|
|
Winika
ng isang makata na pinakamalupit ang buwan ng Abril.
Kaysarap paniwalaan ng taludtod na iyon lalo na’t
nakapila ako sa OUR para muling maging alipin ng apat
na sulok ng klasrum matapos ang paglaya ng limang taon.
Bukod sa nakasusunog na tag-init ngayon at pinalalala
pa ng climate change, hindi ko maiwasang mapamura uli
sa haba ng pilang nadatnan ko para ma-admit bilang MA
student. Dati ko nang naranasan ang ganitong mga tagpo
kaya wika ko sa sarili, pasensya lang ang katapat niyan.
Pero, naiinis pa rin ako dahil tila walang pagbabago.
Iniisip ko na lang na Centennial Freshman ako uli. Kung
baga, first time uli.
Ang yabang ko pa noon. Kahit naman siguro ang mga kasabay
kong Centennial Freshman ay gayundin. Memorable’t
historiko ang aming pagpasok sa UP. Iyon ang bansag
sa amin dahil sandaang taon na ang kalayaan ng Pilipinas.
Na habang tumatagal ako sa ating pamantasan, pagdududahan
ko’t hindi na pinaniniwalaan.
Ngayo’y sandaang taon na nga ang UP. Posibleng
ito rin ang ibabansag sa mga paparating na freshman
ngayong Hunyo. Sana’y hindi agad sila maloko ng
mga salitang iyon.
Bago pa ako magpasyang mag-MA, hindi ito dala ng sariling
kagustuhan. Kinakailangan lang talaga ng mas mataas
pang akronim na idudugtong sa pangalan kaysa sa BA lang.
Sa trabaho ko ngayon bukod sa pagsusulat, kailangan
ng titulong angat sa iba. Para rin ito maging permanente
ako’t makatanggap na ng sahod na trenta mil.
May MA at PhD studies naman sa pinapasukan ko. Ladderized
pa’t mas mabilis akong makatatapos. Magiging full
scholar pa ako. Bakit ko pa ba pinili ang UP, tanong
ng ilang kaibiga’t kaguro roon. Baka matagalan
lang ako sa pag-aaral.
Madalas ko na lang na sagot ay nasa UP na kasi ang
papeles ko. Hindi ko direktang masagot na maroons pa
rin ako. Hindi ko matanggal sa pagkatao ko ang itinuro
sa akin ng UP. Na kakaiba ito sa lahat ng pamantasang
kilala sa bansa. Kahit na maraming kabulastugan ang
nagaganap na nagpapahiwalay at nagpapalayo sa UP bilang
pamantasang-bayan, may mga lugar at tao pa ring naglalapit
nito sa mga dapat nitong pinagsisilbihang nakararami’t
naghihikahos.
Hinihintay ko ang Araw ng Pagtatapos ngayong Abril
27, ang petsang lahat ay taas-kamaong aawitin ang UP
Naming Mahal.
Unang araw ko sa klase, hindi pa tumatatak sa isip kong
estudyante na nga ako uli. Ang gusto kong gawin ngayo’y
mag-beach, mamasyal, magbasa ng mga gusto kong basahin,
at magsulat. Pero, mahina ang pera ngayong summer. Pati
bulsa ko’y bakasyon din.
Pagdating ng propesor sa klasrum, nakilala niya agad
ako. Tinanong niya ako kung bakit ako nag-aaral uli.
Sinagot ko siyang dala ng pangangailangan. Mamera na
ang MA ngayon, sabi niya. Nagsimula na kami. Kaunting
intro, kaunting tanong sa amin. Bigayan na ng asaynment
at reports. At dahil ako ang una sa class list, sa akin
ang unang report.
Estudyante na nga uli talaga ako.# Philippine
Collegian
<<
back to home |
|
Isang
tipikal na umaga noong mga huling araw ng pagtatapos
ng thesis: Nakatunganga, nakatitig sa orasan habang
iniisip kung matutulog ba o hindi. Magpapasyang kumain
na lamang o uminom ng kape para magising. Kailangang
magising. Sinabi kasi sa sarili na matatapos ito on
time, mapapasa ang first draft on time, pero hindi rin
kinaya dahil nasobrahan sa pagpapatiwakal sa oras.
Natapos rin naman ang thesis sa loob ng isang taon,
ngunit sa proseso nito, hindi lang ang mga sinulat doon
ang mahalaga. Ang mismong karanasan sa paggawa at hindi
paggawa ang nagbigay kahulugan doon. Kapag mayroon nga
namang pagkakataon, maaaring isa-isang matukoy ang mga
bagay na gustong tandaan at itapon. Minsan nagiging
dalubhasa tayo sa mga bagay na hindi naman talaga dapat
pang matutuhan gawin. Tulad ng:
Pagsasayang ng oras. Ito ang guilty pleasure ng isang
nagti-thesis. Masaya sa una, pero sa kalagitnaan, hindi
na enjoy. Hindi enjoy ang pagbibilang ng oras sa pagkain,
o pagkapraning sa tunog ng pagpatak ng bawat segundo
sa orasan. Saan nga ba napupunta ang oras kapag nasasayang?
Kadalasan sa internet, panonood ng tv o pelikula, pagpunta
kung saan-saan na hindi naman kailangan, inuman, daldalan,
lahat ng bagay na wala namang kinalaman sa kailangang
tapusin. Minsan nagkakataon na nakakatulong ang ilan,
tulad ng mga nakakausap na tao. Pero maraming malakas
kumain ng oras, maraming puwedeng gawin para makalusot
sa mga kailangang tapusin. Kapag dumalas na ang pagtingin
sa kalendaryo, ibig sabihin, sa dami ng gawain, paano
pa pagkakasyahin? Kung magsasayang pa ng oras, ano pang
lulubusin?
Sobrang pagtulog at hindi pagtulog. Isa na namang guilty
pleasure na malakas kumain ng oras. Sa buhay ng tao,
ang alam ko, kapag mas tumatanda na, hindi na kailangan
ng masyadong maraming tulog. At kapag maraming gawain,
ang alam ko, kailangan mo ring ipahinga ang utak mo
bago pa maging sabaw ‘to. May mga pagkakataon
ding kapag wala kang tulog, kung anu-ano nang nakikita
at nasasabi mo. Hindi na biro ‘yun.
Sobrang pagkain at pag-inom ng kape. Pangangailangan
ang dalawa sa panahon ng pagpupuyat, pero kapag sumobra,
pagtaba ang kapalit. Kaya’t kahit halos ubos na
ang dugo sa kapupuyat, pagtaba pa rin ang kahahantungan.
Lalo na’t maghapon-magdamag ang pag-upo.
Pagkain sa sariling salita. Musta thesis? Kailan mo
nga ulit gagawin? Kailan mo matatapos? Mayroong mga
binibitawang salita ang isang nagti-thesis sa ibang
tao at sa sarili. Kadalasan ito ang idealistikong mga
araw na dapat tapos na ang ilang parte ng pag-aaral
na hindi rin matupad-tupad. Ito rin ang gawain kung
saan minsan kailangang magsinungaling o sinasadya lang
talaga magsinungaling para lokohin ang sarili na may
nagagawa.
Pagkawala sa sirkulasyon. Sa sirkulasyon sa Internet
at tunay na buhay, pagbitaw sa mga tungkulin sa org,
pagliban at pagkaleyt sa klase, pagtanggi sa ilang mga
paanyaya ng mga kaibigan. Kapag sobrang naghahabol na
sa thesis, hindi na balanse ang oras, at ang mga nabanggit
ang maaaring mangyari. Mahirap iwasan, pero lahat ng
epekto ay kailangang pasanin pagkatapos ng thesis. Kailangang
balikan lahat at mag-adjust.
Hindi ko masabing hindi ko na uulitin ang mga nabanggit
at masaya akong tukoy ko ang bawat isa. Wala namang
perpektong estudyante, pero kung iisiping mabuti, hindi
rin basta-basta patapon ang mga nabanggit kong gawaing
hindi dapat matutuhan (at paborito nating gawin). Napigilan
man ako ng mga iyon na matapos agad ang kailangang gawin,
binuo nito ang isang panibagong paghamon sa sarili na
magwasto. May mga kailangang itapon na mga nakasanayan,
pero hinding-hindi ang karanasan.
*para sa lahat ng nakaraos sa thesis, Congrats! # Philippine
Collegian
<<
back to home |
|