|
Mga Kabutihan ng Kaluluwa... Pagtitiis (Sabr)
Posted: November
30,
2006
At maging
mapagtiis at mapagtiyaga dahil ang Allah ay para
sa mga taong nagtitiyaga.
(Qur’an, 8: 46)
Sinabi ni
Imam Ja‘far al-Sadiq (‘a):
“Sa katotohanan,
para sa pananampalataya ang sabr ay
katulad ng ulo para sa katawan. Hindi mabubuhay
ang katawan kapag walang ulo, at gayundin,
mawawala ang pananampalataya kapag wala ang
sabr.”
[Al-Kulayni,
al‑Kafi,
tomo 2, bab al‑sabr, p. 128, hadith
# 2]
Nang
tanungin si Imam ‘Ali (‘a) tungkol sa
paniniwala (iman), kanyang sinabi: “Ang
balangkas ng iman ay itinataguyod ng apat
na haligi: pagtitiis (sabr), pananalig (yaqin),
katarungan (‘adl), at pakikibaka (jihad).”
At kanya pang sinabi: “Ang pagtitiis ay binubuo
ng apat na katangian: kasabikan, takot,
kabanalan, at pag-aasam (sa kamatayan). Kaya,
sinumang sabik sa paraiso ay hindi papansin sa
mga masamang tentasyon; sinumang takot sa apoy
ng impiyerno ay iiwas sa mga kasalanan; sinumang
banal ay maging matagumpay sa pagharap ng mga
kahirapan at suliranin ng buhay sa mundo; at
sinumang umaasam sa kamatayan ay kaagad na
gagawa ng mga kabutihan.”
[Al-Amidi,
Ghurar al-Hikam wa Durar al-Kalim,
hadith # 2897]
Ang kahulugan ng sabr
q Sinabi
ng bantog na pantas na si Nasir al‑Din al‑Tusi:
“Sabr ay nangangahulugan ng pagpigil sa
sariling mabalisa kapag may naranasang di
kanais-nais.”
q Ang
magiting na mistikong (‘arif) si Khwajah
‘Abd Allah al‑Ansari ay nagsabi: “Ang ibig
sabihin ng sabr ay pagpigil sa sariling
magreklamo tungkol sa dalamhating kinikimkim.”
Ang mga uri at antas ng sabr
Mayroong
iba’t-ibang uri at antas ng sabr ayon sa
nakasaad sa mga banal na hadith at ang
gantimpala at katangian ay naaayon sa uri at
antas nito.
q Ayon
kay Imam ‘Ali (‘a), sinabi ng Propeta ng
Allah (s): “Ang sabr ay may
tatlong uri: sabr sa panahon ng
kalungkutan, sabr hinggil sa pagsunod (sa
mga kautusan ng Allah), at sabr hinggil
sa pagsuway (sa mga kautusan ng Allah). At ang
ikatlo ay mas mahalaga kaysa dalawa.”
[Al-Kulayni,
al‑Kafi,
tomo 2, bab al‑sabr, hadith # 15]
q Sinabi
ni Imam ‘Ali (‘a): “Ang sabr ay
may dalawang uri: sabr sa kung ano ang
ayaw mo at sabr sa kung ano ang gusto
mo.”
[Mizan
al-Hikmah,
hadith # 10099]
Ang ugnayan sa pagitan ng sabr at
ma‘rifah sa Allah
q Habang
ang tao ay may lihim na pagdadalamhati sa mga
kasawiang-palad at kahirapan ng buhay, ang
kanyang
ma‘rifah (kaalaman)
sa Panginoon ay nananatiling hindi sapat. Kapag
ang tao ay may kapanatagan (rida’) at
kaluguran sa sarili sa kabila ng mga
kasawiang-palad at kahirapan, siya ay
makakarating sa higit pang mataas na katayuan ng
kalapitan sa Panginoon. Ang sabr sa
pag-iiwas sa mga kasalanan at pagtupad sa mga
tungkulin (ta‘ah) ay may kinalaman
sa hindi sapat na kaalaman sa mga lihim ng
‘ibadah (pananampalataya) at sa
makakabilang-buhay na mga anyo ng mga
pagkakasala at pagsusunod.
q Kapag
ang tao ay taos-pusong naniniwala na ang kanyang
matatamo sa kabilang buhay ay isang anyo ng
kanyang mga gawain sa mundo, wala siyang
pagkabahala habang dumaranas ng mga paghihirap
at masamang katayuan. Sa halip, siya ay
magagalak sa mga kahirapang mararanasan sa
pagtupad ng mga tungkulin sa Panginoon. Ang
kanyang kasiyahan ay higit pa sa pagdadalamhati
ng mga karaniwang tao. Ang kanyang ugnayan sa
Panginoon ay nagiging mas matatag sa mga panahon
ng kagipitan. Isang halimbawa ng naturang mataas
na antas ng rida’ ay naipamalas ng mga
kasamahan ni Imam Husayn (‘a) sa Karbala.
q Sinabi
ni Imam Rida (‘a): Isa sa mga payo ng
Propeta (s) kay Abu Dharr (r) ay
ito: “Kapag makaya mong gumawa ng isang bagay
para sa kaluguran (rida’) ng Allah nang
may matatag panananalig, gawin mo ito. At kapag
hindi mo ito makaya, pagtiisan na lang ang mga
hindi kasiya-siyang bagay dahil ito ay
magdudulot ng maraming biyaya.”
[Al-Majlisi,
Bihar al-Anwar,
tomo 82, p. 136, hadith # 21]
Ang mga magandang bunga ng sabr
q Ang
sabr ay may mga magagandang bunga kabilang
na ang pagsasanay at pagdisiplina sa sarili.
Kapag ilang beses na mapagtiisan ng tao ang mga
kasawiang-palad at sakuna, at talagang makatiis
sa mga kahirapang dulot ng pagdasal at
pananampalataya, at ang kapaitan ng pagtalikod
sa mga bisyo, at kapag ang lahat ng mga ito ay
mapagtiisan dahilan sa pagsunod sa kanyang
Panginoon at Tagapagkalinga, unti-unting maging
mas madali sa kanyang pagtiisan ang mga
kahirapan at kasawiang-palad. Tatalikuran ng
taong mapagtiis ang kanyang naunang
kawalang-pasensiya at magkakaroon siya ng isang
tatagal na kahanga-hangang kakayahan na magiging
dahilan na kanyang matatamo ang mga katayuang
higit pa sa katayuan ng sabr. Ang
pagtitiis habang itinatagubilin ang mabuti at
ipinagbabawal ang masama (amr bi’l-ma‘ruf wa
nahi ‘an’il-munkar) ay naghahandog ng
karagdagang katatagan at katibayan sa tao.
q Pagdadalamhati,
pagkabahala at masamang mga kilos sa panahon ng
pagkahikahos, kamatayan, kalamidad, atbp. ay mga
simbolo ng kahinahan ng loob. Inaalis ng mga ito
ang katatagan at dignidad sa personalidad ng tao,
at nagpapahina sa determinasyon at isipan. Sa
ganoong mga panahon, ang sabr ay
nagsisilbing susi ng mga pintuan ng magandang
kapalaran at kaligtasan. Pinapalakas nito ang
kalooban at pasiyang harapin ang mga sakuna, at
magkaroon ng wastong pasiya at hakbang.
q Ang
sabr hinggil sa mga kasalanan ay nagdudulot
ng taqwa (takot sa Panginoon). Ang
sabr hinggil sa pagsunod (ta‘ah) ay
nagdudulot ng kalapitan at pagmamahal sa
Panginoon. At ang sabr sa mga
kasawiang-palad ay nagdudulot ng rida’ sa
mga pasiya at itinatadhana ng Panginoon.
Ang mga mataas na antas ng sabr
q Sabr
fi’llah (sabr
sa Allah): Ito’y
nangangahulugan ng katatagan habang sinisikap na
talikuran ang mga masamang bisyo (halimbawa,
pagsisinungaling, paninirang-puri at kasakiman)
at asal (halimbawa, egoismo, pagpapakitang-tao
at inggit) at iniiwasan ang mga bagay na gusto
at nakakaakit (halimbawa, pag-iwas sa mga
musikang haram, paggising upang isagawa
ang tahajjud, at pagkain nang katamtaman
lamang) habang dinadalisay ang sarili. Ito ang
pagkakait sa sarili sa landas ng Minamahal
(Allah). Ang antas na ito ay nararapat sa mga
manlalakbay espirituwal (ahl al‑suluk).
q Sabr
ma‘a’llah
(sabr
kasama ang Allah): Sa kanyang taimtim na
pananampalataya at pakikibaka ang masigasig na
manlalakbay sa landas ng Allah ay nakakaranas ng
katayuan ng pagkalimot sa sarili sa paraang
madalas siyang makaranas ng pagiging malapit sa
Panginoon. Ang ilaw ng Kanyang mga Katangian at
Pangalan ay magbibigay liwanag sa kanyang puso
at pananaw. Dapat siyang magtiis at bantayan ang
sarili mula sa mga maliliit na palatandaan ng
pagmamahal sa sarili, kayabangan, atbp. sa mga
yugtong ito upang marating ang mas mataas pang
mga antas.
q Sabr
‘an’illah
(sabr mula
sa Allah): Ito’y may kinalaman sa mga katayuan
ng mga nagmamahal sa Allah na nararapat na
bumalik sa kanilang pisikal na mundo at tiisin
ang paghihiwalay sa Kanya pagkatapos nilang
maranasan ang Kayang lubos na pagmamahal. Ito
ang pinakamahirap na katayuan. Ang mataas na
antas na ito ng sabr ay ipinahiwatig ni
Imam ‘Ali (‘a) sa tanyag na Du‘a
Kumayl: “O Allah, ang aking Panginoon at
Poon! Kahit pa man matiis ko ang mga kaparusahan,
paano ko matitiis ang paghihiwalay sa Iyo?!”
Sabr bi’llah
(sabr
pasa sa Allah):
Ito ang katayuan ng kaganapan na nararanasan ng
tao kapag kanyang natamo ang katayuan ng
pagkabuhay para sa Allah lamang (baqa’
bi’llah)
at sinasanay ang sarili sa mga pamamaraan ng
Allah (takhalluq
bi akhlaq Allah).
Ito ay para sa mga taong pinagkalooban ng
katatagan at katibayan, at ito ay natatamo
pagkatapos ng sabr kasama ang Allah.
Ang gantimpala ng pagtitiis (sabr)
q Sinabi
ni Imam al-Sadiq (‘a): “Sinuman sa mga
nananampalataya ang makapagtiis sa pagsubok na
kanyang mararanasan ay makakatamo ng gantimpala
ng isang libong martir.”
[Al-Kulayni,
al‑Kafi,
tomo 2, bab al‑sabr, hadith # 17]
q Sinabi
ni Imam al-Sadiq (‘a): “Kapag ang
nananampalataya ay nasa loob ng kanyang libingan,
ang salat (pagdarasal) ay nasa kanyang
kanang kamay, ang zakat ay nasa kanyang
kaliwang kamay, at ang kabutihan (fadilah)
ay kanyang kaharap habang ang sabr ay
nagbibigay proteksyon sa kanya. Sa pagdating ng
mga anghel na magtatanong sa kanya, sasabihin ng
sabr sa salat, zakat at kabutihan,
“Kayo na ang bahala sa inyong kasamahan, at
kapag hindi ninyo makayang tulungan siya ako ang
bahalang tutulong sa kanya”.”
[Al-Kulayni,
al‑Kafi,
tomo 2, bab al‑sabr, hadith # 8]
Isang payo kung paano magkaroon ng sabr
Ang mundong ito ay
bilangguan para sa isang nananampalaya.
Siguraduhin na ang iyong lakas ay nasa ilalim ng
iyong pamamahala, at maging matatag at mapagtiis
maging sa hirap at ginhawa. Sa pamamagitan ng
lakas at katatagan ng loob, iyong harapin ang
mga kagipitan at sakuna. Unawain na ang iyong
pagkabalisa at pagdadalamhati, maliban sa
nagdudulot ng isang malaking kadustaan, ay
walang kabuluhan sa paghaharap sa mga kahirapan
at sakuna. Magpasalamat sa Panginoon at huwag
magdaing sa kapwa-tao tungkol sa mga
di-mapigilang pasiya at tiyak na itatadhana ng
Panginoon. Sa panahon ng kahirapan, ihandog ang
iyong puso sa pinagmumulan ng Lubos na Kaganapan
(Allah) at iyong masasaksihan ang mga epekto
nito dito mismo sa mundo at ang iyong puso ay
makakatamo ng kalawakan na magiging daigdig ng
katunayan ng pagkasoberano ng Panginoon.
Pagkatapos, ang kaluguran at kapanatagan ay
mamayani sa iyong puso sa paraan na ang bawat
bagay na may kaugnayan sa mundo ay magiging
walang halaga sa kanya. Ang sabr,
pagtitimpi at kahinahunan ay nagdudulot ng
maraming gantimpala at may mga magaganda at
dakilang anyo sa purgatoryo (barzakh).
Kapag mayroon kang tunay na paniniwala sa Allah
na sa Kanya nakasalalay ang lahat ng bagay,
hindi ka magdaing sa Kanya tungkol sa mga
kahirapan ng buhay at kasawiang-palad na iyong
tinatamasa. Sa halip, kusang-loob mong harapin
ang mga ito, gampanan ang iyong mga tungkulin at
pasalamatan Siya dahil sa Kanyang mga biyaya. [Hango
sa Al-Khumayni,
Forty Hadith,
kabanata 16, ‘Sabr’]
Konklusyon:
q Sinabi
ni Imam ‘Ali (‘a): “Sinumang mapagtiis ay
tiyak na magtatagumpay kahit pa man hindi niya
ito kaagad matatamo.”
[Nahj
al-Balaghah,
Kasabihan # 153]
Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa
autentikong Islam, dumalaw sa:
http://al-islam.org/faq/
|