Home  |  Lessons 1-10  |  Lessons 11-20  Lessons 21-30

"Pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito," Titus 1:9.

The Essentials of Reformed Doctrine

(Mga Mahahalagang Aral ng Doktrinang Reformed)

Ang Essentials ay isang sistematikong kurso sa Doktrinang Reformed na sinusunod ang tradisyonal na tinaguriang limang dibisyon (Loci) ng Dogmatics (Teolohiya). Ang pag-aaral na ito ay laan para sa mga estudyanteng nasa mga huling lebel ng high school at mga unang lebel ng kolehiyo. Ginagamit din ito sa mga lugar ng pagmi-misyon sa mga bagong kaanib. Ang layunin ng pag-aaral ay ang pagtuturo mula sa Salita ng Diyos ng mga paunang aral ng tamang doktrina at ng pananampalatayang Reformed at Cristiano.

Ang layunin ay malinaw na maunawaan ng isang mananampalataya ang kanyang pinaniniwalaan, bakit niya pinaniniwalaan ito, at saan sa Salita ng Diyos itinuturo ito. Hinahanapan ng mga simbahang Reformed ng malinaw na pagpapahayag ng pananampalataya (confession of faith) ang mga miyembrong nasa gulang na, na isang pagpapahayag ng “pananampalatayang Reformed” ayon sa pinanghahawakan. Dahil habang ang pananampalataya kay Cristo ay isang personal na bagay ng pag-ibig kay Cristo, ito ay pananampalataya ring kumikilala sa Kanya at ito’y ayon sa mga Kasulatan.

Ang Salita ng Diyos ay salita ng Katotohanan. Sa pamamagitan ng paghahambing ng mga espiritwal na bagay sa espiritwal at Kasulatan sa Kasulatan, maaaring maunawaan ng isang tao kung ano ang itinuturo ng Salita ng Diyos. Hindi ito isang bagay na haka-haka lang ng tao. Mayroong katotohanan at kasinungalingan. Mayroong katotohanan ng Ebanghelyo at ng katotohanan ni Cristo, at mayroong mga bulaang ebanghelyo at mga bulaang Cristo. Kapag ang bayan ng Diyos ay napapahamak dahil sa kawalan ng kaalaman at ang iglesia ay nahuhulog sa kalituhan ng bawat hangin ng kakaibang doktrina na humihihip dito, napagnanakawan ang mga tunay na mananampalataya ng kanilang pag-asa, kaaliwan at kagalakan at ang espiritwal na kapayapaan ng iglesia ay nagagambala.

Ang Essentials ay kabilang din sa mga pagsisikap ng iglesia upang ipasa sa susunod na henerasyon ang pamana ng Ebanghelyo. Ito ay seryosong bagay para sa mananampalatayang Reformed, dahil may kinalaman ito sa espiritwal na kapakanan ng kanyang mga anak at mga magiging apo.

Kahihiyan ng kasalukuyang sitwasyon ng iglesiang Cristiano, pati na ng komunidad ng mga Reformed at Presbyterian, at kahihiyan din sa harapan ni Cristo, na ang kamangmangan sa kaalaman sa Salita at doktrina ay napakalala. Ang ipinahayag ng iglesiang Cristiano sa loob ng dalawang milenyo ay naglaho na. Ang ipinahayag ng Repormasyon nang may katiyakan at kalinawan ay binabaluktot, tinututulan at kinalimutan na. Ang dahilan kung bakit naituturo ng mga bulaang mangangaral ang kahit ano na lang sa kasalukuyan, ay bunsod ng doktrinal at espiritwal na kamangmangan ng modernong Cristiano, na mas nakatuon sa kanyang “emosyonal” na pakiramdam tungkol sa Salita imbis na sa kung ano talaga ang sinasabi ng Salita. Ang resulta ng ganitong kalakaran ay kamatayan, oo, kamatayan, lalo na sa mga henerasyon. “Ang aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman.” Hoseas 4:6.

Susunod (Next)

Home

 

Hosted by www.Geocities.ws

1