Umuwi Na Ang Isang Anghel
(Rechel P. Torio, 15 Set. 2002)

Daigdig na ito'y naging makulay
Nang ikaw ay dumating sa aming buhay
Mula nang ikaw ay isilang
Dulot ay kariktan at pagmamahal.
Kaya naman nang ikaw ay lumisan
Naglaho na rin ang saysay ng buhay
Sa puso ay may puwang na naiwan
Di kayang mapunan ng kahit sino man.
O kay kitid ng pantaong isipan
Dakilang plano ay di maunawaan
Kung bakit Kanyang pinahintulutan
Na mangyari itong di inaasahan.
Ngunit kahit tila di makayanan
Itong nangyaring dagling pagpanaw
Lahat natatanggap pag ang kaganapan
Ay bahagi ng Kaniyang dakilang kagustuhan.
Paalam na sa iyo, papauwing anghel
Langit ay nagliwanag sa iyong pagbabalik
Sa aming kamalayan ala-ala'y laging nakaukit
Larawan sa puso'y hinding-hindi mawawagli