano pa man). Ngunit mangyari po kaya na ang ganitong pagyakap ay wala sa ibang bansa? Dahil tila lahat halos ng arkitektura sa mundo ay may ganitong pagkatuwa sa araw. Sa mga eksena ng ilang Pilipinong sine na ang setting ay sa mas mahirap na quarters ng ating kabayanan (The Flor Contemplacion Story, na diumano'y shinoot sa bahay mismo ng subject ng pelikula, Insiang, Scorpio Nights, Azucena, Bulaklak ng Maynila, Magnifico, atbp.), o sa mga bahay sa maliliit na lote tabi ng iba pang maliliit na bahay sa maliliit na lote, makikita natin na nangingibabaw dito ang privacy at pagkamadilim kaysa sa pagka-makaaraw at -makaliwanag. Ang kakulangan ni may-akdang Reyes sa paksang ito ay nasa kinakailangang paliwanag para sa mambabasa tungkol sa dalawang bersyon ng upper- at upper middle-class na pagyakap sa tropical light. Dahil ang wari ko'y ang isa sa kanila'y ginagawa ang kanyang pagyakap sa araw mula sa likod ng mga dahong tropikal sa kanyang hardin, samantalang ang isa nama'y ginagawa ito (kung gagawin man niya ito) sa likod ng wala, sa open, sa ilalim ng nagbabagang araw. Nabanggit din ni Reyes ang impluwensiya ng mga Mehikano, at ito'y nag-iiwan ng mga tanong tungkol sa kung bakit ang karamihan ng mga Pilipino ay may negatibong pagtanggap sa init ng araw sa pamamagitan ng mga disenyong nagpapalamig ng bahay samantalang ang ilang disenyong Mehikano ay tila pumupuri sa haring araw. Kaya, gawa nito, may iba pang katanungang kultural ang namumulaklak . . . Yung sinasabi ni Reyes bang mga impluwensiya ng Mehikanong disenyo ng ilang disenyong Pilipino ay sa decorative na lebel lamang? Ang mga Bodhisattvas ba (na sabi niya'y Asyanong impluwensiya naman) na makikita sa ilang mga bahay sa libro ay repleksyon ng isang hilig natin -- ang magpalamuti ng kung anu-anong internasyonal na icon? O ang mga ito ba'y may malalim na ibig sabihin doon sa mga may-ari ng bahay lampas sa kanilang pagiging mga simpleng bagay lamang na dinala doon? Ang mga Zen pebbles ba sa iba't-ibang bahagi ng ilang kabahayan dito ay may kaugnayan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdigan o simpleng manipestasyon lamang ng ating mababaw na tuwa sa pagmamay-ari ng kung anu-anong imahe sa ating mga bahay, tulad ng mga Amerikanong mahilig mag-bric-a-brac (isang impluwensiya ng Good Housekeeping Magazine?) ng mga pakita lamang na mga bagay-bagay na walang kahulugan kundi may pormang pang-dekorasyon at estetikong mababaw? Kung ganon, nagpapakita nga ito -- sa totoo lang -- ng nabanggit ko na't uulitin kong ating pagkamababaw sa mga bagay-bagay sa ating mga bahay, at ito marahil ay nasimulan noong gawin tayong mga taong walang diyos ng panahon ng giyera, ayon sa isang tila nakasaad sa sine ni Mario O'Hara.
   
Subalit may isang mahalagang passage si Reyes na tila may buntis na kahulugan. Ayon sa kanya, ang mga istilo raw ng mga bahay ng middle class noong dekada '50 hanggang '60 ay may nakakatawang paggaya sa mga Amerikanong split-level plans. Nakakatawa dahil ginawa ang mga ito para sa patag ng Maynila. Ngayon, maaari ko bang idugtong ito rito: "fireplaces" sa di iilang kabahayan! Oh yes, m/pare, at sa dekada natin naman, may nauusong paglagay ng mga istilong-Amerikanong attics sa ibaba ng nagbabagang mga kisame natin (bagay lamang sa mga resthouses sa Tagaytay at Baguio)! Ngayon, ihambing mo ang ganitong kolonyalismo ng indio sa pagpupumilit naman ng mga kababayan nating "insulare" tulad nina Jaime Zobel de Ayala at ng nakabase sa Pilipinas na Pranses at Pilipinong mag-asawang sina Hubert at Ara d'Aboville . . . na gawin sa all-Philippine, kung hindi man all-Mindoro, na materyales ang kanilang mga bahay sa Mindoro. Narito sa una ang hospitalidad ng indio, tungo sa pagmamalaki sa kahit na anong may dingal maliban sa mga nasa bagay na lokal. Tunay, sasabihin ko, na ang magaang paraan para ma-colonize ang ekonomya ng isang banana republic at nasyon ay sa pamamagitan ng paghimok sa mga tao ritong maglaway sa pagpupunyagi nila sa kanilang pagka-alipin. Ang kahulihulihang epekto ay ang pag-domino nito tungo sa pagkamuhi mismo nila sa sarili nilang uri, lugar, at kakayahan sa paggawa ng orihinal na disenyo ng bahay.
   
Gusto kong wakasan ang rebyu kong ito sa pamamagitan ng isang request, hindi ng isang kanta kundi ng isang duet. Si Reyes at si Ong ay dapat magsama uli, at sa pangalawang pagkakataong yun nawa'y sa pagkastigo naman sa anumang arkitektura at disenyong pangloob ng bahay na di angkop sa pamumuhay natin dito sa ating arkipelago. Yun ay siguradong bubuo ng librong di lang makakamangha kundi makagagawa ng rebolusyong malayong simula lamang ang narito ngayon.



Hanapin din ang aklat ni Gilda Cordero-Fernando na pinamagatang Folk Architecture, ang Philippine Ancestral Houses: 1810-1930 (1980) ni Fernando Nakpil Zialcita, at ang Filipino Style (1997) ni Zialcita at Reyes. 



 

 

2.

* * * * *
SARAP
Essays On Philippine Food



Doreen Fernandez & Edilberto Alegre (Mr. & Ms. Publishing, Maynilad, 1988)


Kamakailan lang ay nagsulputan ang ilang A-market venues sa mga business districts ng Metro Manila na punong-puno ng mga imported na produkto't brands, tulad halimbawa ng Glorietta 4, The Rockwell Plant, Eastwood City, The Podium, ang bagong Araneta Center & Gateway, ang bagong Greenbelt, atbp., ad nauseam, kung kaya't masasabi nating ang mga sinabi ng sumakabilang buhay nang si Gng. Doreen Fernandez sa librong ito tungkol sa mga banyagang pagkain at sa pangingimpluwensiya nito sa panlasa ng Pilipino (nang wala nang pag-urong) na ito raw ay parating nasa transformation process (na di na mapipigilan ang pagsulong) upang maging bagay na buong-buo ang pagkabanyaga doon sa mga banyaga mismo kung kanino ito kinuha, ay tila understated pa bilang prediksyon. Mabilis ring binabago ang pantry ng ating mga kusina ng ating mga kain sa labas, salamat din sa McCormick's (oregano, cumin, atbp.) na madaling madampot sa mga groceries! Ginamit ko ang mga salitang "panlasa ng Pilipino", sa kabuuan nito, imbis na sabihin kong ang sa Pinoy elite lamang, dahil -- itabi muna natin ang parating-nag-a-aspire na subconscious ng lower class -- ang abot-kayang mga pagkain ng mga Amerikanong fastfood networks (McDonald's, atbp.) ay naging malaking bahagi na rin ng bokabularyo ng publiko na baka nga ang Happy Meal ay maitulak na rin papasok sa mga diksyunaryong Filipino gustuhin man 'to ng ating mga leksikograper o hindi.
  
Diyata't ako'y hindi naaalarma, kahit pa kung iisipin ko ang lahat ng ito mula sa isang nasyonalistang tayo. Yun ay salamat sa teyorya ni Fernandez tungkol sa perpetuwal na transformation process sa anumang asimilasyon. Oo nga't ang pagpapanatili ng mga tradisyonal (bagamat nagbabagong) pagkaing Pilipino sa ating mga bahay, sa ating mga sidewalks, at sa ating mga probinsiya ay ginamit ni Fernandez at Edilberto Alegre bilang pangunahing dahilan sa paglabas nila ng librong ito, sa harap nga naman ng naglipanang mga imported na pagkain at ang mabilis na asimilasyon nito sa pambansang libangang kumain at uminom. Subalit si Fernandez at si Alegre (sa magkahiwalay na tracts) ang di rin nagsayang ng tinta sa isyu ng kung paano inaadopt ng Pilipino ng kamangha-mangha ang mga bagay na banyaga. Halimbawa, kung paano unconsciously sinasalin ng Pilipino sa habits o arte o pilosopiya o siyensya ng pagkain niya ang tradisyonal na dumplings ng mga Intsik, sabihin natin, at para kay Fernandez/Alegre ito'y nararapat na unawain natin bilang mismong mga nasyonalistikong feats.
   So, yun. At ngayong naisiwalat ko na ang napakaraming salita tungkol sa isang value ng librong ito
, bakit ka pa bibili ng kopya? Maliban na lamang kung nag-enjoy ka't na-inspire sa panonood ng mga pop movies tungkol sa pagkain tulad ng Woman On Top, Like Water for Chocolate, Chocolat, o kahit yaong mga di-naging pamoso tulad ng Tampopo. Na-inspire hindi na tangkilikin mo na ang pagkain ng mga nasyong nasa sine kundi na ilagay sa ganun ding pananaw ang mga pagkain na nasa palibot mo na, kasama na rito ang mga sapin-sapin at suman na nilalako sa plasa. Tapos, maaaring obligahin mo ang iyong sariling magtanong, "ako ba'y nasa posisyon upang makapagsulat sa utak ko man lang ng ganung klaseng mga sine gamit ang kultura sa pagkain ng aking mga kababayan?" -- ito, nang walang paglusong sa lalim ng esoterica tulad ng nakita natin sa sineng Azucena (Dog Meat) na naging finalist pa nga sa Valladolid (Spain) International Film Festival.
   At bakit pa bibili nito? Isang magandang dahilan ang makatulong ito sa chef na nasa loob ng ating mga pagkatao, makatulong sa pag-rationalize ng mga adaptation mo't mga innovation. Bakit ka ba, halimbawa, gagawa ng isang halimaw tulad ng isang basa at maasim na tuna burger balls (na hindi sa buns) na maaaring isawsaw pa sa isang mala-"Bicol Express" na sawsawan? Gawa-gawa ko lang ito. Pero bakit ko ba naisip ang asim? Dahil ba sabi sa Sarap na ang asim daw ng sinigang ay tumutulong sa katawan nating makalampas sa init? Wala mang sapat na biological na background na ibinigay si Fernandez, maaari natin siyang paniwalaan sa ngayon at pasalamatan sa pagbibigay-liwanag sa atin sa posibleng atake na nagsasabing meron at merong dahilan kung bakit ito ang niluluto't kinakain ng mga tao sa isang lugar at hindi iyon. Sabi pa sa Sarap na ang pagkamaalat at pagkamaanghang ng isang ulam ay bagay na bagay sa kinakain nating kanin na tumutubo rito sa atin. Madaling masakyan.
  
Ngayon, bibili ka pa ba ng kopya? Oo, kung sa rason lang na kailangan mo ring makahanap/makakita ng kasagutan do'n sa ilang katanungan mo habang kumakain sa Friday's o The Podium. Totoo't may mga tanong tayo, halimbawa, tungkol sa mga banyagang pagkain na gusto nating ipagmayabang na gusto nga natin, subalit naroon din ang sekreto nating mga pagpuna sa mga ito: ang tabang, halimbawa. Ngunit hindi kaya matabang dahil ang kailangan doo'y kainin mo kasama ang herbs-flavored na tinapay at saka vino? At, meron din tayong mga paulit-ulit na reklamo tungkol sa pagkamatigas o pagkamalambot ng isang tinapay mula sa isang bansa sa Yuropa -- ngunit hindi kaya tradisyon ang isawsaw ang katigasang iyon sa soup na may kabute! May mga passages na naglalarawan ng mga ganitong sitwasyon at tanong sa Sarap. At ang kaalamang ito tungkol sa mga banyagang pagkain ay inihahambing o itinatabi ng mga may-akda sa mga kaalaman nila tungkol sa mga Pilipinong pagkain.
   Ngayon naman, paano kung wala kang tanong? Mangyari man iyon, meron pa ring mga sagot na maaaring ibigay ang Sarap doon sa mga tanong na ayaw mo lang itanong, o na di mo maalala, o na akala mo ay di mo gustong malaman ang sagot. Halimbawa, natatawa lang tayo sa tendency nating ulamin ang maalat na sotanghon (na gawa sa mongo) sa kanin. Natatawa tayo dahil alam nating pareho carbohydrates ang kinakain nating ulam at staple. Subalit ano ang kakaiba roon, gayung ang Amerikanong diyeta na madalas ay ating sinasamba ay nagpapaluwal din ng katakot-takot na fried potatoes bilang ulam sa kanilang nasa-tinapay nang mga burgers? Oo nga't gulay din ang patatas pero, kahit pa sa winter, wala bang mas maiging gulay na puwedeng isama sa burger? Kaya, baka ang mas nararapat na itanong natin ay ito: kung ako'y kasalukuyang kumukonsumo ng isang istilong-New England, USA na burger dito na sa mayaman-sa-gulay na lungsod ng May Nilad, tama ba sa konteksto ng pagka-nasa Maynila mo ang isama mo sa burger bilang kasamang gulay ang piniritong patatas lamang at hindi hindi o iba? Sa mga sosyal o eksperimental at nagpapa-Amerikano, marahil hindi. Subalit napakaraming ganitong "bastardisasyon" na ginagawa ang ordinaryong Pilipino sa mga pagkaing nalimutan na nga nating banyaga pala. Nalimutan na natin na dala ng mga Intsik ang pansit na may dagdag na tayong kaibahan sa pagluto o pagkain nito. Nandun na ako na ang paghahanap ng mga konteksto ay kaugalian o trabaho ng mga rebyuwers ng libro o restaurant o kultura o anuman, subalit teka . . . hindi rin ba ugali ng mga simpleng empleyado ng isang opisina ang di pagsang-ayon sa pinili ng kanilang mga boss na venue para sa isang konperensiya? Matuloy man ang pagpunta sa pinili ng boss, maaaring malakas pa ngang itanong ng isa sa mga empleyadong ito sa loob ng isang miting sa isang resort, halimbawa, ang "sir, bakit po ba tinted ang water goblet sa hotel na 'to? Ito kaya'y (kasama ng chill) upang itago ang pagkamadilaw ng tubig rito?"
  
Totoong para sa empleyado't mga ehekutibos, ang kape sa mga outlet ng Starbucks ay pahinga rin do'n sa mga Nestle o Cafe Puro 3-in-1 sachets na nagkalat sa office pantry. Ngunit, sa Dumaguete noong ako'y nasa isang writing fellowship magawi rin akong gumawa ng katulad niyan -- ngunit hindi sa isang Starbucks ako pupunta, na wala pa noon doon, ngunit sa palengke  . . . at ito'y upang makalasap ako ng napakasarap na kape do'n sa isang kinakainan ng mga tsuper ng tricycle. Malaking medalya sa pagka-worldly o -sopistikado ng isang tao (lalo't kung ikaw ay isang ehekutibo) ang maging mulat sa "basics" ng mga bagay-bagay (ang kanilang mga kasaysayan at kultural na backbones), kasama na rin ang basics ng kultura ng mga kumukonsumo nito. Kadalasa'y sa ganung paraan niya naaabot ang pribilehiyong makapag-sit back at dumighay, kampante sa kanyang pagiging one step worthier sa kanyang titulo o sa kanyang mga bagong napanalunang global accounts. Nakakadagdag ba sa enjoyment ng tequila ang malamang ito'y nadiskubre ng mga Aztecs? At sa pag-awit natin tungkol sa sariling mga kakanin, di nga ba't sa isang bansang na-brainwash sa pag-iisip na ang mga Amerikano nga ang nagturo sa kanila ng demokrasya at cake-baking, ay maaari pa rin tayong makabuga ng pabugso-bugsong pride sa kaalamang naroon na ang Konstitusyong Malolos na nabuo bago pa man tayo sakupin ng mga Amerikano, na naroon na ang tila Karl Popperian na hilig ni Bonifacio na tumabi para magbigay sa inteleksyon ng mga ilustradong intelektuwal (Rizal, higit sa lahat), at higit dito'y na naroon na ang sinigang culture ng Pilipino na masasabi rin marahil ni Alegre na isang bukas na nutritional utopia para sa kani-kaniyang bersyon ng mga rehiyon, mga classes, mga indibidwal. Tunay na ang maski kaunti man lang na dagdag na kaalaman tungkol sa mahahalagang-malamang mga mito bilang mito o kalokohan ay siguradong makakatulong sa isang bansa sa kanilang paghubog ng isang pambukas na mga polisiyang pampulitika, pang-ekonomya, pang-negosyo, at pang-hapag-kainan.
  
O hahayaan na lang ba nating ang mga mamamayan ng bansang yao'y hanggang sa dulo ay nananatiling kuntento sa pagmamalaki sa kanilang mga franchises at licenses mula sa mga matagumpay na banyagang brands? Dahil, kung yun nga, aba'y tila di tayo dapat nagrereklamo kapag tayo'y itinuturing na karapatdapat sa mga second-class treatment na ibinabaling sa ating mga katauhan, sa ating pagka-bansa, o sa ating currency, isang treatment di nga ba na sa tuwi-tuwina ay siyang pinapalamon sa atin ng mundo. Kung gayun nga, masasabi kong itong treatment na ito ay ang naaangkop sa ating panghimagas.






bersyon sa Ingles ng mga rebyus na ito unang in-upload noong Hunyo 2002, samantalng itong Pilipinong salin ay sa Nobyembre 30, 2006 lamang.

 

 

MORE LATER NA LANG, HA!

 

 


MGA LINKS TUNGO SA IBANG SECTION NITONG SITE:
Sa Harapan | Mga Tula | Likhang Kuwento | Mga Rebyus ng Buks Kultural | Mga Music Rebyus | Mga Pelikula Rebyus | Si Tanda



Karapatang-ari © 1999 V.I.S. de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan. Ang mga mambabasa ay maaaring tumingin at magbasa, mag-save, mag-file at mag-print out ng tig-iisang kopya ng webpage na ito para sa kanilang personal na gamit lamang. Walang reproduksyon, display, performance, maramihang pagkopya, transmission o distribusyon ng mga rebyus dito, o anumang bahagi, adaptasyon, abridgement o salin ng nabanggit, ang maaaring gawin nang walang kasulatang pahintulot mula sa may-akda. Sinumang persona na gagawa ng anumang di-awtorisadong aksyon kaugnay sa webpage na ito ang liyable sa prosekusyong kriminal at civil claims for damages.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1