|
Ano ang Sinasabi ng mga Hindi Muslim hinggil kay
'Ali,ang Unang Kahalili ng Propeta Muhammad (s)?
Posted: August 17,
2005
Kaya, ginawang malinaw ng Panginoon ang
Kanyang mga palatandaan sa iyo upang ikaw ay
makaunawa
(Qur’an 2:242)
Ang Imam ‘Ali ibn Abi Talib ang kahalili ng
Propeta Muhammad, sumakanilang dalawa nawa ang
kapayapaan. Ito ay isang koleksyon ng maiikling
mga sipi mula sa iba’t ibang mga tanyag na hindi
Muslim, kabilang ang mga akademiko, manunulat,
pilosopo, manunula, politiko, at aktibista.
Thomas Carlyle
(1795-1881)
Mananalaysay, kritiko, at manunulat
pangsosyolohiyang taga-Eskosya.
“At hinggil naman dito sa kababatang Ali, walang
sinumang maging katulad niya. Naipamalas niya
ang kanyang sarili bilang isang nilalang na may
maharlikang kaisipan, ngayon at magpakailanman;
puno ng pagmamahal, at ng damdaming lakas-loob.
May taglay siyang karangalan; kasingtapang ng
isang leon; subalit may taglay na grasya,
katotohanan at pagmamahal na nararapat sa isang
kabalyerong Kristyano.”
[On Heroes,
Hero-Worship, And The Heroic In History, 1841,
Panayam 2: Ang Bayani bilang ang Propeta
Mahomet: Islam, Mayo 8, 1840)]
Edward Gibbon
(1737-1794)
Itinuturing na pinakamagiting na Britanyong
mananalaysay sa kanyang panahon.
“Ang sigasig at kabutihan ni Ali ay hindi
nalampasan ng sinumang bagong kombertido. Taglay
niya lahat ang mga katangian ng isang manunula,
mandirigma at santo; ang bakas ng kanyang dunong
ay mapupuna pa sa isang koleksyon ng mga
kasabihang pangrelihiyon at pangmoralidad; at
bawat kalaban sa mga larangan ng dila o espada
ay kanyang napapasuko sa pamamagitan ng kanyang
kahusayang magsalita at tapang. Mula sa unang
oras ng kanyang misyon hanggang sa huling
sandali ng paglibing sa kanya, ang Propeta ay
hindi pinabayaan ng isang mabuting-loob na
kaibigan, na kanyang pinasiglang tawaging
kapatid, kahalili at ang matapat na Aaron ng
ikalawang Moises.”
[The Decline
and Fall of the Roman Empire, London, 1911, tomo
5, pp. 381-2]
Philip Khuri Hitti
(1886-1978)
Propesor ng mga Wikang Semitiko sa Unibersidad
ng Princeton.
“Matapang sa digmaan, marunong sa pagbigay-payo,
magaling sa pagsalita, matapat sa kanyang mga
kaibigan, mapagbigay-loob sa kanyang mga kaaway,
naging uliran sa karangalan at pagkamaginoo (futuwah)
ng isang Muslim at ang Solomon ng tradisyong
Arabe, sa paligid ng kanyang pangalan ay
magkalipumpunang mga tula, salawikain, maiikling
sermon, at anekdotang napakarami.”
[History of
the Arabs, London, 1964, p. 183]
Sir William Muir
(1819-1905)
Pantas at estadistang taga-Eskosya. Nanungkulan
bilang Kalihim na Panlabas ng pamahalaang India
at Tenyente Gobernador ng mga Hilagakanlurang
Probinsiya.
“May taglay na malinaw na talino, masigla sa
pagmamahal, at mapagkatiwalaan sa pagkakaibigan,
mula sa kanyang pagkabata puso at kaluluwang
matapat sa Propeta. Simple, tahimik, at hindi
ambisyoso, sa mga araw pagkatapos niyang makamit
ang pamumuno sa kalahating bahagi ng
sandaigdigang mga Muslim, ito ay ipinilit sa
kanya sa halip na kanyang pinangarap.”
[The Life of
Mahomet, London, 1877, p. 250]
Dr. Henry Stubbe
(1632-1676)
Klasikisto, polemikisto, manggagamot, at
pilosopo.
“Siya ay may pagdudusta sa mundo, sa kabantugan
at karangyaan nito, may lubos na takot sa
Panginoon, nagbibigay ng maraming abuloy,
matapat sa lahat ng kanyang mga gawain,
mapagkumbaba at mapitagan; na may katalasan ng
isip at katalinuhang di-pangkaraniwan, siya ay
may lubusang dunong, hindi sa mga siyensiyang
nagwawakas sa mga pagmumuni-muni lamang kundi sa
yaong mga nahahantong sa gawa.”
[An Account
of the Rise and Progress of Mahometanism, 1705,
p. 83]
Gerald de Gaury
(1897-1984)
Isang bantog na sundalo
at diplomatiko.
“Siya ay mahusay sa pagbibigay-payo at matapang
sa digmaan, tapat sa kanyang mga kaibigan at
mapagbigay-loob sa kanyang mga kaaway. Siya ay
magpakailanmang uliran sa karangalan at
pagkamaginoo ng isang Muslim.”
[Rulers of
Mecca, London, 1951, p. 49]
Wilferd Madelung
Propesor ng
Arabe sa Unibersidad ng Oxford.
“Sa harap ng pekeng pag-angkin ng mga Umayyad sa
kapangyarihang matuwid sa Islam bilang ang mga
kinatawan ng Panginoon sa mundo, at dahilan sa
kataksilan, di-makatwiran at dibisibong
pamamahala, at mapaghiganting pagpaparusa ng mga
Umayyad, hinangaan nila ang kanyang katapatan,
ang kanyang matatag na pagmamalasakit sa
pangangasiwa ng Islam, ang kanyang mga taimtim
na pansariling katapatan, ang kanyang
pantay-pantay na pakikitungo sa mga tagataguyod,
at ang kanyang kabutihang-loob sa pagpapatawad
sa kanyang nagaping mga kaaway.”
[The
succession to Muhammad: a study of the early
caliphate, Cambridge, 1997, pp. 309-310]
Charles Mills
(1788-1826)
Pangunahing manunulat ng kasaysayn sa kanyang
panahon.
“Bilang pinuno ng pamilya ng Hashim, pinsan at
manugang na lalaki ng siyang ginagalang ng mga
taga-Arabia…, malinaw na nakapagtatakang si ‘Ali
ay hindi kaagad na nailuklok sa Pagkakalipa
pagyaon ni Muhammad. Maliban sa kalamangan sa
kanyang pagpanganak at
pag-asawa
ay ang pakikipagkaibigan nito sa Propeta. Ang
anak na lalaki ni Abu Talib ay isa sa mga
pinakaunang kombertido sa Islamismo at ang
pinakapaboritong patawagan ng Muhammad sa kanya
ay ang Aaron ng ikalawang Moises. Ang kanyang
mga katalinuhan bilang isang mananalumpati, at
ang kanyang kawalang-takot bilang isang
mandirigma ay tumatanaw ng utang-na-loob sa
isang bansang ayon sa palagay nito, ang
kagitingan ay kabutihan at ang kabutihang
magsalita ay dunong.”
[An history of
Muhammedanism, London, 1818, p. 89]
Simon Ockley
(1678-1720)
Propesor ng Arabe sa Unibersidad ng Cambridge.
“Ang isang bagay na pinakanararapat na pumahin
ay ito: Ipinanganak siya ng kanyang ina sa Mekka,
sa mismo templo (Ka‘bah); na hinding-hindi
naganap sa sinumang iba.”
[History of
the Saracens, London, 1894, p. 331]
Washington Irving
(1783-1859)
Tanyag bilang ang “unang Amerikanong mahusay sa
panitikan”.
“Siya ay mula sa pinakamaharlikang sangay ng
maharlikang lahi ng Koreish. Taglay niya ang
tatlong mga katangiang pinakamahala para sa mga
Arabo: kagitingan, kahusayang magsalita at
kagandahang-loob. Ang kanyang kabuuan ng loob ay
naging dahilang tawagin siya ng Propeta bilang
“Leon ng Panginoon”; mga halimbawa ng kanyang
kahusayang magsalita ay nananatili sa ilang mga
taludtod at salawikaing napanatili sa pagitan ng
mga Arabo; at ang kanyang kagandahang-loob ay
naipapahayag sa pamamahagi sa iba, tuwing
Biyernes, ng anumang natira sa ingatang-yaman.
Hinggil sa kanyang kagandahang-loob, nagbigay
tayo ng paulit-ulit na mga halimbawa; ang
kanyang marangal na pagkakasuklam sa anumang
bagay na mali at hamak, at ang kawalan sa
kanyang asal ng bawat bagay tulad ng
makasariling sabuwatan.”
[Lives of the
Successors of Mahomet, London, 1850, p. 165]
“Isa siya sa mga huli at pinakanararapat na
sinaunang mga Muslim, na natuto ng kanyang
sigasig pangrelihiyon mula sa pakikipagsama sa
Propeta mismo, at sumunod hanggang sa katapusan
sa kapayakan ng kanyang huwaran. Siya ay
marangal na pinag-uusapan bilang kauna-unang
Kalipang nagbigay ng ilang pagtangkilik sa
panitikang marangal (belles-lettres).
Nagpakalabis siya mismo sa kanyang hilig sa tula,
at marami sa kanyang mga salawikain at kasabihan
ay napangalagaan at naisalin sa iba’t ibang mga
wika. Ang kanyang panselyong singsing ay may
inskripsyong ito: “Ang kaharian ay sa Panginoon”.
Isa sa kanyang mga salitain ay nagpapakita ng
maliiit na halagang kanyang iniuukol sa mga
pansamantalang kaluwalhatian ng mundong ito,
‘Ang buhay ay ang anino ng ulap lamang—ang
panaginip ng isang natutulog’.”
[Lives of the
Successors of Mahomet, London, 1850, pp. 187-8]
Robert Durey Osborn
(1835-1889)
Medyor ng Kawani ng Kuwerpong Bengal.
“Sa kanyang pagkasawi nasawi ang pinakataos-puso
at pinakamabuting Muslim na ang kanyang alaala
ay pinangalagaan ng kasaysayang Islamiko.”
[Islam Under
the Arabs, 1876, p. 120]
Para sa karagdagang
kaalaman hinggil kay Imam ‘Ali ibn Abi Talib,
dumalaw sa:
http://al-islam.org/faq/
|