|
|
Tunay/Bulaan: Ang Diyalektika ni Rizal sa Usapin ng Pagkamakarelihiyon Ni Glenford Leonillo Ang Muling Pagpasok sa
�Bahay ni Kapitan Tiyago� HINDI kaila sa mga nakabasa na ng Noli
Me Tangere na bukod sa matinding pagtuligsa sa praylokrasya, mariin ding
tinuligsa ni Rizal ang uri ng pananampalataya na laganap sa mga Pilipino noong
kanyang kapanahunan. Kung susundan ang pagsusuri ni Virgilio Almario (2004, sa
kanyang papel na pinamagatang �Ang Bahay ni Kapitan Tiyago�[1])
sa karakter/uri ng pananampalataya ni Kapitan Tiyago, si Kapitan Tiyago (kasama
ng mga tauhang kung tawagin ni Rizal ay mga �kaluluwang naghihirap�) ay larawan sa uri ng pananampalataya na
tinutuligsa ni Rizal. Mapagkakamalan, kung babasahing walang ingat, na ang
pagbanggit ni Almario ng �si Kapitan Tiyago bilang
larawan� ay nangangahulugang ginawa ni Rizal ang karakter ni Kapitan Tiyago
bilang paglalarawan sa uri ng pananampalataya ng mga Pilipino. Ngunit kung
susuriing mabuti, hindi representasyon ng pananampalatayang Pilipino ang
pananampalataya ni Kapitan Tiyago bagkus ay mas mainam na sabihing kinakatawan
nito ang uri ng pananampalatayang tinutuligsa ni Rizal sa kanyang nobela. Sa pagtalakay ni Almario sa usapin
ng relihiyon sa kanyang sanaysay, nabanggit niya ang isang sinulat ni Rizal na
pinamagatang �Estado de Religiosidad de los Pueblos en Filipinas�[2].
Idiniin ni Almario na �kung tutuusin, ang buong Noli ay isang disertasyon upang patunayan ni Rizal ang mga asersyon
sa �Estado de Religiosidad��. Hindi namamali si Almario sapagkat ang mga
panunuligsa ni Rizal sa �Estado de Religiosidad� ay ang panunuligsa ni
Pilosopo Tasyo bilang kinasangkapan niya upang maging kritiko sa Noli; at ang paglalarawan ni Rizal sa �kalagayan ng
pagkamakarelihiyon� sa kanyang bayan ay mahusay niyang isinabuhay sa
paglikha ng mga karakter ng �mga kaluluwang naghihirap�. Mariin ang pagbibigay-diin ni Rizal sa �Estado de
Religiosidad� na ang kanyang tuligsa ukol sa kalagayan ng pagkamakarelihiyon
ay tumutukoy sa kalahatan sapagkat siya ay �hindi nagkakasya sa pagsasaysay sa
mangisangisang pangyayari� (p 29) upang hindi makapagpasaring kanino man.
Samakatuwid, sang-ayon kay Almario, kung ginamit ni Rizal si Kapitan Tiyago
bilang larawan, maaring patungkol ang karakter ni Kapitan Tiyago (na kabilang sa
mga �kaluluwang naghihirap�) sa laganap
na pagkamakarelihiyon na siyang pangunahing punto ng tuligsa ni Rizal at hindi
ito nangangahulugang kumakatawan sa pagkamakarelihiyon ng mga mamamayan ng
Pilipinas bilang kabuuan sa ispesipikong panahon na pinag-uukulan ng mga akda ni
Rizal, dahil bukod kay Tiago ay nilikha niya ang karakter nina Tasyo, Elias,
Sisa, Ibarra, Salome atbp bilang kanyang paglalarawan (o mas maigi�y
preskripsiyon) ng dalisay at hindi �makalupang� pananampalataya. Kung bakit pinag-ukulan ng panahon ni Rizal na tuligsahin
ang laganap na pagkamakarelihiyon ng kanyang mga kababayan ay siyang pangunahing
tatalakayin sa papel na ito. Ang Kontradiksiyong
Tunay/Bulaan MAKIKITA ang diyalektikang pag-iisip ni Rizal sa
kanyang pagtalakay ng pagkamakarelihiyon sa Noli
at sa �Estado de Religiosidad�. Matingkad ang kanyang pagpapakita ng
salungatan na payak sa pilosopiyang Hegelian. Ang ideya ni Rizal ng salungatan
sa mga akdang nabanggit ay ang pagpapakita ng isang kamalian upang hikayatin ang
malalimang pag-iisip at sa malalimang pag-iisip na ito ay magbubunsod ng
kontradiksiyon, na kapag naresolba ito ay magdudulot ng isang pagbabago. Sa kaso
ng kalagayang pagkamakarelihiyon, inilatag ni Rizal ang sa tingin niya ay
�mali� at tinapatan ng sa tingin niya ay �tama� sa pag-asang mabago ang
�mali�. Ngunit mas maiging mapalalim pa ang pag-unawa sa diyalektikang ito
at kailangang masapul ang tunay na layunin ni Rizal sa kanyang panunuligsa ng
�maling� pananampalataya. Tunghayan ang kanyang sulat kay Felix Resurrection
Hidalgo (Berlin, ika-5 ng Marso 1887): [Sa
aking Noli Me Tangere] inalisan ko ng
maskara ang pagkukunwari, na nasa ilalim ng balabal ng relihiyon, ay nakakapagparukha
at nakapagpapahangal sa atin; ibinukod ko ang tunay
na relihiyon sa bulaan, sa mapamahiin, sa relihiyong kumakalakal sa banal na
salita upang makahuthit ng salapi at tayo�y manampalataya sa mga mangkukulam, bagay
na ikahihiya ng katolisismo kung ito�y malaman niya (sa akin ang mga italics).... Malinaw para kay Rizal, na ang �bulaang� paniniwala ng
kanyang mga kababayan ay siyang �nakapagpapahangal� sa kanila. Samakatuwid,
ang paniniwalang ito ay siyang nagbibigay ng kapangyarihan sa praylokrasya at
habang nabubulag ang kanyang mga kababayan sa relihiyon na kanilang
pinaniniwalaan ay malabong magkaroon ng isang kritikal na pag-unawa sa mga
pangyayaring panlipunan at sa halip ay lalong nagagatungan ang kapangyarihan ng
mga kapraylehan (i.e. ang kanilang impluwensiya sa pag-iisip ng mga
�nananampalataya� sa kanilang relihiyon, ang �relihiyon ng Iglesia�).
Ang pagresolba sa salungatang tunay/bulaan (i.e. sa huli ay malalaman ng mga tao
na sila ay naging �hangal� sa kanilang pinaniniwalaan at matalos ang
�hubad na katotohanan�) ang siyang magiging daan para sa isang kritikal na
pag-iisip. Ang Idolohiya ng Bulaang
Relihiyon BUKOD sa pagtukoy ng �bulaang� relihiyon ay tinalunton
ni Rizal sa �Estado de Religiosidad� kung bakit nalugmok ang kanyang mga
kababayan sa paniniwala sa isang �bulaang� relihiyon. Bagaman walang
tuwirang pagpapaliwanag si Rizal tungkol sa kung papaano nakapangyayari ang
idolohiya, matingkad ito sa kanyang pagtalakay. Sa katunayan, ipinapaliwanag ni
Rizal sa �Estado de Religiosidad� kung papaano napapaniwala (sa pamamagitan
ng pagpapalaganap ng idolohiya ng simbahan) ang kanyang mga kababayan sa
�bulaang� relihiyon. Sinasabi ni Rizal na nag-iisip at
naniniwala ang mga tao batay sa kung ano ang kanilang nakagisnan, kumbaga, naka-frame ang paraan ng pag-iisip ng mga tao, batay sa kung ano ang
itinuturo sa kanila ng lipunan (ideyang Post-structuralist).
Ang dominanteng moda ng pag-iisip ay nariyan na (i.e. pre-existing) bago pa man isilang ang isang nilalang at maituturo na
lamang sa kanya ito. Tandaan, na kabilang sa dominanteng moda ng pag-iisip ang
idolohiyang itinuturo ng relihiyon. Sa konsepto ni Rizal ng internalisasyon ng
realidad, sinabi niya, na ang realidad ng mga tao ay nalilikha
�sang-ayon sa sinasabi o itinuturo sa kanila noong kanilang kamusmusan ng mga
magulang nila o mga guro alinsunod sa mga naririnig nila sa mga sermon, na sa
isang pagkakataon ay naging paksa ang Diyos, kung di man, ang mga birhen at mga
santo; sang-ayon sa mga nabasa nila sa mga aklat, gaya ng pasyon, katesismo at
iba pa.... (p 32-33).� Ang mga pre-existing
na mga paniniwalang ito ay siyang nagtuturo (o kaya ay nagdidikta) kung papaano
kumilos at mag-isip ang mga tao. Dahil dito, iisipin ng mga tao na ang lahat ng
mga pangyayari sa kanilang lipunan ay natural, na siyang nagbubunsod ng
pagkabulag nila sa realidad (isa sa mga konsepsiyon ng Marx ng idolohiya na
makikita rin sa ideyang Western Marxism)
na siyang pumipilay sa kritikal na pag-iisip sa pamamagitan ng pagtugaygay sa
mga kontradiksiyon. Sa halip ay muling nalilikha ang idolohiya (reproduction
of the dominant ideology) nang hindi namamalayan ng mga tao (i.e. dahil sa
subhektibong pagsunod sa mga iniuutos ng relihiyon na kanilang pinaniniwalaan ay
napapagtibay ang istrukturang idolohikal ng relihiyon na siya rin namang
nagpapasunod sa kanila, katulad ng ideya ng Structutralist
Marxism). Sa pagtalakay nito, bumalik si Rizal sa usapin ng
edukasyon, dahil para sa kanya, hindi nakapagsusuri ang mga tao sa isang
�bayang kapos at may kasiraan ang pinag-aralan [at] walang pagkakilala ni
wastong kaalaman sa kanyang relihiyon (p 38).� Dahil kung susundan
ang pre-existing na karakter ng
idolohiya, ang isang may kasiraan sa pinag-aralan ay �humahatol, gaya ng sukat
asahan, sa mga bagay bagay sang-ayon sa kanyang napag-aralan at kakayahan;
madalas na nadaraya ng paimbabaw [na relihiyon, i.e. relihiyon na itinuturo ng
Iglesia, ng mga fraile] (p 38).� Ang False Consciousness at Problemang Moral MANGYARI
PA, na halos sinasabi ni Rizal na nabihag ang mga tao sa idolohiya ng kanilang
relihiyon at nananatili silang walang malay sa kabulaanan nito na siyang
�nagpaparukha� sa kanila. Kung si Marx ang magsasalita, sasabihin niyang
bahagi ito ng false consciousness.
Ginamit pa ni Rizal ang salitang �kamangmangan�[3]
(p 29) para ilarawan ang kawalang-malay na ito. Dahil sa kamangmangang ito ay
nagagatungan ang kapangyarihan ng mga kapraylehan (i.e. para sumunod ang lahat
sa ilalim ng kanilang kapangyarihan ng malugod). Sa salita ng mga post-structuralist,
�they live in the delusion that they are free autonomous beings because they
are not aware of the extent to which they have been shaped by detailed,
intricate and elaborate mechanisms of power (Cuff et.al., 1998, p 270).� Para
kay Rizal, malaki ang nagagawa ng problemang moral ng mga tao sa pananatili ng
kanilang �kamangmangan�. Sa pagpapatuloy ng kanyang mga asersyon sa
�Estado de Religiosidad�, sinasabi ni Rizal na nagkakaroon ng problema sa
kalagayang moral sapagkat ang sinusunod na relihiyon ng mga tao ay hindi
nakakapagpabuti sa kanila (i.e. ginagawa silang egoistic,
hindi iniisip ang kapakanan ng kanilang kapwa). Iniisip nila na sa kanilang
paggawa ng masama sa kanilang mga kapwa, madali silang mapapatawad sa
pamamagitan ng �panunuhol� sa mga santo at santa pati na rin ang
pagpapatawad sa mga kumpisalan. Ang �kapangyarihan� ng mga prayle (i.e.
tagapamagitan sila sa Diyos at may kakayahang mag-endorso ng kapatawaran) ay
nagiging daan para makapagpasunod sila ng mga tao. Sa �kamangmangan� na ito,
�ang anyong panlabas ng relihiyon [o ang itinuturo ng Iglesia, ay] naglalayo
sa kanila ng pagsiyasat sa mga katangiang panloob [ibig sabihin, ang pagsalungat
sa mga maling turo] (p 30).� Samakatwid, para kay Rizal, ang diyalektika tungo
sa pagkamulat sa realidad (i.e. pagiging malaya sa kapangyarihan ng kapraylehan)
ay magsisimula sa usaping moral. Tunay
nga, na taglay ng karakter ni Kapitan Tiyago ang uri ng
pananamplataya na tinutuligsa ni Rizal. Si Kapitan Tiyago, bilang isang rasyunal
(o praktikal) na deboto, ay sumasamba para sa �malaking pakinabang� (ayon
kay Almario). Hindi lamang si Kapitan Tiyago ang nilikha ni Rizal para
pag-ibayuhin pa ang kanyang patutsada. Nilikha niya ang mga karakter ng mga
�naliligaw na kaluluwa� tulad nina Hermana Rufa, Manang Juana atbp na
matapos mang-api sa mga kapuwa ay maghahandog ng mga indulhensiya para sa
kanilang kapatawaran. Inisa-isa ni Rizal ang mga kanpintasan ng mga kaluluwang
ito sa �Estado de Religiosidad� (p 35, 41): ang praktikalidad sa pagtuturing
ng mga tao sa mga santo bilang nakalaan sa kanilang espesipikong pangangailangan
(i.e. si San Antonio de Padua bilang pinataki ng mga ninakaw o kaya si San
Pascual Baylon bilang pintakasi para maalis ang pagkabaog, atbp); ang
pagkukunwaring naiintindihan ang mga dinarasal na wikang Latin habang nag-aantok
at nagyuyukayok (pagkawala ng kahulugan); at pag-uukol ng mas maraming
kandila sa santong mas mapaghimala (paghahanap ng malaking pakinabang). Salungat
sa mga katangiang ito ay si Tasyo na nilikha ni Rizal upang maging kritiko, at
dahil dito ay nagiging matingkad ang kontradiksiyon. Sa pamamagitan ni Tasyo ay
nailatag ni Rizal ang kanyang konsepsiyon ng �tunay� mula sa �bulaang�
relihiyon. Ang pagkakatuklas ng isang �tunay� na relihiyon ay magpapalaya sa
mga tao mula sa kanilang �pagpapakahangal� at siya ring magbibigay-daan
upang tumaliwas sila sa kapangyarihan ng praylokrasya/awtoridad ng simbahan.
Kapag hindi umabot sa matagumpay na pagkilala sa tunay/bulaan na relihiyon,
walang magbabago at hindi makakamit ang kamalayan sa realidad. Ang Pagkakabihag sa Idolohiya ng Relihiyon BUKOD
sa pagpapaliwag ni Rizal sa proseso kung papaano naipapalaganap ang idolohiya ng
relihiyon, pinagtuunan din ng pansin si Rizal sa �Estado de Religiosidad�
kung papaano nakakapagpasunod ang idolohiya na ito at kung papaano nito
nagagawang lehitimo at pinapagtibay ang kapangyarihan ng kapraylehan para
magpasunod (i.e. pag-ibayuhin ang kanilang kapangyarihan, awtoridad at
dominasyon). Kahit na may dominasyon, walang umaangal sapagkat nakikita ang
dominasyon bilang lehitimo, katulad ng nosyon ni Weber ng charismatic
authority.
Sa madaling salita, sila�y nabihag ng idolohiya ng relihiyon � ang
pagtinging bahagi ang lahat ng natural na kaayusan na siyang nagpaparalisa ng
kanilang mga kakayahan na maging kritikal. Ang
idolohiya ng relihiyon na inilalarawan ni Rizal ay parang tali na nagpapagalaw
sa mga puppet (sa mga tao) para sila ay sumunod sa ninanais ng may kapangyarihan
na katulad sa nosyon ni Louis Althusser ng �the puppet theatre� (Craib,
1997, p 171). Napapanatili ang kapangyarihan na magpasunod sa mga �mangmang�
dahil sa nilikhang diskurso ng relihiyon. Ang mga diskurso, para kay Michel
Foucault ay �ways of speaking/writing and operate according to rules and these
rules articulate with socio-historical arrangements and circumstances (Cuff et.
al. 1998, p 261).� Ibig sabihin, sa loob ng isang diskurso, nagkakaroon ng
regulasyon kung sino ang kikilalaning nasa awtoridad at may kapangyarihan,
katulad ng pagkakaroon ng mga regulasyon tungkol sa mga
�katanggap-tanggap�. Halimbawa, sa diskurso ng relihiyon ng Iglesia, ang mga
prayle lamang ang nakakapagsalba ng kaluluwa sa mga apoy ng impiyerno kaya sila
lamang ang may karapatan para makinig ng mga kasalanan, magpatawad, mapakinggan
at kailangan silang igalang (i.e. humalik sa kanilang mga kamay). Samakatuwid,
ibabatay ng mga tao ang kanilang mga kilos batay sa namamayaning diskurso
katulad ng pagbibigay depinisyon ng simbahan tungkol sa �tamang paraan ng
pagpapakabuti�: ang
mga walang-tigil na pag-aayuno, ang mga pangungumpisal o ang pagsapi sa isa o
maraming kapatiran ay siyang mga gawaing nakaugaliang ipalagay na karapat-dapat
sa buhay kaysa pagpapakasakit ... sa kapwa.... Ang pagkain ng lamang-kati sa mga
araw ng pangilin ay itinuturing na kasalanan... kaysa [pag]pinsala sa iba... (p
39). Bahagi
rin ng diskurso sa relihiyon ng Iglesia ang demakasyon ng isang mabuti at
masamang Kristiyano: walang
magsasabing kayo ay masamang Kristiyano habang kayo�y nakikinig sa mga misa,
nangungumpisal, nakikinabang at dumadalo sa lahat ng prusisyon, nagdarasal sa
buong maghapon at nag-aayuno sa lahat ng araw na itinakda ng talaarawan (p 37). Ang
pagsunod sa mga bagay na ito na itinakda ng diskurso ay siyang nagpapatibay sa
namamayaning kapangyarihan ng kapraylehan. Ang pagtaliwas sa itinakda ng
diskurso ay �tatawaging erehe o kung hindi man gayon kabigat ay kahit na
masamang Kristiyano (p 35).� Ang
pagkilos sang-ayon sa diskurso ng relihiyon (na
tinutuligsa ni Rizal) ay maipapaliwanag sa nosyon ni Foucault ng power/knowledge.
Binibigyan ng regulasyon ng power kung
papaano iintindihin ng mga tao ang kanilang mga kilos (i.e. ang kusang pagsunod
sa mga preskripsiyon ng Iglesia/kapreylehan upang maisalba ang kaluluwa na
resulta na rin ng regulasyon sa diskurso). Ang pagkilos sang-ayon sa diskurso ay
muling lumilikha ng power. Ang knowledge
na nalikha sa pamamagitan ng diskurso ay siyang nagpapamangmang sa mga tao.
Ang knowledge kasama ang operasyon ng power
ay naisanib na sa internal na organisasyon ng kanilang pang-araw araw na
buhay at ginagamit upang intindihin ito. Isang uri ng knowledge
(na may taglay na power) ay ang
�pagtitiwala sa kahiwagaan�: Kapag
ang pangangatwiran niya�y nakatagpo ng isang balakid o isang naakit sa
nararapat na mangyari na hindi niya nasang-ayunan, hindi dahil dito�y
naghahagilap siya ng isang kuro-kurong makapagpapaliwanag niyaon, ni hindi niya
tinatalikdan ang inaakala niyang isang kabalighuan, bagkus pa nga�y nilulunod
niya ang kanyang pag-aalinlangan o pagtutol sa apoy ng kanyang pananalig sa
dahilang pagtitiwala sa kahiwagaan (p 33-34) Dahil
sa pagtitiwala sa kahiwagaan, �tinatanggap nila ang malalim na hiwagang ito,
karaniwang lumuluhod pa sila sa halip na magsiyasat, mag-usisa (p 35).� Ang
pagkilos alinsunod sa diskurso ng relihiyon ay larawan ng kusang pagsunod o ang
pagpapasunod na hindi ginagamitan ng lakas o puwersa. Dahil nakapaloob ang power/knowledge
sa internal na organisasyon ng buhay ng mga tao, awtomatiko silang sumusunod
sanhi ng kanilang paniniwala na mayroong karampatang parusa ang pagsuway (na sa
totoo�y wala naman) o kaya ay lagi silang nababantayan sa kanilang pagsuway
(i.e. nasa naturalesa na nila na kasalanang mortal ang pagsuway). Kung tutuusin,
isa itong uri ng panopticism. Ang
repruduksiyon ng istrukturang ito ay nagmumula sa walang kamalayang pagsunod sa
mga subhektibong kilos na patungo sa pagsunod sa diskurso ng relihiyon. Muli,
kung ganito ang nangyayari ay mahihirapang matanto ang kontradiksiyon ng
tunay/bulaan na relihiyon. Ang Pagtatalop sa �Maskara� ng Relihiyon MARAHIL,
batid ni Rizal na ang mga kagampanan ng mga diskurso at
laganap na idolohiya ng relihiyon ang siyang humahadlang sa pagkamulat ng
kanyang mga kababayan (i.e. ang pagkadiskubre ng isang tunay na relihiyon) at
nagpapanatili ng gahum (hegemony, social
power) sa kapraylehan. Kung papansinin, ang isang tema ng talakay ni Rizal
sa Noli at sa �Estado de Religiosidad� ay upang ilantad ang
idolohikal na pundasyon ng relihiyon at mga hindi napapansing realidad (taken
for granted realities) ukol dito na siyang �nagpaparukha� sa mga
nagpapaniwala. Ang pagsambulat sa diskurso ng relihiyon ay malinaw na isa sa
tunguhin ng diyalektika ni Rizal, i.e. ang salungatan ng tunay/bulaan na
relihiyon, dahil kung mababatid ng mga nananampalataya sa bulaang relihiyon ang
mga pundasyon na kanilang pinaniniwalaan, magiging daan ito ng kanilang
pagkamulat. Sa
ganitong layunin, maihahalintulad si Rizal sa mga Marxista ng Frankfurt School
na nagsasabing �if only some effective means could be found to ... expose the
falsity of [ideological] foundation [in this case, of religion], then,
there would be at least the prospect of reconstructing society along different
lines (Cuff et. al., 1998, p 250).� Sa mga akdang nababanggit, maiging
ipinapaliwanag ni Rizal kung papaano nabibihag ang mga tao sa maling paniniwala
dahil sa kagagawan ng idolohiya at diskurso ng relihiyong ipinapakilala ng
kapraylehan. At dahil sa bihag ang mga mananampalataya ng isang idolohiya,
�ang mga pananalig sa relihiyon at mga kautusang kasa-kasama ng tao sa lahat
ng dako at sa lahat ng sandali ng kanyang buhay, at nakakapagpabago sa kanyang
ugali, hilig, mga simbuyo hanggang sa mga pamamaraan ng pagkukuro... (p 31).� Isa
rin sa binigyang diin ni Rizal sa �Estado Religiosidad� ang usapin ng representationalism
(na matingkad sa mga post-structuralist)
bilang kasangkapan ng pagpapanatili ng idolohiya at diskurso. Sa kanyang
talakay, (bilang halimbawa) ay pinagtuunan ng pansin ni Rizal ang
�pagpapakilala sa birhen�. Sa
diskurso ng post-structuralist,
�words are treated as real in their own right since they represent
something�. Para kay Rizal, ang salitang birhen
(kasama ang larawan nito kung mayroon man) ay kumakatawan sa isang bagay na
mapaghimala at iniintindi ng mga mananampalataya ang kanilang buhay batay dito
kaya �sila�y madaling napapahinuhod sa mga panalangin, mga alay at iba pang
gawaing kabanalan [dahil ang birhen na
ipinakilala sa kanila], gaya ng [Kanyang] pagiging tunay
na tagapagsaklolo ng mga nagsisitupad sa kanilang mga pangako, [Siya] rin
nama�y nagpaparusa... sa mga hindi tumutupad ng kanilang mga panata (p 34).�
Malinaw na ang sagisag ng birhen
bilang �object of ideology� ay binibigyan ng mga mananampalataya ng sariling
pagkabuhay sa pamamagitan ng pagpintuho�t pagpaparangal dito (i.e. binibigyan
ng sariling kapangyarihan ang sagisag). Ang �pagkatakot� sa mga nilikha
nilang kapangyarihan ng mga sagisag ay siyang nakapangyayari sa walang tutol na
pagsunod sa diskurso ng relihiyon ng kapraylehan. Palibhasa ay nabubuhay ang tao
sa pagpapakahulugan sa mga bagay-bagay sa paligid at nagpapakahulugan batay sa framework ng diskurso at idolohiya ng pananampalataya na inihain sa
kanila. Batay sa pagpapakilala sa kadiyusan at birhen, sumusunod ang mga
mananampalataya sa �batayang pinagpapatakaran ng [kanilang] relihiyon (p
32).� Sa
simula ng pagtalakay ni Rizal ng kalagayan ng pagkamakarelihiyon sa �Estado de
Religiosidad�, nagbigay siya ng distinksiyon sa �pagsambang
panloob� at �pagsambang panlabas� (p 31). Bagaman mainam sana ito para
bigyan ng salungatan (o contrast) ang
isang �makalupa� at �dalisay� na pananampalataya, ay nawalan ito ng bisa
sa gitna ng talakay sapagkat halos pinag-isa na lamang sila ni Rizal �
nagkakaroon ng internalisasyon ang �pagsambang panlabas�. Sa huli, ang
pag-uukol ng paggalang sa mga sagisang (na manipestasyon ng �pagsambang
panlabas�) ay nauuwi sa �paniniwala�t pananalig� (na siya namang
manipestasyon ng �pagsambang panloob�). Sa
mga paglalahad na ito ay nakita ang pagtalakay ni Rizal ukol sa diskurso at
idolohiya sa ilalim ng maskara na ayon na rin sa kanya ay kanyang �inalisan ng
balabal�. Kaakibat ang paglalantad sa maskara ay isang preskripsiyon sang-ayon
sa diyalektikal na pag-iisip. Ang Pagtakas sa Bihag: Pagbalik sa Problematisasyong Diyalektikal ANG
NAKIKITANG resolusyon sa problematisasyon ni Rizal sa tunay/bulaan na relihiyon
any ang matagumpay na paghihiwalay sa kanila � ang kritikal na pag-iisip ng
inilahad na kontradiksiyon. Sa takbo ng pagpapaliwanag ni Rizal, hindi
nangangahulugan na magkakaroon ng panibagong realidad (na katulad ng pormulasyon
ni Marx ng thesis/anti-thesis/synthesis
na hango sa pilosopiyang Hegelian) kundi sapat na para maihiwalay ang tunay sa
bulaan � ang ganap na pagkatuklas ng mga taken-for-granted
realities na magbubunsod ng pagtatakwil sa paniniwalang matagal nang
pinaniniwalaan. Ang �pagtatakwil� na ito ay siyang magiging bagong realidad,
sang-ayon sa lohika ng diyalektika. Ang pagkakabihag sa idolohiya at diskurso ng
relihiyon katulad ng nasabi na ay bunsod ng false consciousness ng mga nananamplataya dito (o kaya ng collective
unconscious). Ang pagbabago sa collective
unconscious (episteme sa salita ni
Foucault) na posible sa konsepto ng diyaliktika, ay siyang makakapagpabago sa
paraan ng pag-iisip ng mga mananampalataya na makikita ang manipestasyon sa
kanilang praktika. Bunsod
dito ay nagbigay si Rizal ng alternatibong modelo sa uri ng pagkamakarelihiyon
na kanyang itinatakwil at tinutuligsa. Nangunguna dito ang kritiko na si Tasyo
(kasama sina Sisa, Ibarra, Elias, Kapitana Maria, atbp) na hindi
masyadong natalakay ni Almario dahil sa kanyang pagkakapako sa pamamaraan ng
pananampalataya ni Kapitan Tiyago. Pansinin natin ang usapan nina Pilosopo Tasyo
at ng isang nerbiyosong maestro ng Hermanos de la V.O.T. �Sa Loob ng
Simbahan�: �Sa
impiyerno ang tungo ng mga kaluluwa [ng mga taong mahilig sa] komedya; sa
langit, sa sermon! Kahit sanlibo ang hingin, babayaran natin at pasasalamatan
pa.� �Sa
kabila ng lhat, may katwiran kayo!� naisagot ng Pilosopo. �Higit akong naaaliw kahit papaano sa sermon at sa
komedya.� �Ngunit ni hindi ako naaaliw sa komedya!�
nangngangalit na sigaw ng kausap. �Naniniwala ako, sapagkat kapantay lamang ng pag-unawa
ninyo sa isa ang pag-unawa ninyo sa ikalawa.� (Noli salin ni Almario, 1999, p. 193-194) Mula sa kawalang-kahulugan ng pagkamakarelihiyon ng mga
�kaluluwang naghihirap� (i.e. nagdarasal ng mga pasyon na hindi naman alam
ang mga kahulugan), ipinakilala ni Rizal ang paraan ng pagsamba ni Sisa na labas
sa diskurso ng relihiyon na ipinakilala ng kapraylehan: Sa mga gabing iyon, kung bahagya mang magdasal ay
nananalangin namang labis, nagdurusa ang mga mata�t lumuluha ang puso. Wala
siyang mga nobena, hindi alam ang mga jaculatoria, ni ang mga berso, ni ang mga
oremus na kinatha ng mga fraile upang gamitin ng mga walang sariling isip ni
damdamin. Hindi rin niya nauunawaan ang mga iyon. Dumadalangin sa wika ng
kanyang pagdaralita, tumatangis ang kanyang kaluluwa ukol sa sarili at ukol sa
mga yumao na umiibig ng kanyang kabutihan. (Noli,
p 84) Para naman kay Elias: �Tinatawag ba ninyong pananampalataya
ang pagsambang panlabas? Relihiyon ba ang pangangalakal ng mga sintas at
eskapularyo? Katotohanan ba ang milagro at kuwentong
naririnig natin araw-araw? (Noli, p
317) Makikita
na ang modelo ni Rizal ng isang tunay na relihiyon ay hindi kakikitaan ng isang
mapanlinlang na turo (na siyang nakikita sa relihiyon ng Iglesia). Dahil para
kay Rizal, ang mapanlinlang na turo ng relihiyon ng Iglesia ang siyang
�nanlilinlang� sa kanyang mga kababayang nananampalataya. Sa pagtatagumpay
ng panlilinlang, umiigting ang kapangyarihang panlipunan ng kapraylehan katulad
ng nasabi na; pati na rin ang pagpapatuloy ng �kamangmangan� at opresyon. Samakatuwid,
ipinapakita ni Rizal ang salungatan ng isang tunay/bulaan na relihiyon upang
turuan ang mga mananampalataya na maging kritikal sa niyayakam nilang
paniniwala. Hinihikayat ni Rizal ang pagsusuri at pagsisiyasat sa mga
pinagmumulan ng mga paniniwala � at matalos ang mga kontradiksiyon � para
maunawaan na ang kanilang pananalig ay nagiging instrumento ng mga
maykapangyarihan upang makapanlinlang. Halos ihambing din ni Rizal sa
pagkalublob sa putikan ang uri ng paniniwala ng kanyang mga kababayan at
hanggang hindi sila nagsusuri ukol sa kanilang pagkamakarelihiyon ay hindi sila
makakaahon sa �putikan�. Dahil sang-ayon sa diskusyon ni Rizal sa �Estado
de Religiosidad� ang pagiging mulat ay nagsisimula sa pagiging kritikal sa mga
bagay na pinapaniwalaan � ang pag-usad ng kasaysayan ay nakasalalay sa
pag-unlad ng kalagayang moral. Para
kay Rizal, ang uri ng relihiyon na itinuro ng kapraylehan ay walang magandang
naidudulot sa kalagayang moral ng mga tao. Hindi ito nagdudulot ng kabutihan sa
pakikipagkapwa sapagkat, nagiging lehitimo ang opresyon (i.e. pang-aagaw sa mga
pag-aari ng mga sawimpalad; pang-aapi) dahil madali lamang itong mapatawad ng
Diyos sa pamamagitan ng �suhol�, halimbawa, ang paggawad ng napakaraming
indulhensiya. Kapag
naihiwalay na ng mga mananampalataya ang tunay sa bulaan, mawawatas nila na ang
mga �pananakot� sa kanila ng mga prayle (i.e. ang pagpapakilala ng isang
mapagparusang Diyos) ay mga irrational
control mechanisms lamang at ang mas mahalaga ay ang pagkontrol
sa sarili, halimbawa ang pagpapakatao sa pagkilos. Ipinapakita ni Rizal ang
isang pagpapakatao na hindi nakasalalay sa pagpapakatao sa diskurso ng
relihiyong bulaan. Mula dito ay magsisimula ang pagiging malaya ng tao na
mag-isip, na maging kritikal. Ang pagiging progresibo sa pag-iisip ay
magbibigay-daan sa pag-iisip sa termino ng mga kontradiksiyon, na kapag
nabubulag ang tao sa diskurso ng bulaang relihiyon ay tiyak na hindi ito
mangyayari sapagkat ang mag-isip ng taliwas sa diskurso (i.e. pagsasalita laban
sa kabalbalan ng kapraylehan) ay itinuturing na kasalanan. Mangyari pa, na kapag
nagsimula ang isang kritikal na pag-iisip sa ahensiya ng pagkilos, nalilikha ang
panibagong istruktura. Samakatwid,
ang pagbubuhos ni Rizal ng panahon para talakayin ang kalagayan ng
pagkamakarelihiyon at tuligsahin ito ay upang dalhin ang kanyang mga mambabasa
tungo sa pagbabago: alaming mabuti ang pinagmumulan ng pinaniniwalaan, maging
kritikal, at kapag nakakita ng mali, baguhin ito. Sa pamamagitan nito ay makikita ang realidad sa ibang
dimensiyon. Batis Almario, Virgilio S. Ang Bahay ni
Kapitan Tiyago. Hindi pa nalalathalang manuskrito, 2004. Craib, Ian. Classical Social Theory. New York: Oxford University Press. 1997. Craib, Ian. Modern Social Theory: From Parsons to Habermas 2nd ed. New York, London, Toronto, Sydney, Tokyo, Singapore: Harvester Wheatsheaf. 1992. Cuff, E.C. et. al. Perspectives in Sociology 4th ed., London and New York: Routledge. 1998. Rizal, Jose P. Kalagayan ng Pagkamakarelihiyon sa mga Bayan ng Pilipinas sa Mga Iba�t Ibang Sinulat ni Rizal 1873-1892. Manila: Pambansang Komisyon ng mga Bayani. 1964. Rizal, Jose P. Mula
kay Rizal para kay Felix Resurrecion Hidalgo, Berlin ika-5
ng Marso 1887 sa Pakikipagsulatan ni Rizal
sa mga Tagapagpaganap. Manila: Mga Lathalain ng Pambansang Komisyon ng
Ikasandaang Taon ni Jose Rizal. 1961.
[1]
Ang materyal na ginamit sa papel na ito ay ang manuskrito ng naturang papel
ni Almario na hindi pa opisyal na nalalathala. [2]
Ang materyal na ginamit sa papel na ito ay ang salin na pinamagatang
�Kalagayan ng Pagkamakarelihiyon sa mga Bayan sa Pilipinas� na nasa
Rizal, Mga Iba�t Ibang Sinulat ni
Rizal 1873-1892, Maynila: Pambansang Komisyon ng mga Bayani, 1964, mp.
29-48. [3]
Sa assumption na tama ang pagkakasalin. |
|
Copyright 2005.
|