|
LESSON 11 The Fall of Man (Ang Pagkahulog ng Tao)
1. Nanatili ba ang tao na kaibigang-alagad (friend-servant) ng Diyos? Hindi, nilabag niya ang Tipan ng Diyos nang kainin niya ang bunga ng punong-kahoy na ipinagbabawal. Genesis 2:17; Deuteronomio 4:23
2. Napakalaki bang kasalanan ang paglabag na ito? Oo, sapagkat: a. Ito’y paglabag sa Kautusan ng Diyos. Genesis 3:11 b. Sa kanyang paglabag, pinili ni Adan si Satanas kaysa sa Diyos. Genesis 3:14 c. Si Adan ay nagkasala bilang puno at unang ama ng buong sangkatuhan. 1Corinto 15:21, 22
3. Ano ang kaparusahan sa kasalanan? Kamatayan: “sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.” Genesis 2:17; Romans 6:23
4. Namatay ba agad si Adan tulad ng sinabi ng Diyos? Oo, Si Adan ay nahiwalay sa Diyos at inalis sa presensiya ng Diyos sa hardin, at naging patay ang katutubong-kalikasan sa kasalanan at nasa ilalim ng poot ng Diyos. Efeso 2:1; Roma 5:12
5. Tayo rin ba, ayon sa ating katutubong-kalikasan ay nasa ilalim ng kaparusahan ng kasalanan ni Adan? Oo, sapagkat tayo rin ay ipinanganak na patay sa kasamaan at kasalanan. Roma 5:12; Jeremias 17:9; 1Corinto 15:21, 22.
6. Ano ang ‘Orihinal na Kasalanan’? Ang Orihinal na Kasalanan ay pagbibilang ng kasalanan ni Adan sa buong lahi ng sangkatauhan. Roma 5:12
7. Ano ang Orihinal na Kasamaan o Karumihan? Ito’y ang kabulukan ng katutubong-kalikasan ni Adan na naipasa sa buong lahi ng sangkatauhan. Genesis 2:17; Job 15:14; Awit 51:5
8. Ang tao ba ay kayang gumawa ng anumang mabuti? Hindi, ang kanyang katutubong-kalikasan ay naka-ayon sa lahat ng kasamaan, at lahat ng kanyang mga gawa ay bulok at may bahid palagi ng kasalanan. Awit 51:5
9. Paano ipinahayag ng Diyos ang Kanyang biyaya matapos ang pagbagsak sa kasalanan ni Adan? Kanyang ipinagako si Cristo na mula sa binhi ng babae na dudurog sa ulo ng ahas. Genesis 3:15
EXTRA WORK
1. Basahin ang Genesis 3:1-6 at sagutin ang mga sumusunod na katanungan: a. Sino ang tunay na tumukso kay Eba? b. Anong kasinungalingan ang sinabi ni Satanas kay Eba? c. Bakit nahikayat si Eba na kumain ng bunga ng ipagbabawal na punong-kahoy? 2. Paanong si Adan ay larawan ni Cristo? Roma 5:12-19; 1Corinto 15:22; Lesson 10-Q#8 3. Ano ang kahulugan ng ‘Tunay na Makasalanan’ (Total Depravity)? Patunayan ang katotohanan nito ayon sa Efeso 2:1; Roma 3:10-19; Canons III/IV, Article 4. 4. Balik-aralan ang ‘Common Grace’ at bakit ito’y sumasalungat sa “Tunay na Maksalanan’?
LESSON 12 The Mediator and His Names (Ang Tagapamagitan at ang Kanyang mga Pangalan)
1. Paano inililigtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang? Sa pamamagitan ng tunay na pananampalataya sa Tagapamagitan ng Tipan ng Biyaya, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Hebreo 8:6
2. Hindi ba kayang iligtas ng Kanyang hinirang ang kanilang mga sarili? Hinding-hindi, sapagkat hindi kailanman nila mabibigyan ng kaganapan ang katarungan ng Diyos at hindi nila kayang tubusin ang sarili nilang kasalanan. Roma 4:5
3. Dapat bang talagang bigyan ng kaganapan ang Kanyang katarungan? Walang alinlangan, sapagkat hindi maaring ikaila ng Diyos ang Kanyang sarili, samakatuwid, matatanggap lamang tayo ng Diyos sa Kanyang tipan ng buhay kung ang Kanyang katarungan ay mabibigyan ng kaganapan. Isaias 53:11
4. Ngunit bakit hindi kayang bigyan ng makasalanang tao ng kaganapan ang katarungan ng Diyos? Sapagkat ang tao ay patay sa kasalanan at patuloy na nadagdagan ang kanyang kasalanan sa araw-araw. Roma 6:23
5. Sino ang nagbigay sa atin ng Tagapamagitan? Siya ay mula sa Diyos, itinalaga Niya at Siyang ibinigay sa atin. 1 Corinto 1:30. Kaya nga, Siya ay tinawag ding Kordero ng Diyos.
6. Anu-ano ang mga pangunahing pangalan ng Tagapamagitan? Ang mga pangalang Jesus, Cristo, at Panginoon. Gawa 2:36
7. Nagbigay ba ang Biblia ng iba pang mga pangalan ng Tagapamagitan? Oo, maraming pangalan ang tinawag sa Kanya, tulad ng: Anak ng Diyos, Anak ng Tao, Immanuel, Kordero ng Diyos, Leon ng angkan ni Judah, Anak ni David. Mateo 27:43
8. Bakit ang Tagapamagitan ay tinawag na Jesus? Sapagkat iniligtas Niya tayo mula sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan at ginawa Niya tayong kabahagi ng walang hanggang kaluwalhatian. Gawa 4:12
9. Ano naman ang nais ipakahulugan ng pangalang Cristo? Ang kahulugan ng pangalang Cristo ay ‘pinahiran ng langis ng Diyos’: na Siya ang itinalaga ng Diyos Ama at ginawang angkop na angkop ng Espiritu Santo upang ating maging Tagapamagitan. Juan 1:41
10. Bakit Siya ay tinawag na Panginoon? Sapagkat tinubos at iniligtas Niya tayo mula sa kapangyarihan ng diyablo at inari Niya tayong Kanyang sarili. 1 Corinto 6:19-20
EXTRA WORK
1. Sino ang nagbigay ng pangalang Jesus sa ating Tagapamagitan? Ibigay ang kahulugan nito. Mateo 1:21; Lucas 1:31 2. Ano ang kahulugan ng pangalang Immanuel? Mateo 1:23. Bakit Siya tinawag sa ganitong pangalan? 3. Magsabi ng mga talata kung saan si Jesus ay tinawag na: Salita, Anak ng Tao, Kordero ng Diyos, Leon ng angkan ni Judah. Ipaliwanag ang kahulugan ng mga pangalan. 4. Maghanap sa Biblia ng iba pang pangalan ni Cristo. 5. Basahin ang Gawa 11:26 at ipaliwanag: Kailan unang tinawag ang mga mananampalataya na Cristiano? Bakit sila tinawag sa ganitong pangalan? (L.D 12)
LESSON 13 The Natures of the Mediator (Ang mga Kalikasan ng Tagapamagitan)
1. Ilang kalikasan mayroon si Cristo? Dalawa, si Cristo ay may kalikasang pagka-Diyos at kalikasang pagka-tao. Roma 1:3,4 9:5
2. Paanong ang dalawang kalikasang ito ay napagsama? Napagsama ang mga ito sa isang Persona ng Anak ng Diyos. Marcos 15:39
3. Kung magkaganon, si Cristo ba ay tunay na Diyos? Oo, sapagkat ang Salita ay Diyos at nagkatawang tao. Juan 1:1, 14; 1Juan 5:20; 1Timoteo 3:16
4. Bakit kinakailangang si Cristo ay tunay na Diyos? Sapagkat Siya lamang na tunay na Diyos ang maaaring makadala ng bigat ng ating mga kasalanan at iligtas tayo sa mga ito. Galacia 1:3, 4
5. Si Cristo ba ay tunay ring tao? Oo, sapagkat isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak sa anyo ng makasalanang tao. Roma 8:3
6. Ano ang patunay na si Cristo ay talagang may kalikasang pagka-tao? Si Cristo ay may tunay na katawan ng tao, Lucas 24:39, at may tunay na kaluluwa ng tao, Mateo 26:38. Siya ay nagutom at nauhaw at nakadama ng kapighatian at kagalakan. Juan 19:28; Juan 11:35
7. Ano pa ang masasabi mo sa Kalikasang pagka-tao ni Cristo? a. Ito ay kumpletong kalikasang pagka-tao. Hebreo 2:14-17 b. Ito ay mahina at pinababang kalikasang pagka-tao. Hebreo 4:15 c. Ito ay kalikasang pagka-tao na walang kasalanan, banal at hindi marumi. Hebreo 7:26ff.
8. Paano si Cristo naging tao? Nakuha ni Cristo ang kalikasang pagka-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mula kay birheng Maria. Lucas 1:35
9. Bakit kinakailangang si Cristo ay maging tunay na tao? Sapagkat ang tao lamang ang maaaring magdusa sa mga kasalanang nagawa ng tao. Exodo 21:23
10. Ano ang masasabi mo sa pagsasama ng dalawang kalikasan kay Cristo? Ang dalawang kalikasan ni Cristo ay umiiral ng may pagkakaisa sa isang Persona nang walang pagtatalu-talo pagbagu-bago, paghalu-halo, o paghihiwa-hiwalay. Juan 7:26ff.
EXTRA WORK
1. Basahin ang LD 5 at LD 6 ng Katesismo at sabihin kung bakit si Cristo ay kailangang parehong tunay na Diyos at tunay na tao. 2. Noong si Cristo ay ipananganak, mayroon ba Siyang… a. Orihinal na katiwalian (Original pollution)? Ipaliwanag. b. Orihinal na kasalanan (Original guilt)? Ipaliwanag. 3. Basahin ang Mateo 4:1-11 at Hebreo 4:14-15. Posible ba kay Cristo na magkasala? Kung ganon bakit Siya tinukso? 4. Ano ang itinuturo ng Filipos 2:5-8, tungkol sa kalikasang pagka-tao ni Cristo?
LESSON 14 The Offices of the Mediator (Ang mga Katungkulan ng Tagapamagitan)
1. Sa anong gawain si Cristo ay itinalaga o pinahiran ng langis? Sa tatlong gawain ng pagka Propeta, Pari at Hari. Isaias 61:1
2. Ano ang gawain ni Cristo bilang ating Propeta? Ipinapahayag Niya sa atin ang buong kalooban ng Diyos na may kinalalaman sa ating kaligtasan. Mateo 11:25-27
3. Si Cristo ba ay atin ng Propeta habang Siya’y nasa lupa? Oo, sa Kanyang sariling Persona at sa Kanyang mga gawa ay ipinahayag Niya ang layunin ng Diyos sa kaligtasan. Juan 15:15
4. Ano ang gawain ni Cristo bilang ating Propeta sa langit? Patuloy Siyang nagtuturo sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu. Juan 14:26
5. Ano ang gawain ni Cristo bilang ating Pari habang Siya’y nasa lupa? Inialay Niya ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng kasalanan ng Kanyang mga hinirang. Hebreo 9:14, 28
6. Ano ang kapangyarihan at halaga ng Kanyang sakripisyo? Iyon ay sakripisyong ipinalit sa atin, kung saan binayaran Niya ang lahat ng mga kasalanan ng Kanyang hinirang at tiniyak ang ating kaligtasan. Heb. 10:14; Ef. 5:2
7. Ano naman ang gawain ni Cristo bilang ating Pari sa langit? Siya’y namamagitan para sa atin sa Ama, at nagkakaloob ng bawat espirituwal na pagpapala. Heb. 2:17
8. Ano ang gawain ni Cristo bilang ating Hari habang Siya’y nasa lupa? Winasak Niya ang lahat ng kapangyarihan ng diyablo at impiyerno, ng kasalanan at kamatayan, sa pamamagitan ng Kanyang perpektong ginawa sa krus. Colosas 2:15
9. Ano naman ang ginagawa Niya ngayon bilang ating Hari? Si Cristo ay namamalakad sa Kanyang Iglesya sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu. Efeso 1:22, 23
10. Mayroon pa ba Siyang ginagawang dagdag pa rito? Mayroon, pinangangalagaan Niya ang Kanyang Iglesya laban sa mga salakay ng mga kapangyarihan ng kadiliman at dinadala ang Kanyang Kaharian tungo sa ganap na kaluwalhatian.
EXTRA WORK
1. Basahin ang Isaias 61:1, 2 at ipaliwanag kung paano ito nagtuturo ng gawain ni Cristo? Basahin din ang Lucas 4:16-30. 2. Sa mga sumusunod na talata ipaliwanag kung paano si Melkisedek ay larawan ni Cristo: Genesis 14:18-24; Hebreo 6:20; 7:1-17 3. Magbigay ng mga propeta, pari at hari sa OT at ipaliwanag kung paano nila inilarawan si Cristo. 4. Basahin ang Mateo 11:25-27 at ipakita kung paano ang talatang ito’y nagtuturo na si Cristo ay Propeta? 5. Paanong ang pagpapalayas ng dimonyo ni Cristo ay nagpapakita na Siya’y Hari? 6. Ipaliwanag kung paano ang 1 Pedro 2:9 ay nagtuturo na ang mga mananampalataya ay mga propeta, mga pari at mga hari?
LESSON 15 The State of Humiliation (Ang Kalagayan ng Kababaan)
1. Ilang kalagayan ng Tagapamagitan ang ating makikita sa Biblia? Dalawa: Ang kalagayan ng kababaan at kalagayan ng karangalan. (State of humiliation and State of exaltation)
2. Anong talata sa Biblia ang maliwanag na nagsasaad ng dalawang kalagayang ito? Filipos 2:7-9. Itinuturo dito na si Cristo’y binigyan ng mataas na karangalan sapagkat siya’y nagpakababa hanggang sa kamatayan sa krus.
3. Ano ang kalagayang kababaan? Ito’y kalagayan kung saan ibinaba ni Cristo ang Kanyang sarili na tulad ng ating katawan hanggang sa kamatayan upang matamo ang kaligtasan para sa atin.
4. Ilang baitang mayroon sa Kanyang pagpapakababa? Lima: 1) Ang Kanyang hamak na kapanganakan, 2) Ang Kanyang pagdurusa, 3) Ang Kanyang kamatayan, 4) Ang Kanyang libing, 5) Ang Kanyang pagbaba sa impiyerno
5. Paano nangyari na ang kapanganakan ni Cristo ay bahagi ng Kanyang pagpapakababa? Siya’y ipinanganak sa karukhaan at hindi tinanggap ng mga tao. Isaias 53:2,3
6. Paano pa, na ang Kanyang pagkakatawang-tao ay isang pagpapakababa? Bagama’t Siya’y nanatiling Diyos, si Cristo’y naparito sa anyo ng makasalanang laman. Juan 17:5; Roma 8:3
7. Ang Anak ba ng Diyos ay nagdusa? Ang persona ng Anak ng Diyos ay nagdusa sa Kanyang kalikasang-tao, sa katawan at sa kaluluwa. 1 Pedro 2:24; Mateo 26:37, 38
8. Bakit kinakailangang si Cristo ay magdusa? Kailangang bigyan Niya ng kaganapan ang katarungan ng Diyos at tubusin ang ating mga kasalanan. Roma 5:8-11
9. Paano si Cristo nagdusa? Siya’y nagdusa sa kamay ng mga masasama, at higit pa rito ay pinagdusaan Niya ang bigat ng poot ng Diyos. Mateo 20:28; Roma 5:6; Isaias 53:4, 5
10. Para kanino ang pagdurusa ni Cristo? Nagdusa Siya para sa mga hinirang na ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama. Juan 6:39; Juan 10:15; Mateo 1:21
EXTRA WORK
1. Ipaliwanag kung paano si Cristo ay nagdusa sa buong buhay Niya. Magbigay ng talata mula sa Biblia para patunayan ito. 2. Patunayan sa Juan 6:39 at Juan 10:15 na si Cristo ay nagdusa para lamang sa mga hinirang. 3. Ano ang itinuturo ng 2Corinto 8:9 hinggil sa pagpapakababa ni Cristo sa Kanyang pakakatawang-tao? 4. Anong mga samahan ang nagtuturo na si Cristo ay namatay para sa lahat ng tao? Patunayan na mali ang katuruang ito. 5. Kung si Cristo ay namatay lamang para sa hinirang, bakit nais Niyang ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat?
LESSON 16 The State of Humiliation (continued) (Ang Kalagayan ng Kababaan [Pagpapatuloy])
1. Ano ang pangatlong hakbang sa pagpapakababa ni Cristo? Ang kamatayan ni Cristo sa krus. Lucas 23:46
2. Anong uri ng kamatayan ang ikinamatay ni Cristo? Ang kamatayan sa krus na itinuturing na isang sumpang kamatayan. Deut. 21:23
3. Bakit kinailangan pang mamatay si Cristo ng isang isinumpang kamatayan? Kailangan Niyang mabata ang sumpa ng Diyos na nasa atin dahil sa ating mga kasalanan. Galacia 3:13
4. Ang kamatayan ba ni Jesu-Cristo ay tulad ng kamatayan natin? Hindi. Ibinigay ni Cristo ang Kanyang buhay dahil sa pagsunod sa kalooban ng Ama.
5. Bakit kailangan ang kamatayan ni Cristo ay Kanyang sariling gawa? Sapagkat sa pamamagitan lamang ng pagsunod ni Cristo sa Ama, na matutupad Niya ang kaligtasan para sa Kanyang mga hinirang.
6. Bakit naman inilibing si Cristo? Pinasok Niya ang ating libingan upang ipakita na napagtagumpayan na Niya ang kapangyarihan ng kamatayan at winasak ang kabulukan ng libingan para sa atin. Awit 16:9, 10
7. Kung ganon, bakit kinakailangan pang mamatay ang mga mananampalataya? Ang kamatayan ng mga mananampalataya ay pagpasok lamang sa buhay at kaluwalhatian. II Corinto 5:1
8. Bakit naman ang mga katawan ng mga mananampalataya ay kailangan mahimlay sa kaukulang panahon? Ang kaligtasan at kaluwalhatian ay magiging ganap na ganap lamang sa muling pagbabalik ni Cristo pati na ang paglalang sa bagong langit at lupa.
9. Si Cristo ba ay bumaba sa impiyerno mismo? Hindi. Natiis Niya ang parusa ng impiyerno habang Siya’y nagdusa lalung-lalo na Kanyang pagdurusa sa krus.
EXTRA WORK
1. Ano ang kahulugan ng ‘substitutionary atonement’ ni Cristo? Mapapatunayan mo ba ang katotohanang ito sa 2Corinto 5:21? Magbigay pa ng ibang talata na nagtuturo ng katotohanang ito. 2. Tignan ang kahulugan ng ‘vicarious’ sa diksiyunaryo at ipaliwanag ang kaugnayan nito sa kamatayan ni Cristo. 3. Tignan ang Gawa 2:23 at Gawa 4:27, 28 at ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito hinggil sa kaugnayan ng kamatayan ni Cristo sa panukala ng Diyos. 4. Ang Romano Catoliko at mga iba pa, ay nagtuturo na si Cristo ay mismong bumaba sa impiyerno matapos Siyang mamatay at habang ang Kanyang katawan ay nakalibing. Tignan ang Katesismo Lord’s Day 16, Q&A 44, at 1Pedro 3:18-20 at ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga ito. Tignan din ang Lucas 23:46 5. Ano ang itinuturo ng Isaias 53:9 hinggil sa libing ni Cristo?
LESSON 17 The State of Exaltation (Kalagayan ng Pagpaparangal)
1. Ano ang kahulugan ng kalagayang pagpaparangal (state of exaltation)? Ito ay ang kalagayan kung saan si Cristo ay pinarangalan ng pinakamataas na kaluwalhatian sa kalangitan. Roma 5:10
2. Ilan ang bahagdan na makikita natin sa kalagayang pagpaparangal na ito? Apat: ang Pagkabuhay muli, ang Pag-akyat sa langit, ang Pagluklok sa kanang kamay ng Diyos, at ang muling Pagbabalik upang humatol.
3. Si Cristo ba’y nabuhay muli sa parehong katawan na nailibing? Oo, ngunit ito’y binago sa kaluwalhatian at makalangit na katawan.
4. Kanino bang kapangyarihan ang bumuhay kay Cristo? Sa Kanyang sariling kapangyarihan bilang walang hanggang Anak ng Diyos, ngunit binuhay rin Siya ng Kanyang Ama. Juan 2:19, Roma 8:11
5. Ano ang kahalagahan ng Pagkabuhay muli ni Cristo? Ito’y (1)katibayan na tayo’y pinawalang-sala’t inaring-ganap, (2)kapangyarihan ng ating espirituwal na pagkabuhay, at (3)garantiya ng ating kaluwalhatian sa hinaharap. Roma 4:25; 6:4, 5; 1Tesalonica 4:14
6. Paano umakyat si Cristo sa langit? Umakyat Siya sa paningin ng Kanyang mga alagad na nasa anyong katawan at sa isang lugar. Gawa 1:9; Lucas 24:51
7. Ano ang kahulugan na si Cristo ay nakaluklok sa kanang kamay ng Diyos? Sa kalangitan, Siya ay pinarangalan ng pinakamataas na kaluwalahatian at kapangyarihan at bingyan ng pangalan na pikamataas sa lahat ng mga pangalan. Hebreo 1:3; Efeso 1:20-22
8. Ano ang ginagawa ni Cristo sa kalangitan? Siya’y naghahanda ng lugar para sa lahat ng Kanyang mga hinirang, namamagitan para sa kanila at mula sa kalangitan ay pinagpapapala sila ng lahat ng pagpapala ng kaligtasan. Efeso 1:3; Juan 14:2; 1 Corinto 15:24-28
9. Ano pa ang ginagawa ni Cristo sa kalangitan? Siya’y namamalakad sa lahat, upang sa muling pagbalik Niya ay itatatag Niya magpakailanman ang kaharian ng Diyos. 1 Corinto 15: 24-28
10. Kailan muling babalik si Cristo? Kapag ang lahat ay naganap na ayon sa panukala ng Diyos.
EXTRA WORK
1. Magbigay ng mga talata ng iba’t-ibang pagpapakita ni Cristo matapos mabuhay na muli. 2. Tignan ang mga talata sa Tanong at Sagot # 5 at ipakita kung paano ang mga ito’y nagpapatunay sa sagot. 3. Ano ang itinuturo ng Filipos 2:9-11 hinggil sa pagpaparangal kay Cristo? 4. Tignan ang mga talata sa Tanong at Sagot # 8 at ipaliwanag kung paano ang mga ito’y nagpapatunay sa sagot.
LESSON 18 The Covenant of Grace (Ang Tipan ng Biyaya)
1. Paano inililigtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang? Sa pamamagitan ng buhay na pananampalaya sa Tagapamagitan ng Tipan, sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
2. Ano ang bunga ng ginawa ni Cristo? Na pinangangalagaan, pinatatag, at pineperpekto ng Diyos ang Tipan sa pamamagitan Niya. Jeremias 31:33
3. Ano ang Tipan? Ito ay isang buhay na relasyong batay sa biyaya sa pagitan ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang kay Cristo, kung saan Siya ang kanilang Diyos at sila naman ang Kanyang bayan. Genesis 17:7; Awit 16:5; 33:22
4. Mayroon ilang Tipan? Mayroon lamang iisang Tipan sa Matanda at Bagong Tipan na itinatag para sa mga hinirang sa lahat ng kapanahunan.
5. Hindi ba si Adan ay nasasakupan rin ng Tipan? Oo, ngunit sinuway niya ang Tipan sa pamamagitan ng kanyang kasalanan, kaya nga kailangang maitatag muli ang Tipan sa pamamagitan ni Cristo.
6. Paano itinatatag ng Diyos ang Kanyang Tipan? Itinatatag Niya ang Kanyang Tipan sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob (grace) kung saan isinasama Niya ang Kanyang mga hinirang sa Kanyang sariling Tipan ng pakikisama (covenant of fellowship). Efeso 2:8
7. Ang Diyos ba ay nakikipagtipan sa lahat ng tao? Hindi, Siya’y nakikipagtipan lamang sa Kanyang mga hinirang sa lahi ng nagpapatuloy na henerasyon. Galacia 3:16, 29
8. Ano ang ginagawa ng Diyos para sa Kanyang hinirang sa ilalim ng Tipan? Itinatatag Niya sila bilang Kanyang bayan, at ginagawa silang kabahagi ng lahat ng pagpapala na nakay Cristo, at inaakay sila patungo sa walang hanggang kaluwalhatian. Efeso 1:23
9. Sa pamamagitan nino, tayo ay ginagawa ng Diyos na kabahagi sa lahat ng pagpapala na nakay Cristo? Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na nananahan kay Cristo bilang Pangulo at nananahan rin sa Kanyang mga hinirang bilang mga bahagi ng Kanyang katawan. Efeso 1:23
EXTRA WORK
1. May mga nagtuturo na ang Tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at tao. Ano ang pagkakaiba ng isang kasunduan, sa tipan ng pakikisama (covenant of fellowship). 2. May mga nagtuturo rin, na yamang ang tipan ay kasunduan, ito’y bi-lateral (two-sided). Patunayan sa Genesis 15:7-18 na ang tipan ay uni-lateral (one-sided). 3. Patunayan sa Awit 89:28-34 na hindi lamang itinatatag ng Diyos ang Kanyang Tipan kundi pinangangalagaan rin Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang sariling gawa. 4. Ipaliwanag kung paano ang Genesis 3:15 ay isang pangako ng pagdating ng Cristo bilang Pangulo ng Tipan.
LESSON 19 Regeneration (Muling Kapanganakan)
1. Anu-ano ang ang pagkakasunod-sunod na hakbang sa kaligtasan (order of salvation) ? Pagbibigay ng buhay (regeneration), pagtawag (calling), pananampalataya (faith), pagpapawalang-sala’t pag-aaring ganap (justification), pagpapabanal (sanctification), pangangalaga (preservation), at pagluluwalhati (glorification).
2. Paanong ang kaligtasang ito ay nagaganap sa mga makasalanang hinirang? Si Cristo na siyang kabuoan ng ating kaligtasan, ang siyang epektibong gumagawa nito sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Tito 3:4-5
3. Ano ang unang gawa ng Espiritu Santo sa puso ng makasalanang hinirang? Ang gawang pagbibigay-buhay, Juan 3:3 “Malibang ang isang tao’y ipanganak na muli ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”
4. Ano ang pagbibigay-buhay (regeneration)? Ito’y gawa ng Espiritu Santo kung saan naglalagay Siya ng bagong buhay ni Cristo sa puso ng isang makasalanan. Efeso 2:1; Ezekiel 36:26,27; Juan 3:8
5. Mayroong bang ibang kahulugan kapag binanggit ng Banal na Kasulatan ang pagbibigay-buhay? Mayroon, sapagkat itinuturo ng Banal na Kasulatan ang dalawang kahulugan ng pagbibigay-buhay.
6. Ano ang unang kahulugan? Ang una’y pagtatanim o paglalagay ng buhay ni Cristo sa puso ng isang tunay na makasalanan. 1 Pedro 1:23
7. Ano ang ikalawang kahulugan? Ito’y katumbas ng pagbabagong-loob (conversion) na siyang gawa ng Diyos na kung saan binibigyan ng kaunawaan ang kaisipan, pinalalambot ang kalooban, at binibigyan ng kakayahang magsisi ang makasalanan. 1 Pedro 1:3
8. Ano ang pagbabagong-loob (conversion)? Ito’y hindi pagbibigay sa hilig ng lumang pagkatao na nasa kasalanan ngunit panibagong buhay sa bagong pagkatao kay Cristo, kung saan ang makasalanan ay tumatalikod sa lahat ng kanyang kasamaan at tumatalima sa Diyos. Colosas 3:5
9. Ano ang bunga ng pagbabagong-loob (conversion)? Isang buhay na sumusunod ng may papasalamat sa Diyos dahil sa kaligtasang ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.
10. Ang makasalanan ba ay may bahagi sa pagbibigay-buhay na ito? Walang-wala; ito’y gawa lamang ng Espiritu Santo. Gawa 16:14
EXTRA WORK
1. May instrumento bang ginagamit ang Diyos sa pagbibigay-buhay o wala? 2. Ano ang itinuturo ng Tito 3:5 tungkol sa pagbibigay-buhay?
LESSON 20 The Calling (Ang Pagtawag)
1. Ano ang kahulugan ng pagtawag (the calling)? Ito ay gawa ng biyaya ng Diyos kung saan ang isang makasalanan ay tinawag mula sa kadiliman patungo sa kamangha-manghang liwanag ng Diyos. 1 Pedro 2:9
2. Paano tinatawag ng Diyos ang Kanyang mga hinirang? Sa panlabas, ito’y sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo at sa panloob, ito’y sa pamamagitan ng pagkilos ng Espiritu Santo sa kanilang mga puso. 2 Timoteo 1:9,10
3. Ano ang panlabas na pagtawag sa pamamagitan ng Ebanghelyo? Ito’y walang itinatanging pagpapahayag ng Ebanghelyo ng iglesya sa pamamagitan ng mga tinawag at inordenang mangangaral. Roma 10:13,14
4. Ano ang panloob na pagtawag ng Espiritu Santo? Ito ay ang mabisang gawa ng Espiritu Santo kung saan ang katotohanan ng Ebanghelyo ay nagkabisa sa mga puso ng mga tinawag. 1 Corinto 2:10,12; Efeso 1:18
5. Sinu-sino ang mga mabisang tinatawag ng Diyos? Ang mga hinirang lamang. Roma 8:30, “…at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag…”
6. Subalit, hindi ba ang pagtawag sa pamamagitan ng Ebanghelyo ay nakaka-abot din kahit hindi sa mga hinirang? Oo, “sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti naman ang pinili.” Mateo 22:14
7. Saan-saan ipinapangaral ang Ebanghelyo? Kung kanino naisin ng Diyos ayon sa Kanyang sariling kagustuhan.
8. Ano ang kahalagahan ng pagtawag sa pamamagitan ng Ebanghelyo sa mga hinirang? Ito’y pamamaraan ng Diyos upang tipunin ang Kanyang iglesya mula sa lahat ng bansa.
9. Ano ang kahalagahan ng pagtawag sa pamamagitan ng Ebanghelyo sa mga hindi hinirang na makasalanan? Inihahantad nito ang kasamaan ng kanilang mga puso sa kanilang pagtanggi sa Ebanghelyo, at ito’y lalong magpapabigat sa kanilang hatol na tatanggapin. Mateo 11:24; Juan 8:24
EXTRA WORK
1. Tignan ang 2 Corinto 2:15-17 at sagutin ang mga sumusunod na mga katanungan: a. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang kanyang sabihin na “kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak”? b. Ano ang kahulugan ng “samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan” c. Ano ang kahulugan ng “samyong mula sa buhay tungo sa buhay” 2. Basahin ang parabola hinggil sa 4 na uri ng lupa sa Mateo 13:3-8, 18-23 at ipaliwanag ang iba’t ibang reaksiyon sa Ebanghelyo ayon kay Cristo. 3. Basahin ang Lord’s Day 31 ng Katesismong Heidelberg at sagutin ang tanong kung ang tawag sa pamamagitan ng Ebanghelyo ay katumbas din ng tawag para magsisi at sumampalataya.
|