Home ] Up ] [ Si Rizal at ang Himagsikang Pilipino ] Tunay/Bulaan: Ang Diyalektika ni Rizal sa Usapin ng Pagkamakarelihiyon ] Retraksyon sa Retraksyon ni Rizal ] Si Rizal at ang Dalawang Mukha ng Kabayanihan sa Noli Me Tangere ]Si Rizal at ang Himagsikang Pilipino

Up

ni Juvelan Samia

Marami sa ating mga historyador at kritiko ang nagsasabing hindi naging ganap ang kaningningan ng himagsikan ng 1896 dahil sa naging pagtutol dito ni Dr. Jose Rizal. Nakakalungkot ang ganitong pangyayari sapagkat hinahati-hati nito ang mga Pilipino sa kung kaninong paniniwala ang kanilang inaayunan. Sa isang banda, ninanakaw nito mula sa ating mga kababayan ang pagkakataong mamangha sa ating mga bayani at gayahin ang kanilang kadakilaan. Kung gayon ay hindi nakatutulong sa atin ang pananaw na ito. At kung susundin ang paniniwala ni Constantino ukol sa pagbasa ng kasaysayan ay marapat nang itapon, o kaya�y isantabi muna ang ganitong pagbasa upang humanap ng iba pang perspektibang pangkasaysayan na makatutulong sa bansa sa kanyang hangaring mabigyang lunas ang mga kontemporanyong suliraning kanyang kinakaharap.

            Sa papel na ito, nais kong bigayan ng bagong pagbasa ang mga ginawang kilos ni Dr. Jose Rizal simula noong maisulat niya ang �Noli� hanggang sa kanyang kamatayan sa Bagumbayan. Hindi ko ito ginagawa upang iluklok si Dr. Jose Rizal sa pinakamatas na dambana ng kagitingan, bagkus ay nais kong higit na patingkarin ang himagsikan ng 1896 bilang papugay sa lahat ng mga Pilipinong naging kabahagi ng kilusang nagbigay sa ating bansa ng kanyang kalayaan.

 

Si Claro M. Recto at ang kanyang pagbasa sa �NOLI� at �Fili�

             Sa kanyang talumpati na pinamagatang �Si Rizal Ang Makatotohanan At Si Bonifacio Ang Mapangarapin�, iginigiit ng ating iginagalang na Claro M. Recto na:

Si Rizal kailanma�y hindi naging kasang-ayon ng paghihimagsik nang panahong yaon, iya�y maliwanag niyang sinabi sa pamamagitan ng mga tauhang pinapagsalita ng kanyang kaisipan sa �Noli� at �Fili�, gaya nila Ibarra, Isagani, P. Florentino� Tunay ngang tayo�y may mababanggit na Elias at Simoun, at manaka-nakang mababanggit din si Cabesang Tales� (ngunit) kung isasaalang-alang natin ang naging wakas ng dalawang nobela at gayun din ang mga katangiang ibinigay sa kanila, ay hindi (sila) naging tagapagpahayag, sa ano mang paraan, ng tunay na mga kaisipan ni Rizal tungkol sa kapanahunan ng paghihimagsik� (Ang diin ay nanggaling sa akin)

            Una sa lahat ay hindi yata matuwid ang ginawang agarang paghusga ni Claro M. Recto sa mga tauhan ni Rizal sa �Noli� at �Fili�. Dapat unawain na mahirap mapatunayan na kailan ma�y hindi nangusap si Rizal sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong tauhan sa kanyang nobela. Dahil lamang ba sa hindi naging matagumpay ang paghihimagsik sa kanyang nobela (na maaari pang tingnan sa mula ibang angulo) ay nangangahulugan nang hindi umaayon si Rizal sa kanilang adhikain at pamamaraan? Hindi ba�t upang makita ang tunay na pagtingin ni Rizal sa mga tauhang ito ay marapat na tingnan at pakasuriing mabuti ang kabuuan ng kanilang pagkatao sa kabuuan ng nobela?

            Kung pakatitingang mabuti ang mga tauhang mapaghimagsik sa mga nobela ni Rizal, ay makikita na ang mga ito ay pinagkalooban ni Rizal ng kabutihang-loob at kabanalan ng adhikain. Si Elias na pinagkalooban ni Rizal ng sapat na dahilan upang maglagalag, maging marahas at mapaghiganti ay kinakitaan pa ng katapatan[1], kahinahunan at matalas na katwiran. Hindi siya naging padalosdalos sa kanyang mga pasya at siya pa nga ang humimok kay Kapitan Pablo na bigyan muna ng pagkakataon ang mga reporma bago sumuong sa isang madugong digmaan.[2] Si Kapitan Pablo na isa ring sawimpalad ay kinakitaan ng parehong antas ng kabutihan at pagkamakatwiran. Hindi ba�t kaya ng matapuan ni Elias si Kapitan Pablo sa kabundukan ay sugatan ito dahil sa iniwasan niyang makasakit ng inosenteng kwadrilyero at kaya siya mismo ang napahamak. Ganito ang kanyang naging paglalahad ng pangyayari �Tinitiyak ko sa inyong hindi ko susugatan ang sino mang may sala. Nakikikta mo baa ng sugat na ito? Upang hindi ko mapatay ang isang kawawang kwadrilyero na tumutupad lamang sa kanyang tungkulin ay pinili kong ako ang masugatan.�

            Kung talagang labag sa kanyang kalooban ang himagsikan ay bakit pa kaya niya binigyan ng napakabubuting katauhan sila Elias, Kapitan Pablo at Kabesang Tales?

            Pangalawa, kung hindi isinusulong ni Rizal ang isang kaisipang mapanghimagsik ay ano kaya ang kanyang inilalatag na solusyon. Totoo na nabigo ang mga himagsikang inisip at isinagawa ng mga mapanghimagsik na tauhan sa nobela. Sa �Noli� namatay si Tandang Pablo ng hindi naisasakatuparan ang kanyang mga adhikaing mapanghimagsik. Gayon din ang sinapit ni Elias na namatay naman sa gubat ng mga Ibarra. At sa kanyang mga bibig namutawi ang mga katangang �mamamatay ako ng hindi nasisilayan ang bukang liwayway sa aking bayan�. Ngunit dapat nating alalahanin na kasabay ng pagkabigo ng mga himagsikan sa nobela ni Riza ang pagkabigo ng mapayapang paraan ng paggigiit ng sarili. Hindi ba�t nabigo rin ang pangarap ni Ibarra na itatag ang paaralan na siya sanang magtuturo sa mga Pilipino?

            Sa �El Fili� nakita natin ang pagkabigo ni Simoun sa kanyang balak na paghihimagsik[3]. Ngunit batay sa pag-uusap na naganap sa pagitan ni Padre Florentino at ni Simoun sa huling kabanata, maaaring sabihin na si Rizal ay hindi talaga laban sa himagsikan kung hindi laban lamang sa uri ng himagsikan ni Simoun.

            Sa palagay ko ay mas tama ang naging pagbasa ni Coates sa naging layunin/ epekto ng �Noli� at �Fili� sa mga Pilipino. Ayon sa kanya:

�Panunulsol ito sa rebolusyon at mariing babala laban dito, eksaktong pagkasuma, sa katunayan ng kanyang mga pananaw sa rebolusyon, mga pananaw na makatotohanan kung kaya may elemento ng urong-sulong. Wala siyang nakitang alternatibo sa rebolusyon , bigo ang lahat ng nasubok. Pero hindi naman niya makita kung paano magtatagumpay ang isang rebolusyon.�[4]

Pangatlo, kung totoo na sa pamamagitan ng mga tauhan sa �Noli� at �Fili� kinakitaan ni Claro M. Recto si Rizal ng mga sentimyentong laban sa paghihimagsik ay bakit kaya niya nasabi sa pareho ding talumpati ang mga sumusunod na kataga:

�Sa pagka-makata, sa pagmamatwid, si Rizal ay naging mapaghimagsik; ngunit sa harap ng mga pangyayari na ang pinagbabataya�y ang talagang katotohanan, ay baligtad at hindi ganoon.� (Ang diin ay nanggaling sa akin)

            Kung gayon ay sinalungat na rin ni Claro M. Recto ang sarili niyang pangangatwiran. Ibig sabihin, hindi sarado (at malamang ay bukas na bukas pa nga) ang kaisipan ni Rizal sa isang rebolusyon.

 

Ang pakikipagsulatan kay Blumentritt

            Ang paniniwalang si Rizal ay nagsusulong rin ng mga ediyang rebolusyonaryo ay tila nakahahanap rin ng patunay mula sa kanyang talambuhay na isinulat ni Leon. Ma. Guerrero. Ayon sa isang liham na ipinadala ni Rizal kay Blumentritt noong 19 Hunyo 1887 kanyang sinabi na:

�I can assure you that I have no desire to take part in this conspiracies which seem to me premature and risky in the extreme. But if the government drives us to it, that is to say, when there remains to us no other hope that to seek our ruin in war, when the Filipinos shall prefer to die rather than to endure the miseries any longer, then I too shall advocate violent means.� (Ang diin ay nanggaling sa akin)

 

            Malinaw na kasing-aga ng 1887 ay iniisip na ni Rizal ang posibilidad ng isang himagsikan ngunit makikita rin dito na tila hindi pa siya sigurado at hinihintay pa ang pagkakahinog nito sa kamalayan ng mga Pilipino. Kaya naman marapat na bigyang pansin natin ang isa pang liham ni Rizal kay Blumentritt noong 23 Hulyo 1888, isang taon matapos ipadala ang uaunang liham. Dito ay sinabi niya:

�The majority of the Filipinos have already lost the hope they have pinned on Spain! Now we have to await our faith in God and from ourselves, but never anymore on any Government!�[5] (Mula kay Guerrero, ang diin ay nanggaling sa akin)

            Sa liham na ito ay mukhang naging ganap na ang pagkasira ng tiwala ni Rizal sa Espanya at mababakas na rin dito ang namumuong kahandaan ni Rizal para sa isang himagsikan.

           

Ang Pagkalas sa �La Solidaridad� at Pagbuo ng �La Liga Filipina�

            Noong taong 1890 ay naging ganap na ang pagtalikod ni Rizal sa planong assimilasyon.[6] Maaalala na noong mga panahong ito ay nagkaroon ng eleksyon kung sino ang dapat mamuno sa kilusan ng mga Pilipino sa Madrid. Naging matindi ang labanan sa pagitan ni Marcelo del Pilar na siyang tumatayong pinuno (de facto) ng mga Pilipino doon at ni Rizal na kababalik lamang mula sa Maynila. Sa Huli ay nanalo si Rizal ngunit ang kataka-taka ay kung bakit binitiwan din niya ang pagkapangulo matapos mahalal. Maaaring bigyan ito ng kasagutan ng isang talumpating ipinahayag ni Galicano Apacible sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1935 sa okasyon ng anibersaryo ng kapanganakan ni Rizal. Sinabi niya:

� In the famous election that lasted three days in Madrid by the Filipino colony to elect a Responsible, a Filipino who would direct and be responsible for the Philippine policy in Europe, there were two candidates: Rizal and Marcelo H. del Pilar. Many of us who supported Rizal�s candidadcy did so on the conviction that Rizal was a separatist and a radical one� [Mula kay Quibuyen, (1999) na sumasanguni kay Alonza, (1971)]

 

            Hindi nga kaya ito ang sagot kung bakit hindi ipinagpatuloy ni Rizal ang pamumuno sa mga Pilipino sa Madrid: sapagkat marahil nakita niya na ang eleksyon naganap ay hindi naging batay sa personalidad kung hindi sa layuning tinutungo at ditoniya napagtanto na hindi buo ang pagsuporta ng mga kasamahan niya sa kanyang adhikaing seperatista. Kung susundan ang ganitong pagbasa ay madali na ring maunawaan ang mga sumunod na pahayag na binitiwan ni Rizal. Sa isang liham noong Oktubre 1891 na may lagdang La�ong La�an kanyang sinabi

�If our countrymen hope in us here in Europe, they are certainly mistaken� The help we can give them is our lives in our own country. The field of battle  is in the Philippines; there is where we should be.� [Mula kay Quibuyen (1999) na sumasangguni kay Schumacher (1973)]

            Halos ganito rin ang nilalaman ng isang liham na ipinadala ni Rizal kay Blumentritt noong 30 Disyembre 1891.

La Solidaridad is no longer the place to give battle; this is a new fight. I should like to follow your wishes but I believe that it will all be in vain; the fight is no longer in Madrid. [Mula kay Guerrero (1963), ang diin ay naggaling sa akin]

            Pinatutunayan ng mga pahayag na ito na lubos ng nawalan ng gana si Rizal sa mga adhikain ng La Solidaridad. Kaya nga marahil pagkatapos ng pagkakakalas ni Rizal ay madali siyang bumalik sa Pilipinas at itinatag ang higit na progresibong La Liga Filipina. Habang nababatid natin ang mga nakalatag na adhikain ng La Liga, magandang mabigyang pansin rin natin ang mga pananaw ng mga kasamahan ni Rizal ukol sa pagtatayo ng panibagong grupo. Sa isang liham na ipinadala ni Antonio Luna noong Enero 1892 kanyang sinabi na:

�If it is to be like the Soli, there is no need for it. It it is revolutionary, then let it ask for independence� [Mula Guerrero, 1963)]

 

Sa mga ganitong patunay, mukhang hindi na natin maitatanggi pa ang pagiging rebolusyonaryo ni Rizal. Ngunit ang mahalagang tanong ay kung bakit noong oras na siya ay bigyan ng pagkakataon na sumapi sa rebolusyonay ito�y kanyang tinangihan[7]. Tama kaya ang pagkakabasa ni Claro M. Recto na � Sinimulan ni Rizal� ang labanan sa pagtubos sa inang bayan sa larangan ng isipan� ngunit huminto siya roon (at) hindi nanaog sa buhanginan pagkat ayaw (niyang) matigmak ito ng dugo ng kanyang kababayan.�?  

Babalik at babalik tayo sa katanungang �kung totoo ngang rebolusyonaryo si Rizal ay bakit kaya noong nasa harap na niya ang pagkakataon na sumapi sa Himagsikan ay ito�y kanyang tinaggihan? �

            Hindi ko pangangahasang bigyan ng depenetibong kasagutan ang mga nakahaing katanungan sapagkat mukhang parehong may matibay na batayan ang dalawang panig. Kaya sa pagkakataong ito ay nais kong gamitin sa pagsusuri ang pragmatikong pananaw pangkasaysayan ni Constantino. Ayon sa kanya ay dapat basahin ng isang bansa ang kanyang kasaysayan ayon sa kung ano ang higit na makatutulong sa kanya na mabigyang lunas ang mga kontemporanyong suliranin ng lipunan. Kaya ipagpapatuloy ko ang aking pagsusuri gamit ang isang pananaw na sa aking paniniwala ang higit na makatutulong sa ating bansa.

 

Si Rizal- ang Tagalog na Kristo 

            Ang isa sa maaaring kasagutan sa tanong na kinakaharap ng papel na ito ay ang pahayag ni Miguel de Unamuno na si Rizal ay ang �Tagalog na kristo na naghahapis sa hardin ng Getemani�. Ang mga patunay sa pahayag na ito ay makikita sa mga ikinilos ni Rizal noong kanyang mga huling sandali. Ipinagkatiwala niya sa kanyang pamilya ang kanyang isketch ng paghahapis ni Kristo sa hardin at kay Josephine ay ang La Imitacion del Cristo. Mahalagang ipunto rin na noong itutos na ang pagbaril kay Rizal ay kanyang isinigaw ang �Consumatum est!�[8] ma siya rin namang huling salitang binitiwan ng panginoong Hesukristo noong siya�y nakapako sa krus.

            Mainam na bigyan rin natin ng pansin ang ika-limang saknong ng kanyang huling tula ang �Mi Ultimo Adios�. Dito kanyang sinabi:

 

Enchantment of my life: my ardent avid obsession:

To your health! cries the soul, so soon to take the last leap:

To your health! o lovely: how lovely: to fall that you may rise!

To perish that you may live! to die beneath your skies!

And upon your enchanted ground the eternities to sleep!

                        (Ang diin ay galling sa akin)

            Ang mga pahayag na binigyang diin ay mukhang may malalim na kaugnayan sa tradisyong katoliko. Sa katunayan, ang mga pahayag na ito ay nakakapareho ng sa diskurso  ng kasaysayan ng pagkakaligtas: kung saan kinailangang mamatay ni Kristo upang maipagkaloob sa sangkatauhan ang kaligtasan at buhay na walang hanggan. Mukhang sa mga pahayag na ito ni Rizal at kasama na ang kanyang mga ginawa bago pumanaw ay masasabing mukang malay at sadya ang kanyang pagbubuo sa kanyang sarili bilang imahe ng Tagalog na Kristo. Ngunit bakit?

            Ayon sa pananaliksik ni Ileto noong 1979, ang narrativ ng pasyon ang siyang naging framework ng masang Pilipino sa paglulunsad nila ng himagsikan. Kung gayon maaaring kinakitaan ni Rizal ng potensyal ang kanyang napipintong pagkamartir (kung ito ay maipalalabas niyang tulad ng sa kay kristo) sa pagpapabanal ng kalooban ng mga Pilipino at paghahanda sa kanila sa nakaambang himagsikan. Gamit ang pananaw na ito ay maaari nating bigyan ng panibagong pagbasa ang mga huling sandali ng buhay ni Rizal.

Una, sa pag-uusap na naganap sa pagitan ni Rizal at ni Dr. Pio Valenzuela ay maaaring nakita niya na naka-amba ng matuloy ang himagsikan ano man ang mangyari. Unti-unti ng nabubuo at na-oorganisa ang Katipunan sa Maynila at kasabay nito�y  patuloy naman ang paghihikayat sa mga mamamayan na sumali at maki-isa rito.

Pangalawa, nakita ni Rizal ang kawalang kawalang kahandaan ng Katipunan para sa isang malawakang himagsikan. Ito ay nanggaling mismo sa pangalawang testimonya[9] ni Dr. Pio Valenzuela noong 1917 ukol sa kung ano talaga ang naganap sa kanilang pag-uusap sa Dapitan  noong Hunyo 1896. Ayon sa kay Dr. Valenzueala, sinabi ni Rizal na:

�If possible, there should be no uprising until they [the Katipunan] were provided with arms� But� [if discovered by the Spanish regime] you have to take to the field without waiting for arms.�

Malinaw sa pahayag na ito ni Rizal kay Valenzuela na nasasakanya pa rin ang takot na maaaring mabigo ang katipunan dahil sa kaulangan nito ng armas sa pakikipagdigma. Ngunit naging malinaw rin sa pahayag na hindi tumututol si Rizal sa ano mang paghihimagsik at kanya pa ngang ipinagkaloob ang kanyang mga payo para sa higit na ikabubuti nito.

Pangatlo, nakita ni Rizal na higit na makatutulong sa mga hangarin ng katipunan kung siya ay magpapakamartir na lamang. Sapagkat sa pamamagitan nito (ng kanyang pagpapakamartir) napagtanto niyang maaari niyang mapapabanal ang mga hangari�t kalooban ng mga Pilipinong nagnanais ng himagsikan at sa gaong paraan ay maihahanda sila para dito. Kumbaga, maaaring tingnan si Rizal at ang Katipunan bilang magkaibang kilos ng iisang sayaw.

            Kaya nga kung muling titingnan ang �Mi Ultimo Adios� mapapansin sa ikalawang saknong nito na tila ipinapaliwanag ni Rizal ang kanyang naging kilos.

On the field of battle, fighting with delirium,

Others give you their lives without doubt, without gloom.

The site nought matters: cypress, laurel or lily:

Gibbet or open field: combat or cruel martyrdom

Are equal if demanded by country or home

(Ang diin ay nanggaling sa akin)

            Naging pragmatiko lamang si Rizal. Kahit na siya ay naniniwala sa katwiran ng napipintong himagsikan ay hindi na siya lumahok dito bagkus ay pinili niyang magpakamartir sapagkat ito ang nakita niyang higit na kapakipakinabang para sa kilusan at sa bansa. Kaya maaaring sabihin na sa saknong na ito ay pinaaalalahanan  ni Rizal una ang kanyang sarili at pangalawa ang ibang mga tao na ang kanyang pagpapakamartir ay kapareho�t kasindakila ng armadong pakikidigma.


[1] Sa isang beses na pagkakaligtas ni Ibarra sa buhay ni Elias ay habang buhay nang tumanaw ng utang na loob ang huli sa nauna. Maaalala na maka-ilang beses pinatunayan ni Elias ang kanayng katapatan kay Ibarra sa pamamagitan ng pagligtas sa kanyang buhay at pagbibigay babala sa mga kapahamakang maaaring mangyari sa kanya.

 

[2] Maaaring makita ang kabuuan ng pag-uusap ni Elias at ni Kapitan Pablo sa Kabanata 46 ng �Noli� na pinamagatang �Mga Inuusig�.

[3] Kung ang pagkilos na ito nga ni Simoun ay maaaring ituring na paghihimagsik.

[4] Halaw sa aklat na �Rizal: Makabayan at Martir� na isinulat ni Coates at isinalin ni Nilo

[5] Magandang pansinin na ang mga pahayag sa liham na ito ay nakakatulad ng naging mga pangangatwiran ni Elias kay Don Crisostomo Ibarra sa kabanatang �Malayang-pag-iisp� kung saan kanyang sinabi �Kailangan ko pong magtiwala sa Diyos, sapagkat nawala na ang paniniwala ko sa tao�.

 

[6] Ito ang naging pagbasa ni Floro Quibuyen sa mga naging kilos ni Rizal mula noong 1888 matapos ang masalimuot na pangyayari sa kanilang Hacienda sa Calamba. Maaaring tingnan ang librong �A Nation Aborted: Rizal American Hegemony, and Philippine Nationalism� ni Quibuyen para sa kabuuang paliwanag.

[7] Batid natin na isinugo ni Gat Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang kumbinsihin si Rizal na sumama sa Himagsikan.

[8] Ang Ibig sabihin nito sa Filipino ay �naganap na�

[9] Ang una ay ang kanyang mga testimonya sa kulungan sa harap ng mga opisyal na kastila noong 1896.

 

Copyright 2005.
For problems or questions regarding this web contact [ProjectEmail].
Last updated: April 04, 2005.
Hosted by www.Geocities.ws

1