|
Bakit Iniiwasan ng mga Shi'ah ang mga
Kongregasyong Tarawih?
Posted: May 25,
2005
At sa isang
bahagi ng gabi, isagawa ang gabing dasal (Tahajjud)
na higit pa sa yaong ipinag-utos sa iyo; marahil
itataas ka ng iyong Panginoon sa isang katayuan
ng dakilang karangalan. ( Qur’an 17:79)
Hinggil sa buwan ng
Ramadan, sinabi ng Propeta Muhammad (s):
“Sinumang magsagawa
ng panggabing pagdarasal (Qiyam al-Layl)
sa buwang ito nang taimtim at umaasa ng
gantimpala mula sa Allah, ang lahat ng kanyang
naunang mga kasalanan ay patatawarin.”
[Sahih al-Bukhari,
tomo 3, aklat 32, bilang 226]
Karaniwang inaakala ng Ahl al-Sunnah na isang
sunnah ang pagsasagawa ng partikular na
panggabing mga dasal – ang Tarawih –
nang sama-sama sa banal na buwan ng Ramadan.
Bagama’t pinupuri dahilan sa pagsagawa ng
katulad na nawafil (mga dasal na
ipinapayong isagawa), ang mga Shi‘ah ay hindi
pinapahintulutang isagawa ang mga ito nang
sama-sama. Ang gawing ito ay sang-ayon
sa mga kautusan at sunnah ng Propeta (s).
Ang mga kapatid natin sa Ahl al-Sunnah ay
sama-samang nagsasagawa ng Tarawih sa mga
gabi ng buwan ng Ramadan. Sila ay nagdarasal at
nagbabasa ng Qur’an, at gantimpalaan nawa sila
ng Allah (swt) dahilan sa kanilang mga
matapat na hangad
at
gawi. Subalit, ang salitang Tarawih ay
hinding-hindi nabanggit sa Qur’an o ng Propeta (s)
na naglalarawan sa mga karagdagang
pangkongregasyong dasal na ito tuwing gabi sa
buwan ng Ramadan. Ito ay isang katagang
panibagong nilikha sa pagitan ng mga Muslim.
Ayon sa lingguwistika, ang
salitang “Tarawih” ay ang pangmarami ng
salitang ‘tarwiha’ na tumutukoy sa
maikling panahon ng pagpahinga sa pagitan ng
bawat apat na yunit (rak‘ah) ng
pagdarasal. Paglipas ng panahon, ang buong mga
pangkongregasyong dasal sa gabi ng Ramadan ay
tinawag sa katagang ito.
Mga Pinangmumulan ng Tarawih bilang isang
Pangkongregasyong Dasal
Malawakang alam na
ang Tarawih, bilang isang
pangkongregasyong dasal sa gabi ng Ramadan, ay
nagmumula sa isang kautusan ng ikalawang kalipa,
‘Umar ibn al-Khattab.
Isinalaysay
ni Abu Hurayra: Sinabi ng Apostoles ng Allah,
“Sinumang magsagawa ng panggabing pagdarasal (Qiyam
al-Layl) sa buwang ito nang taimtim at
umaasa ng gantimpala mula sa Allah, ang lahat ng
kanyang naunang mga kasalanan ay patatawarin.”
Sinabi ni Ibn Shihab (isa sa mga nagsalaysay),
“Nang yumaon ang Apostoles ng Allah, patuloy
isinasagawa ng mga tao ito (Nawafil na
isa-isang ginagawa, hindi sama-sama), at
nanatiling ganito sa panahon ni Kalipa Abu Bakr
at sa unang bahagi ng pamumuno ni Kalipa ‘Umar.”
Sinabi ni ‘Abdur-Rahman ibn ‘Abdul-Qari, “Isang
gabi sa Ramadan lumabas akong kasama si ‘Umar
ibn al-Khattab at napuna naming nagdarasal ang
mga taong may iba’t-ibang grupo sa meskita – may
nag-iisang nagdarasal o nagdarasal na may maliit
na grupo sa kanyang likuran. Pagkatapos, sinabi
ni ‘Umar, ‘Sa aking opinyon mas minabuti kong
ipunin sila (mga tao) sa pamumuno ng isang
Qari (taga-basa ng Qur’an) [atasan kong
magdasal sila nang sama-sama!].’ Kaya
pinagpasyahan niyang pagsamasamahin sila sa
pamumuno ni Ubayy ibn Ka‘b. Sa sumunod na gabi,
pumunta rin akong kasama siya at ang mga tao ay
nagdarasal sa pamumuno ng kanilang taga-basa.
Dahil dito, sinabi ni ‘Umar, ‘Napakagandang
bid'ah (kabaguhan
sa relihiyon) ito; subalit ang dasal na hindi
nila isinasagawa dahil sila ay natutulog sa
takdang panahon nito ay mas mabuti kaysa sa
dasal na kanilang sinasagawa.’ Ang kanyang
tinutukoy ay ang dasal sa huling bahagi ng gabi.”
[Sahih al-Bukhari,
tomo 3, aklat 32, bilang 227]
“Ito’y
tinatawag na
bid’ah
dahil hindi ito isinagawa ng Propeta (s)
nang sama-sama, at ng al-Siddiq (tumutukoy sa
unang Kalipa) sa kanyang panahon, at hindi rin
ito isinasagawa sa unang bahagi ng gabi o nang
ganitong bilang ng mga yunit (rak‘ah).”
[al-Qastallani,
Irshad al-Sari Sharh Sahih al-Bukhari, tomo
5, p. 4]
[al-Nawawi, Sharh
Sahih Muslim, tomo 6, p. 287]
“Si ‘Umar ang unang nagbigay
halimbawa ng panggabing dasal sa Ramadan, ang
Tarawih, at umipon ng mga tao para dito, at
nag-utos sa iba’t ibang rehiyon
hinggil dito. Ito’y isinagawa sa buwan ng
Ramadan sa ika-14 ng taong hijri.
Humirang siya ng mga taga-basa ng Qur’an na
mamuno sa mga pagdarasal na Tarawih para
sa mga kalalakihan at kababaihan.”
[Ibn Sa‘d, Kitab
al-Tabaqat, tomo 3, p. 281]
[al-Suyuti,
Tarikh al-Khulafa', p. 137]
[al-‘Ayni, ‘Umdat
al-Qari fi Sharh Sahih al-Bukhari, tomo 6,
p. 125]
Sama-samang Pagdarasal sa Meskita o Isa-isahan
sa Tahanan?
Ang isa-isahang
pagsasagawa ng opsyonal na mga dasal sa loob ng
tahanan at malayo sa kongregasyon sa meskita ay
matinding ipinapayo ng Propeta (s)
dahilan sa ito’y magdudulot ng karagdagang mga
biyaya para sa tahanan at pamilya, at makatulong
sa pagpapalaking Islamiko ng mga bata.
Sinabi
ng Propeta (s): “O mga tao! Isagawa ninyo
ang inyong mga dasal sa inyong mga tahanan,
dahilan sa ang pinakamabuting dasal ng isang tao
ay ang kanyang isinasagawa sa kanyang tahanan,
maliban sa mga kompulsoryong (sama-samang)
pagdarasal.”
[Sahih al-Bukhari,
tomo 9, aklat 92, bilang 393]
[al-Nasa’i, Sunan,
tomo 3, pp. 161, 198]
Minsan,
tinanong ni ‘Abdullah ibn Mas‘ud ang Propeta (s):
“Alin ang mas mabuti sa bahay ako magdasal o sa
meskita?” Sinagot ng Propeta (s): “Hindi
mo ba nakikita kung gaano kalapit ang aking
bahay sa meskita? Ang pagdasal sa bahay ay mas
ginusto ko pa kaysa pagdasal sa meskita maliban
sa obligatoryong mga dasal.”
[Ibn Majah, Sunan,
tomo 1, p. 439, bilang1378]
Isinalasay
ni Zayd bin Thabit: Ang Apostoles ng Allah (s)
ay gumawa ng isang maliit na kuwarto (na may
banig na gawa sa dahon ng palma). Lumabas
siya (s) (mula sa kanyang bahay) at
nagdasal dito. Dumating ang ilang mga tao at
sumama sa kanyang pagdarasal. Sa sumunod na gabi
sila ay dumating para sa pagdarasal subalit
hindi lumabas ang Propeta (s). Kaya, sila
ay nagsalita at kumatok sa pintuan sa
pamamagitan ng maliliit na mga bato (upang
matawag ang kanyang pansin). Lumabas siya (s)
nang galit, at kanyang sinabi, “Nagpupumilit pa
rin kayo (sa inyong gawi) kaya nangangamba ako
na ang pagdarasal na ito ay magiging obligatoryo
para sa inyo. Kaya, O kayong mga tao! Isagawa
ang dasal na ito sa inyong mga tahanan,
sapagka’t ang pinakamabuting dasal ng tao ay ang
kanyang isinasagawa sa tahanan, maliban lang sa
kompulsoryong (sama-samang) pagdarasal.”
[Sahih al-Bukhari, tomo 8, aklat
73, bilang 134]
Ang mga Shi‘ah Imam ba’y Nagsagawa ng Tarawih
?
Tinanong ang Imam
al-Baqir (‘a) at Imam al-Sadiq (‘a)
hinggil sa pagpapahintulot sa sama-samang
pagsasagawa ng opsyonal na mga dasal tuwing gabi
ng Ramadan. Kapwa silang nagsalaysay ng isang
tradisyon ng Propeta (s) na nagsabi:
“Sa
katotohanan, ang pagsasagawa ng nafila (ipinapayong
mga dasal) nang sama-sama sa mga gabi ng Ramadan
ay isang
kabaguhan…
O mga tao! Huwag ninyong isagawa nang sama-sama
ang mga dasal na nafila ng Ramadan… Sa
katiyakan, ang pagsagawa ng isang maliit na
gawaing pananampalataya na naaayon sa sunnah
ay may mabuti kaysa pagsagawa ng isang malaking
gawaing pananampalataya na isang kabaguhan.”
[al-Hurr al-‘Amili,
Wasa’il al-Shi`ah, tomo 8, p. 45]
Ang pananaw na ito
ng mga Imam mula sa pamilya ng Propeta ay
pinatunayan ng isang pantas na kilala sa pagitan
ng Ahl al-Sunnah na sumulat ng ganito:
“Ang
kaapu-apuhan ng Propeta (s) ay nagsasabi
na ang kongregasyon sa Tarawih ay isang
kabaguhan”.
[al-Shawkani,
Nayl al-Awtar, tomo 3, p. 50]
Ano ang pananaw ng mga pantas na Sunni hinggil
sa pagsagawa ng dasal na Tarawih sa bahay?
“Ang
mga pantas ay nagkakaisa hinggil sa katangian
nito, subalit sila’y nagkakaiba kung alin ang
mas mabuti, ang isa-isang pagsasagawa nito sa
tahanan o nang sama-sama sa meskita.” At si Al-Nawawi,
ang bantog na komentarista ng Sahih Muslim,
ay nagtala ng mga pantas na nagtataguyod sa
ikalawa at pangunahing pananaw. Pagkatapos,
kanyang isinulat: “Si Malik, Abu Yusuf, ilang
mga pantas na Shafi‘i, at mga iba ay nagsasabi
na mas mabuting isagawa ito nang isa-isa sa
tahanan”.
[al-Nawawi, Sharh
Sahih Muslim, tomo 6, p. 286]
Konklusyon
Ang mga Shi‘ah ay
laging naghahangad na maisagawa ang panggabing
dasal – na tinatawag na Tahajjud o
Qiyam al-Layl o Salat al-Layl – sa
huling bahagi ng gabi ng bawat buwan,
lalung-lalo na tuwing Ramadan. Hinihikayat din
silang isagawa ang mga karagdagang dasal na
nawafil tuwing gabi ng Ramadan. Subalit,
kadalasang isinasagawa nila ang opsyonal na mga
dasal na ito sa kanilang mga tahanan at
hinding-hindi nang sama-sama. Sa ganitong
pagsasagawa, nakakasang-ayon sila sa Qur’an at
sa sunnah ng Propeta Muhammad (s).
Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa
autentikong Islam, dumalaw sa:
http://al-islam.org/faq/
|