Si DOY noon at ngayon
Isang komentarista at maririnig siya sa radyo DWSS-1494khz tuwing Sabado, 7:00-8:00 ng umaga, si "DOY, Kaibigan Kahit Kailan," ay si Teodoro Suria Sanchez sa tunay na buhay. Mababasa niyo ang kanyang mga sulatin sa Cabite Weekly Chronicle, at Cavite Times Journal. Sa kanyang tulong at pagpupunyagi, ang mga artikulo ng Tambuli, lalo na ang ukol sa katatapos na pasinaya ng Emilio Aguinaldo College-Cavite Medical Center sa Salitran, Dasmariñas noong ika-27 ng Hulyo, 2006 ay nailimbag sa mga pahayagang ito.
Bawat oras o sandali ay napakahalaga sa buhay ni DOY at pinangalagaan niyang di ito nasasayang. Halos ay agawin niya ang oras sa kamay ng panahon upang matupad lamang ang kanyang mga pangarap. Kanya ring napatunayan na ang taong mapagmahal sa kapwa ay malapit sa biyaya ng Panginoon. Hindi ka mabibigo kapag siya ang iyong nilapitan. Basta't kaya rin lamang niya ay maghihiwalay kayong dala sa puso mo ang pag-asang ano man ang suliranin iyong ilalapit ay maaaring malunasan.
Sa mga kabataan ngayon, ang kanyang payo, " Magbasa upang maging marunong at maalam sa kasalukuyang kaganapan sa bayan at mundo. Ang bunga na dinilig ng pawis, lalo na ng sariling pawis ay napakatamis, kaya habang bata'y magpursiging mag-aral. Huwag sayangin ang panahon. Pahalagahan ang bawat sentimong ginugugol ng mga magulang para sa pag-aaral ninyo."
Siya ay ipinanganak sa Malagasang I, Imus, Cavite noong ika-4 ng Hulyo, 1940. Ang kanyang mga magulang ay sina Antonio at Geronima Sanchez. Sila ay walong magkakapatid, limang lalaki at tatlong babae. Nagtapos siya sa Paaralang Elementarya ng Malagasang at ng sekundarya sa Feati University. Upang siya ay makapag-aaral, nagtatrabaho siya sa araw at pumapasok sa klase sa gabi. Noong 1971 ay ikinasal sila ni Ofelia Cameros, dating guro sa Paaaralang Elementarya ng Anabu at naging kawani sa Senado ng Pilipinas. May dalawa silang anak: sina Sherryl, na isang doktor at Shervyn I, na namatay sa isang aksidente noong ito ay 17 taong gulang pa lamang.
Ang buhay ni DOY ay isang bukas na aklat sa kanyang mga kababayan. Isinilang siya sa isang maralitang tahanan at sa murang isip ay nagbata ng hirap. Sa tulong ng mga taong malalapit sa kanya, kaya siya nakarating sa kanyang kinaroroonan ngayon. Si DOY na noo'y sunog ang balat sa araw at ang katawa'y di nawawalan ng putik kung tag-ulan, ngayon ay masasabing nasa tuktok ng kanyang mga pangarap. Subalit kailanman ay hindi nagbago ang paningin niya sa buhay at sa kanyang mga kababayan, sapagkat para sa kanya, ang kanyang tagumpay ay nakamit niya sa tulong ng Panginoon at ng kapwa.
Noong 1971, sa edad na 31 siya ay naging Konsehal ng kanyang bayan at sa halalan noong 1988, Bise-Alkalde ng Imus. Naging pangulo siya ng Cavite Vice-Mayors League, Region IV Vice-Mayors League at Vice-Mayors League of the Philippines noong 1995. Nahalal din siyang Provincial Board Member ng Cavite noong 2001.
Sa kasalukuyan, siya ay nanunungkulan sa ating pambansang pamahalaan bilang Special Assistant for Local Government Units and Media Affairs in the Office of the National Security Council at bilang Agency Manager ng Country Bankers Insurance Corporation.
Minsan, may nagtanong sa kanya kung paano niya nagagampanan ang napakaraming tungkuling nakaatang sa kanya at kung may panahon pa siyang nauukol sa pamilya. Napangiti siya at sinabi, " Ang lahat ay magagawa mo kung lagi kang dumadalangin sa ating Dakilang Lumikha. Siya ang nagbibigay sa akin ng lakas at pahiwatig na maglingkod sa kapwa at sa aking pamilya."