|
Mga Sakit ng Kaluluwa... Kapalaluan ('Ujb)
Posted: November
1,
2007
“Sabihin mo (O
Muhammad): ‘Nais ninyo bang ipaalam Namin kung
sino ang labis na lugi sa kanyang mga gawain?
Yaong ang kanilang mga pagsisikap ay nasayang
dito sa buhay sa mundo habang sa kanilang
palagay sila ay gumagawa ng mabuti’.”
(Qur’an, 18:
103-4)
Sinabi ni Imam
‘Ali (‘a): “Sinumang may ‘ujb sa
kanyang puso ay tiyak na mapapahamak.”
[Al‑Saduq, al-‘Amali, p. 447]
Sinabi ni Imam
Musa al-Kazim (‘a): “May iba’t-ibang
antas ng ‘ujb. Halimbawa, kapag ang mga
masamang gawain ng tao ay mabuti sa kanyang
pag-aakala; itinuturing niyang mabuti ang mga
ito at mahal ang kanyang sarili, sa pag-aakalang
gumagawa siya ng mga mabuti. Ang isa pang antas
ng ‘ujb ay makikita sa taong nag-aakala
na sa kanyang paniniwala sa Panginoon, gumagawa
siya ng pabor sa Panginoon; subalit ang
katotohanan ay ito: ang Poong Maykapal ang
gumawa ng pabor sa kanya (sa pagkaloob sa kanya
ng paniniwala (iman)).”
[Al-Kulayni, al-Kafi, tomo 2, p. 313,
hadith # 3]
Ano ang ‘ujb at ano ang hindi ‘ujb
q Ang
‘ujb
ay isang palagay na ang tao ay labis na mabuti
at gumagawa ng mabuti, ang pagpalabis at
pagiging malugod sa mga ito na may kasamang
damdamin ng kahigtan dahil sa mga ito. Sa akala
ng taong may ‘ujb, siya ay walang anumang
pagkukulang at pagkakamali. Samantala, ang
kaluguran at kagalakan sa paggawa ng mabuti
kasama ng damdamin ng pagpakumbaba at
kababaang-loob sa Panginoon at pasasalamat sa
Kanyang mga biyaya ay hindi ‘ujb.
Sa halip, ito ay isang kapuri-puring kaugalian.
q Sinabi
ni Imam ‘Ali (‘a): “Ang taong nag-aakalang
siya ay mahalaga sa paningin ng Allah ay
walang-halaga.”
[Al-Amidi, Ghurar al-Hikam wa Durar al-Kalim,
hadith # 8609]
q Habang
inilalarawan ang mga katangian ng taong matalino,
sinabi ng Banal na Propeta (s): “Kanyang
itinuturing ang kaunting mabuting gawain ng iba
bilang marami at ang kanyang mga mabuting gawain
bilang kaunti.”
[Al-Nuri, Mustadrak al-Wasa’il, tomo 1,
p. 132, hadith # 184]
Iba’t-ibang antas at uri ng ‘ujb
q Ang
pangunahing antas ng
‘ujb
ay may kinalaman
sa
paniniwala sa mga wastong doktrina.
Sa pag-aakala ng tao, dahil sa kanyang
paniniwala sa Panginoon, gumagawa siya ng pabor
sa Panginoon, o dahil sa pagtupad sa mga
tungkuling ipinag-utos ng Panginoon at Kanyang
Propeta (s) o dahil sa pagpalaganap sa
Kanyang mensahe, siya ay may naitulong sa
kaluwalhatian ng Kanyang relihiyon. Ganito ang
kanyang iniisip bagama’t hindi niya ito sinasabi.
q Ang
ikalawang antas ng ‘ujb ay may kinalaman
sa mga magagandang asal at kaugalian,
kung saan sa akala ng taong may ‘ujb siya
ay isa sa mga paborito ng Allah at malapit sa
Kanya. Tuwing marinig ang pangalan ng mga
awliya’, sa kanyang pag-iisip kabilang siya
sa mga ito bagama’t siya ay nagpapakita ng
kababaang-loob. Tuwing may kagipitan, ayon sa
kanyang palagay, ito ay dahil sa kanyang
pagiging malapit sa Panginoon.
q Ang
ikatlong antas ng
‘ujb
ay may kinalaman
sa mga
mabuting gawain.
Sa pag-aakala ng taong may ‘ujb siya ay
nararapat na gantimpalaan ng Panginoon dahilan
sa kanyang mga mabuting gawain at pag-uugali.
Itunuturing niya ang sariling tunay na
nananampalataya at nararapat sa Panginoong
pagpalaan siya dito sa mundo at pagkalooban ng
mataas na karangalan sa kabilang-buhay. Subalit
lihim niyang binabatikos ang Kanyang mga pasiya
na siyang dahilan na ang mga matapat at
relihiyoso ay dumaranas ng kahirapan at Kanyang
pagkalooban ng panlabas na biyaya ang mga
hipokrito dito sa mundo. Nagkukunwari siyang
nagagalak at nalulugod sa Kanyang kagustuhan at
pasiya subalit hindi ganoon sa katotohanan.
q Isa
pang uri ng ‘ujb ay kapag itinuturing ng
tao ang sarili bilang nakahihigit at mas
relihiyoso kaysa iba at bilang mas mabuting tao.
Itinuturing niya ang sarili bilang mas perpekto
kaysa sa iba sa pagpapatupad ng mga ipinag-uutos
(wajibat) at pag-iwas sa mga
ipinagbabawal (muharramat). Hindi niya
ibinibilang ang bawat isa sa biyaya at habag ng
Panginoon, at inaakala ang mga ito bilang
karapatan niya at mga taong katulad niya. Siya
ay sensitibo sa mga pagkakamali ng iba, subalit
hindi pinupuna ang mga sariling kamalian.
Itinuturing ang iba bilang imperpekto at walang
halaga. Kanyang minamaliit ang iba sa kanyang
puso at inaalipusta sila. Sa huli, darating siya
sa puntong ipagkakait ang anumang kabutihang
kanyang makikita sa iba.
q Ang
isa pang uri ng ‘ujb ay may kinalaman sa
mga maling paniniwala at masamang gawain ng mga
hindi relihiyoso na kanilang ipinagmamalaki.
Itunuturing nila ang sarili bilang mga liberal
at ligtas sa anumang bigkis o gapos. Iniuugnay
nila ang paniniwala sa Panginoon sa pamahiin;
itinuturing nila ang paniniwala sa mga katuruan
ng relihiyon bilang kakitiran ng pag-iisip, at
magandang asal at pag-uugali bilang simbolo ng
kahinaan ng pagkatao. Minamaliit nila ang
paggawa ng mga mabuti habang itunuturing ang mga
masamang gawain bilang mga kakayahan.
Itunuturing ng mga ignorante at pabayang taong
ito ang mga sarili bilang may dunong, at hindi
sila nakikinig sa anumang payo o paalaala, na
kadalasang may salungat na epekto sa kanila.
Sinumang may ganitong uri ng ‘ujb ay ang
pinakahamak na tao.
q Sinabi
ni Imam al‑Sadiq (‘a): “Sinabi ni Satanas,
‘Kapag nalupig ko ang angkan ni Adan sa tatlong
bagay, hindi mahalaga sa akin kung ano ang
kanyang gagawin dahil ang kanyang mga mabuting
gawain ay hindi matatanggap: (1) kapag malaki
ang pagtingin niya sa kanyang mga mabuting
gawain, (2) kapag malimutin siya sa kanyang mga
kasalanan, at (3) kapag siya ay may ‘ujb’.”
[Al‑Saduq,
al‑Khisal, tomo 1, p. 112, hadith
# 86]
Mga masamang bunga ng ‘ujb
q Ang
‘ujb ay isang mapaminsala at pamanganib na
bisyo na sumisira sa paniniwala at mga mabuting
gawain ng maging karaniwang tao man o relihiyoso.
Ayon sa mga tradisyon [ahadith] na
naiulat mula sa Ahl al-Bayt (‘a),
ang ‘ujb ay masidhi pa kaysa kasalanan
kaya minsan hinahayaan ng Panginoong gumawa ng
kasalanan ang nananampalataya upang siya ay
maligtas mula sa ‘ujb. Bukod dito, ang
‘ujb ay isa sa mga pinakamalaking panganib
para sa kaluluwa ng tao. Sa purgatoryo (barzakh),
ang kaluluwang mayroon nitong masamang sakit
ay makakaranas ng matinding kalungkutan.
q Ang
‘ujb ay humahantong sa ilang mga malaking
kasalanan at masamang kaugalian. Kapag ang mga
ugat nito ay lumaganap sa puso ng tao, ito ay
aakay sa kanya sa politeismo
(shirk) at lubusang
pagtalikod sa relihiyon (irtidad).
Bukod dito, ang taong may ‘ujb ay walang
pag-aalintanang baguhin ang sarili. Samakatuwid,
itinuturing niya ang sarili bilang relihiyoso at
piyadosong tao. Hindi niya binibigyang-pansin
ang kanyang mga kasalanan at hindi rin
nagsisikap na iwasan ang mga ito. Kaya, ito ay
tuluyang aakay sa kanya sa walang-hanggang
kapahamakan. Ang maitim na kurtina ng ‘ujb
ay bumabalot at sumisira sa kanyang pag-iisip,
bumubulag sa kanya upang hindi makita ang
kanyang mga pagkukulang at pumipigil sa kanyang
makamit ang anumang uri ng kaganapan (kamal).
q Ang
taong may ‘ujb ay malapit sa riya’
(pakitang-tao) at nifaq (pagkukunwaring-banal).
Makalalin ito ng pagmamalaki sa kanyang kilos.
Kabilang sa iba pang mga kasamaan ng taong may
‘ujb ay ang kanyang pag-alipusta at
paglalait sa iba. Ito ay unti-unting nagpapalayo
sa kanya sa landas ng kabaitan at umaakay sa
kanya sa landas ng kalupitan, kawalang-puso at
kapinsalaan.
q Sinabi
ni Imam ‘Ali (‘a): “Walang kilabot
ng kalungkutan ang maihambing sa kalungkutang
bunga ng ‘ujb.”
[Nahj
al-Balaghah, Kasabihan # 113]
q Sinabi
ni Imam ‘Ali (‘a): “Ang taong may ‘ujb
ay walang pag-iisip.”
[Al-Amidi,
Ghurar al-Hikam wa Durar al-Kalim, hadith
# 1008]
Sinabi ni Imam ‘Ali (‘a): “Ang ‘ujb
ay siyang bukal ng kahangalan.” [Ibid., #
938]
Ilang mga payo sa paglunas ng ‘ujb
q Mapapansin
ng tao ang ‘ujb sa kanyang pagkatao sa
pamamagitan ng pag-iingat, pagmuni-muni sa
sarili, at pagsusuri sa sariling mga layunin at
kilos. Taos-pusong manalangin sa Panginoong
pagkalooban ng kabatiran sa kanyang mga
pagkakamali at kahinaan. Isipin na kapag ibigin
ng Panginoon ang tao, pagkalooban muna Niya ito
ng kabatiran sa kanyang sariling mga pagkukulang
at pagkakamali.
q Alalahanin
na ang buhay, lakas, dunong at iba pa ay mga
bakas ng mga Katangian ng Panginoon. Bawat
mabuting gawain, pananampalataya, talino, at
pagkakataon ay nakakamit sa pamamagitan ng
Kanyang mga biyaya at grasya. Kapag wala Siyang
pahintulot, walang taong makagawa ng anumang
mabuti. Nilay-nilayin ang iyong mga mabuting
gawain at pananampalataya: Taos-puso ba ang mga
ito nang walang pagkukulang at para lamang sa
Allah? Masabi mo bang nararapat na pagkalooban
ka ng gantimpala ng Panginoon dahilan sa iyong
mga mabuting gawain? O baka naman mas
nakakabuting malaman mo na ang tulong ng Allah
ang nagbigay pagkakataon sa iyong gumawa ng
mabuti at marami sa iyong mga pagkakamali at
masamang layunin ang Kanyang tinakpan, at
ipanalangin na Kanyang ibilang ang mga ito sa
iyong mga mabuting gawain?
q Dapat
malaman na walang nilalang sa ibabaw ng lupa ang
lubos na makaganap sa mga pangangailangan ng
pananampalataya at paglilingkod sa Allah. Ang
mga panalangin ng mga propeta at awliya’
ay nagpapatibay sa kanilang mga pagkukulang dito.
Batid nila na kahit na magsamba sila habambuhay,
hindi sila lubos na makapasalamat dahilan sa
Kanyang mga biyaya at higit pang hindi nila
kayang maunawaan ang Kanyang Diwa at mga
Katangian. Kaya, nararapat laging alalahanin ng
tao ang kanyang mga pagkakamali at humingi ng
kapatawaran sa Panginoon.
q Ang
‘ujb ay bunga ng pagmamahal sa sarili na
huminimok sa taong bigyang halaga ang kanyang
mga di mahalagang gawain at maliitin ang mga
mabuting gawaing ng iba. Isaalang-alang ang
iyong mga kilos: Ano ang iyong nadarama tuwing
nakakagawa ka ng isang maliit na mabuti?
Humihimok ba ito sa iyong magpakumbaba at
magpasalamat sa Allah? Ano ang pagtingin mo sa
katulad ng mga gawain ng iba? Mahirap ba para sa
iyong tanggapin ang mga ito bilang mga mabuting
gawain? Ano ang iyong nararamdaman tuwing
nagkakasala ka? Humihimok ba ito sa iyong mahiya
sa Panginoon, o hindi mahalaga ito sa iyo at may
dahilan ka sa paggawa nito? Ano ang pagtingin mo
kapag iba ang nagkasala? Humihingi ka ba ng
kapatawaran para sa kanila? Tinutulungan mo ba
sila upang matalikuran ng mga kasalanan, o baka
naman galit ka sa kanila?
q Tuwing
nagdarasal, muni-munihin ang mga kahulugan ng
al-hamdulillah (ang lahat ng puri ay sa
Allah lamang) at sikaping turuan ang iyong puso
na ang lahat ng mga kakayahan at katangiang
iyong taglay at lahat ng mga mabuting iyong
nagawa ay hindi kapuri-puri, at ang Panginoon
ang dapat na purihin dahilan sa mga ito na
Kanyang ipinagkaloob sa iyo.
Konklusyon:
q
Sinabi ni Imam al-Baqir
(‘a): “Pigilin ang daan ng ‘ujb sa
pamamagitan ng ma‘rifah (kaalaman) sa
sarili.” [Mizan al-Hikmah, hadith
# 11859]
Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa
tunay na Islam, dumalaw sa:
http://al-islam.org/faq/
|