|
Mga Kabutihan ng Kaluluwa... Pakikibaka laban sa
Sarili (Jihad al-Nafs)
Posted: July 30,
2005
... Sumpa sa
kaluluwa at sa Kanyang lumikha nito nang
walang-kapintasan, at pagkatapos nagbigay ng
inspirasyong makaunawa ito ng ano ang tama at
mali. Sa katotohanan, matagumpay ang siyang
nagdadalisay (ng kanyang sariling kaluluwa).
(Qur’an
91:7-9)
Sinabi ng Imam Ja‘far al Sadiq (‘a): “Nagpadala
ang Propeta (s) ng Allah ng isang pangkat ng
hukbo (sa larangan ng digmaan). Sa kanilang (matagumpay
na) pagbalik, kanyang (s) sinabi: ‘Pinagpala
yaong nagsagawa ng mas maliit na jihad at gagawa
ng higit na malaking jihad.’ Nang tanungin, ‘Ano
ang higit na malaking jihad?’ sumagot ang
Propeta (s): ‘Ang jihad ng sarili (pakikibaka
laban sa sarili)’”.
[Al-Majlisi,
Bihar al-Anwar, tomo 19, p. 182, hadith 31]
Ang kaluluwa ng tao
ay tagpuan ng isang labanan sa pagitan ng
dalawang magkalabang lakas. Ang dibinong lakas
ay aakit sa kanya tungo sa mga kalipunang
panlangit at sa mga mabubuting gawi. Ang
makasatanas na lakas ay mag-uudyok sa kanya
tungo sa mga lupain ng kadiliman at kahihiyan,
at hahalina sa kanya sa mga masasamang gawi.
Kapag ang dibinong hukbo ay magtagumpay, ang tao
ay magiging mabuti at maluwalhati, kasama ng mga
propeta, santo at banal. Subalit, kapag ang
hukbo ng Satanas ay magwagi, ang tao ay maging
suwail at masama, at mabibilang sa mga
di-naniniwala, mapang-api, makasalanan, at yaong
mga isinumpa.
Ano ang pakikibaka laban sa sarili?
Jihad al-nafs ay ang pakikibaka laban sa mga
masasamang isipan, hangad at lakas ng kasakiman,
galit at guniguning walang-ampat, at ang
paglalagay ng mga ito sa ilalim ng kapangyarihan
ng katwiran at paniniwala sa pagsunod sa mga
kautusan ng Panginoon, at sa wakas, pag-aalis ng
lahat ng mga masasamang isipan at impluwensiya
mula sa sariling kaluluwa. Ang pakikibakang ito
ay itinuring na malaking pakikibaka (al-jihad
al-akbar) sa dahilang ito ay mas mahirap kaysa
yaong nasa larangan ng digmaan sapagkat sa
pakikibaka laban sa sarili, ang tao ay
walang-humpay na nakikilaban sa mga kaaway na
namamahay mismo sa kanyang buhay. Itinuturo ng
mga katuruang pangmoral ng Islam na sinumang
magtagumpay sa pakikilabang ito ay maaring
pumailanglang higit pa sa mga anghel, at
sinumang hindi magtagumpay dito ay lulusong nang
mas hamak pa kaysa mga hayop, at maaari pang
maibilang sa kampon ni Satanas.
Ang mga hakbang sa pakikibaka laban sa sarili
* Hakbang 1: Pagmumuni-muni: Ang bawat isa ay
dapat na mag-ukol araw-araw ng ilang sandaling
pagnilay-nilay tungkol sa sariling mga
katungkulan sa Panginoon na Siyang nagpadala sa
kanya dito sa mundo, nagbigay ng malusog na
pangangatawan at isipan, at naghandog sa kanya
ng dunong at mga kakayahan, na puro pinagmumulan
ng kaligayahan at kagalakan sa kanyang buhay.
Nagpadala rin ang Panginoon ng mga Propeta at
Banal na Aklat bilang landas ng patnubay at
kaligtasan. Ang layon ng buhay na ito at mga
pakay sa lahat ng mga grasyang ito ay mas dakila
kaysa pagsunod sa mga makamundong kagustuhan at
masasamang hilig na panandalian at pansamantala
lamang. Ang kamatayan ay maaring darating
anumang oras. Ang mundong ito ay isang pook para
sa pagsasagawa ng mga mabuti na magdudulot ng
kalugurang walang-hanggan at magdadala sa kanya
tungo sa mas mataas na antas ng buhay. Kaya, ang
tao ay nararapat na magmuni-muni tungkol sa
kanyang tadhana at kawalang-kaya sa mga kamay ng
lumilipas na oras at panahon. Nararapat siyang
magsisi sa Panginoon para sa pagsayang sa mga
mahahalagang taon ng buhay at para sa mga
nakaraang gawain na magdudulot ng kahihiyan sa
kanya sa Araw ng Paghuhukom. Kaya nararapat
siyang magsimulang magsumikap na makaangat mula
sa kanyang pagkahamak at humingi ng tulong sa
Panginoon na handugan siya ng pag-asa, katapatan
at lakas laban sa mga masasamang hilig at
kaugalian, at mapailanglang sa ibayo ng mga
kasiyahang panlupa at makamundong pakinabang.
* Hakbang 2: Kalooban at pagpasiya: Matatag na
pagpasiya ang diwa ng pagkatao at pangunahing
kailangan sa pagkamit ng kalayaan mula sa
paghahari ng mga masasamang kagustuhan. Ang
kalooban na kinakailangan sa yugtong ito ay
kahalintulad ng pagtatag ng pundasyon ng isang
magandang buhay. Ang mandirigma sa digmaang ito
laban sa sarili ay nararapat na linisin niya ang
kanyang sarili mula sa mga kasalanan, magsagawa
ng lahat ng mga obligatoryong (wajib) gawain,
magbalak na tumbasan ang mga araw na nasayang (sa
pagkakasala), at sa wakas, magpasiya na kumilos
nang matino bilang isang makatwirang
relihiyosong tao at tunay na tao. Ang kanyang
mga kilos ay nararapat na katulad ng pamumuhay
ng Propeta (s), at sumunod sa Propeta sa lahat
ng kanyang mga pangingilin at pamimili. Ang
lahat nito ay hindi makakamit maliban kung
alamin niya ang mga batas ng Islam (shari‘ah) at
taimtim na sundin ang mga ito.
* Hakbang 3: Pag-uusisa, pagpapahalaga, at
panunuri sa sarili: Pagkatapos sumumpang maging
isang taong may malakas na kalooban at
pagpapasiya, dapat niyang unawain na ang
kabilang-buhay ang lugar kung saan ang kanyang
mga sekreto ay mabubunyag. Kaya, dapat na
araw-araw niyang tantiyahin ang sarili upang
makaiwas sa mga masasamang asal at kagustuhan,
makatamo ng mas marangal na ugali, at makagawa
ng mas mabuting mga gawain kaysa sa mga nakaraan.
Dapat niyang maunawaan na ang paggawa ng
kasalanan ay nakakaalis ng maharlikang diwa ng
kanyang pagkatao, at dapat siyang humingi ng
saklolo sa Kanya at magdasal para sa pamamagitan
(shafa‘ah) ng Propeta (s) at ng kanyang
Sambahayan (Ahl al-Bayt) (‘a).
* Hakbang 4: Pag-aayos sa sarili: Ang pagpasiya
at pagpapahalaga sa sarili sa nakaraang mga
hakbang ay dapat na maging tiyak sa mga
pangakong pag-aayos sa sarili. Halimbawa, ang
taong may masamang ugali ng malalaswang mga mata,
dilang naninirang-puri, o sariling namamayagpag
ay dapat na kanyang sabihin sa sarili, “Hindi ko
lalabagin ang Batas ng Panginoon ngayong araw”
at isang araw na sadyang umiwas sa yaing mga
kaugalian. Sa pamamagitan ng pagsubok nito nang
tapat at may pagpapasiya, kanyang maunawaan kung
gaano kadali ito. Hindi niya dapat pansinin ang
Satanas at masasamang isipan na ang maliit na
gawaing ito ay napakahirap at maaring imposible
pa. Kaya, maari niyang unti-unting ipagpatuloy
ang pagsubok nito at tingnan kung gaano kadaling
iwasan ang isang masamang ugali o magtamo ng
isang mabuting katangian.
* Hakbang 5: Pag-iingat laban sa masama: Ang
taong nakikibaka laban sa kanyang sarili ay
dapat na laging isaalang-alang ang kanyang mga
layunin. Bawat oras na may hangad siyang labagin
ang mga kautusan ng Panginoon, dapat niyang
malaman na ito ay kinikintal sa kanyang isipan
ng Satanas at ng kanyang mga kampon, na
sumasansala sa kanyang magagandang pasiya. Dapat
niyang isumpa sila, humingi ng mahabaging
kalinga ng Panginoon, at iwaksi ang mga
masasamang panimdim mula sa kanyang puso. Dapat
niyang sagutin ang Satanas na ngayong araw dapat
siyang manatiling tapat sa kondisyong kanyang
ipinilit sa kanyang sarili na hindi lalabag sa
mga kautusan ng Panginoon. Kaya, sa tulong ng
Panginoon, ang Satanas ay maipapalayas. Dapat
manatili ang tao sa ganitong pag-iisip hanggang
gabi—ang oras para sa pag-uusisa sa sarili at
pagpapahalaga sa kanyang mga gawain buong araw.
Ito ang oras para alamin kung naging tapat siya
sa kanyang Panginoon. Kung naging matapat siya
sa Panginoon, dapat niyang pasalamatan Siya. Ang
taong ganoon ay nakagawa ng isang hakbang
patungo sa Kanya at naging tampulan ng Kanyang
pansin. Kaya patuloy na tutulungan siya ng
Panginoon sa pagtutupad ng kanyang mga pangmundo
at pangrelihiyong tungkulin, at babawasan ang
mga kahirapan ng kanyang pakikibaka sa sumunod
na araw. At kapag gagawin niya ito nang maraming
beses, makasanayan niyang gumawa ng mga
kabutihan at umiwas sa mga masasagwang kaugalian.
Kanyang mapupuna na hindi nangangailangan ito ng
napakamaring pagsisikap, at ang pagsusunod sa
Panginoon ay magbibigay sa kanya ng maraming
kalugurang espiritwal. Kung mayroon man siyang
mga pagkukulang, dapat siyang humingi ng
kapatawaran sa Panginoon at taimtim na ipagdasal
sa Kanyang maging mas maingat sa susunod.
Bubuksan ng Mahabaging Panginoon ang pintuan ng
kayang pagpapala at pagkahabag, at papatnubayan
siya sa tuwid na landas.
* Hakbang 6: Pag-aalala: Sa buong larangan ng
pakikibaka laban sa sarili, dapat na madalas
alalahanin ang Panginoon at ang mga biyayang
kanyang ipinagkaloob. Sa bawat hakbang dapat na
laging pasalamatan ang Pangioon sa Kanyang
tulong, biyaya at patnubay sa pagtutupad ng
iyong mga hangarin. Ang antas ng pasasalamat sa
Panginoon ay nararapat na tataas habang ikaw ay
nasa mas mataas na yugto na pakikibaka laban sa
sarili. Dapat maunawaan na ang tulong ng
Panginoon at pagtanggap sa iyong taimtim na mga
dasal ang dahilan kung bakit nakaya mong itaboy
si Satanas at kanyang mga alagad mula sa iyong
puso, at makakamit ng mga maringal na katangiang
magugustuhan ng Panginoon.
[mula sa Al-Khumayni,
Forty Hadith, kabanata 1, ‘Jihad al- Nafs’]
Mga payo hinggil sa pakikibaka laban sa sarili
* Natural sa taong magpasalamat sa sinumang
mapagmahal. Munimunihin at ipalagay ang mga
nakikita at di-nakikitang biyayang ipinagkaloob
ng Poong Maykapal. Ang lahat ng mga nilalang ng
Panginoon ay hindi makapagkaloob ng kahit isang
kusing lang man sa mga biyayang ito.
* Pagmasdan mo ang hanging ating hinihinga araw
at gabi, at kung saan nakasalalay ang ating
buhay at ng ibang mga nilalang. Walang sinumang
mabubuhay kapag walang hangin ng ilang mga
minuto. Anong kahanga-hangang biyaya ng
Panginoon ito! Kung ang lahat ng mga tao sa
mundo ay magtulungang lumikha ng biyayang ito,
hindi sila magtatagumpay. Magmuni-muni rin
hinggil sa ibang mga biyaya ng Panginoon tulad
ng mga sintidong panlabas (paningin, pangamoy,
panlasa, pandinig, at pandamdam) at mga lihim na
kakayahan tulad ng pag-iisip, guniguni at
pagpasiya na ang bawat isa nito ay nagtataglay
ng walang-hangganang mga pakinabang and
ipinagkaloob sa atin ng ating Panginoon. Siya
ang Lumikha at Hari ng malawak ng sandaigdigan.
Ang tao na isang nilalang na gumagapang sa isa
sa mga pinakamaliit na planeta ay kahabag-habag
na hindi nauunawaan ang lawak ng kanyang maliit
na mundo na ang araw nito ay hindi
mahahalintulad sa mga napakalaking araw ng
napakaraming mga galaksiya. Ang ating sistemang
solar ay walang halaga kung ihambing sa ibang
mga sistemang solar na patuloy na imiiwas sa
malalakas na mga teleskopyo ng mga magiting na
tagalugad at mananaliksik. Pagmasdan mo ang utak
ng tao—anong kabigha-bighaning nilalang ito! Ang
pinagsama-samang pagsisikap ba ng lahat ng mga
tao ay makakagawa ng isa man lang buhay na
neuron (selula ng utak) na nilikha at nililikha
ng Poong Maykapal bawat oras?! Tiyak na ang
handog ng Panginoon na utak na ito ay nararapat
na luklukan ng mga magagandang pag-iisip at
hindi ng mga masasamang isipan!
* Ang lahat ng mga nilalang sa sandaigdigang ito
ay Kanyang nakikita, kaya alalahanin ang
Panginoon at ang Kanyang mga biyaya, at huwag
Siyang suwayin. Inihahandog ang ating mga
pangangailangan nang walang pangangailangan sa
ating pagsamba. Kung sumusunod ka man sa Kanyang
mga kautusan o hindi ay walang pagkakaiba sa
Kanya. Para sa ating kabutihan kung bakit
ipinag-uutos Niya ang mabuti at ipinagbabawal
ang masama. Daigin mong ang mga masasamang
isipan and gawain mo ang mga kalipunan ng iyong
isip bilang banal na kaharian sa pamamagitan ng
pagtaboy sa mga masasamang kampon at anyayahan
ang mga sagradong alagad nang sa gayon maaring
tulungan at iligtas ka ng Panginoon mula sa mga
panganib na iyong makakaharap sa digmaang ito.
Huwag umasa kanino man kundi sa Panginoon.
Taimtim at taos-pusong magdasal sa Panginoon at
humingin ng saklolo upang magwagi sa matinding
labanang ito laban sa sarili.
Kongklusyon:
* Sinabi ng Imam ‘Ali (‘a): “Sinumang makikibaka
laban sa kanyang sarili upang sumunod sa
Panginoon, ang kanyang katayuan sa paningin ng
Paninoon ay tulad ng isang piyadosong martir.”
[Al-Amidi,
Ghurar ul Hikam wa Durar ul Kalim, hadith #
3546]
Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa
autentikong Islam, dumalaw sa:
http://al-islam.org/faq/
|