Si TANDANG SORIA ay isang Filipinong makata at kwentista, isinilang sa Lungsod ng Takluban (sa pulo ng Leyte ng Pilipinas).
Matapos ang isang di-masayang tangkang makapagtapos sa kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas College sa Tacloban, sa bandang huli'y pumasok si Tanda sa U.P. College of Fine Arts upang diumano'y mapakitid ang kaniyang iba't-ibang gustong direksyon na maging isa, at ito nga'y sa napiling art ng painting. Art na nga sana ang ituturing niyang kanyang misyon sa buhay at kanyang career path. Subalit sa di malaon ay mag-da-drop out nang muli si Tanda rito at sa buong "U.P. system" kung tawagin, sa dahilang pinansyal at iba pa, bagaman nagtrabaho muna siya bilang student assistant sa U.P. Film Center sa pangalan ng ibang estudyante bago lumikas pauwi ng Takluban. Sa probinsiya, tumambay si Tanda sa isang sing-akademikong buhay niya sa prubinsyal niyang lungsod, hindi bilang estudyante subalit sa piling ng mga estudyante't gurong mga kaibigan -- ito habang sa ibang oras naman tumatambay siya sa piling ng mga "barumbadong" kabaranggay niya sa kanyang bayan ng Palo (sa labas ng Takluban). Maaalalang ang Palo ang bayang binomba ng katakot-takot ni Gen. Douglas McArthur sa kasagsagan ng final American offensive laban sa Hapon, at ito'y upang maka-landing ang kanyang maalamat na 'pagbabalik'.NAGSISIMULA nang magsulat ng maraming tula at maiikling kuwento si Tanda nang (sa prompting ng kanyang akademikong kapatid na si Nino) siya'y mag-apply at matanggap sa isang writing fellowship tungo sa ika-26 na Silliman University Summer Writers Workshop. Ang fellowship na ito'y susundan ng isa pang writing fellowship, ang tungo sa ika-16 na Summer Writers Workshop sa Unibersidad ng Pilipinas (kung saan ginawaran si Tanda at ang kanyang mga tula sa wikang Ingles ng Gawad Likhaan, isang workshop award na di-malaon ay isasauli ni Tanda -- sa paniniwalang ang premyo'y may hawig sa mga di-kailangang stars sa kindergarten sa dahilang ang workshop daw [ani Tanda] ay para sa mga natututo pa lamang magsulat at di para sa mga contestants na nagtatagisan na para sa gawad!). Agad-agad siyang bumalik ng Silliman matapos mapili bilang isa naman sa limang delegado sa kauna-unahang semester-long seminar-workshop (isang eksperimental na proyekto) ng S.U. Creative Writing Program. Ang writing fellowship na ito ni Tanda'y inextend pa ng isang semester ng Program! Matapos ang grant, si Tanda'y nagtrabaho pa bilang co-translator sa Ingles ng ilang tribung Manobong epiko-chants para sa Ulahingan Project ng unibersidad.
LIMA sa mga tula ni Tanda ang nailathala na noong unang pagkakataon pa lang na nasa Silliman siya, at ito'y sa Caracoa Poetry Journal ng "Philippine Literary Arts Council". Iba pang mga piyesa niya (sa ilalim ng pormal niyang pangalang Vicente Soria de Veyra) ang sunod-sunod na lumabas sa ilan ding lathalain ng bansa: ang organ pang-estudyante ng U.P. na Philippine Collegian, ang Philippines Free Press, ang Solidarity Journal ng nobelistang si F. Sionil Jose, ang kaliweteng National Midweek (defunct na), ang sa Cultural Center of the Philippines na Ani Journal, Panorama Magazine, Philippine Graphic, at ang na-mi-miss ng marami na The Evening Paper na lathala ng makata sa wikang Ingles na si Alfred Yuson. Sa mga antolohiya naman, ang "sonnet for Batman" ni Tanda ay isinama sa Best of Caracoa 1982-1992, samantalang ang tula niyang "sheeny one (if shoemaking)" (Caracoa, Agosto 1986) ang hiningi naman para sa Brown River, White Ocean (1993), isang antolohiya ng Pilipinong prosa at tula na pinatnugutan ng Filipino-Amerikanong makata na si Luis Francia sa paglathala ng Rutgers University Press (New Jersey, USA). Ang piyesa ni Tanda sa nahuling libro'y lumabas doon sa ilalim ng pamagat na "leather excretes" ayon sa retoke ng makata. Noong 1997 naman, tatlo sa mga piyesa ni Tanda ang isinama sa isang espesyal na isyu ng Sands and Coral Journal na alay sa mga likha tungkol sa kalikasan, kung kaya't ang isyu'y pinamagatang Voices In The Wilderness: Writers In Their Environment. Noong 2001-02 na period naman, mga bagong Tandang Soria na piyesa ang lumabas sa Sands & Coral Centennial Issue (SU, 2001); Eros Pinoy: An Anthology of Contemporary Erotica In Philippine Art & Poetry (Anvil, 2001); at Love Gathers All: A Philippine-Singapore Antholoigy of Love Poetry (NCCA & Anvil, 2002).
Unang nilabas ang unang apat na volumes ng mga tula ni Tanda bilang mga independenteng e-books sa Internet sa loob ng Oktubre 1999 hanggang Enero 2000 na period sa ilalim ng independenteng paglathala ng Down With Grundy, Publisher. Ang mga ito'y sa PDF format na LIBRE i-download ng mambabasa. Ang ika-lima niyang e-libro ng tula nama'y pinamagatan niyang In The Level of Gods; sumunod itong lumabas sa Internet noong Abril 27, 2001, at ni-release sa pangalawang edisyon nito noong Enero 1, 2002. Noong taong 2004, ang limang aklat-e na ito ng mga tula ni Tanda, kasama na ang pang-anim niyang koleksyon, ang magiging kauna-unahang mga ONLINE NA LIBRO NG MGA TULA NG ISANG FILIPINONG MAKATA sa html format, at magpasa-hanggang ngayo'y ang mga ito'y mababasa pa rin sa http://www.geocities.com/warphoto/poetry.html.
Samantala, ang unang e-libro ng maiikling kuwento ni Tanda, na ang karamihan ng mga nilalaman ay unang lumabas sa National Midweek Magazine, ay ni-release noong Oktubre 22, 1999 sa ilalim ng parehong pabliser, at dati ring librong maaaring i-download ng LIBRE. Ngayo'y isa na ring UNANG ONLINE NA LIBRO NG MGA KUWENTO NG ISANG FILIPINONG MAY-AKDA sa html format itong nasabing e-libro na ma-a-access sa url na http://www.geocities.com/warphoto/fiction.html.
Sa larangan pa rin ng pagkukuwento, ang pinakabago maiksing kuwento ni Tanda na pinamagatang "Styrofoam and Cellophane Packing" ang lumabas sa Sands & Coral 2002 (Future Shock: An Anthology of Young Writers and New Literatures [Vol. 1 -- Prose]); ito ang magiging title piece ng pangalawang kalipunan ng mga kuwento ni Tanda, na sa ngayo'y in progress.
Isang nobela-screenplay naman ni Tanda ang nasa kamay na ng isang independenteng direktor ng pelikula ngayon, samantalang ang kanyang nobelang pinamagatang Novel-of-Sorts ay magiging available online rin sa taong 2006.SA TEYATRO'Y na-involve din si Tanda, at ito'y noong tumulong siyang mag-direk ng mga proyekto (na may exotic o di kaya'y socio-political na mga paksa) ng dalawang probinsyal na grupong pang-teyatro. Nagsulat/nagdisenyo rin si Tanda ng mga simbolistang piyesang pang-performance (at umarte rito). Ang mga ito'y ginawa niya para sa probinsyal (bagamat college-campus) na manonood sa U.P. Tacloban at Silliman University sa Dumaguete.
May puso rin para sa pop music si Tanda. Naperform niya ang ilan sa kanyang mga sariling kanta sa isang restaurant sa university town ng Dumaguete City (ang koleksyon niya ng mga kantang iyon ay nananatiling nakabaul sa dalawang pribadong cassette tapes, bagaman dalawa nito -- sa ilalim ng pangalang Jojo de Veyra -- ay ma-i-istream sa Internet).
Nagkaroon din ng stint bilang kontributor ng maliliit na cultural reviews at articles para sa National Midweek si Tanda (bilang Vicente Soria de Veyra), bagaman ituturing niya ang mga ito ilang buwan matapos ang kanyang stint dito bilang magagandang samples ng mga bagay na sophomoric.NANANATILING hangad ni Tanda'ng matapos niya ang isa pa niyang nobela na in-progress dahil ito nama'y nasa wikang Pilipino.
Nabase sa bayan ng Bukawi sa lalawigan ng Bulakan mula 1993-2003 habang nagtatrabaho bilang advertisements writer para sa pitong magkakasunod na ad agencies sa Metro Manila, nabase naman ng dalawang taon si Tanda sa Tacloban mula 2003 hanggang 2005 para isulat ang kanyang screenplay-novel at upang maitayo ang isang banda at mairecord doon ang cd ng nasabing bagong grupo. Balik-Bulakan na ngayon si Tanda't nilalakad pa rin ang cd project ng kanyang banda. Maririnig ang dalawang kanta ng bandang ito -- na Groupies' Panciteria -- sa Soundclick.com at sa Purevolume.com, samantalang mabibili naman ang 13 ng kanilang 14 na mga kanta sa mp3 format ng mga ito sa Mobiuslive.net.
-- in-upload Nobyembre 24, 2006
LINKS SA IBANG PAHINA SA SITE NA ITO:
Sa Harapan | Mga Tula | Likhang Kuwento | Mga Rebyus ng Buks Kultural | Mga Music Rebyus | Mga Pelikula Rebyus | Si Tanda
![]()