Para saan ang People's Agenda at anu-ano ang nilalaman nito?
Ito ay sukatan kay Arroyo kung gaano niya pakikinggan ang mga hinaing ng taumbayan. Ang ilan sa nilalaman nito ay ang tuluyang pag-usig kay Estrada sa mga kasong kriminal at administratibong inihain laban sa kanya. Anila, ito raw ng sukatan ng hustisyang ipinangako ni Gloria. Kasama na rin dito ang pagtugis sa graft and corruption sa pamamagitan ng pag-usig din sa mga cronies ni Estrada gaya nina Lucio Tan at Danding Cojuangco.
Pinanawagan din nila ang pagtawag pansin sa Amerika upang linisin ang naiwang nuclear wastes dito sa bansa at ang paglilinis sa sistemang panghalalan. Gusto rin nilang isulong ang pagtataas ng suweldo ng P125 across the board at ang pagpapatigil ng pagtatanggal sa trabaho. Layon din nilang pangalagaan ang karapatan ng mga migrante at ang pagpapatigil ng demolisyon sa mga urban areas, bagkus ay magbigay ng trabaho at bahay sa kanila. Nais din nilang isulong ang paggalang sa kababaihan at sa edukasyon.
Ano ang nararapat na maging papel ng civil society sa pamahalaang Arroyo?
Maraming mga taong hindi masyadong maganda ang reputasyon ang nakapalibot kay Arroyo. Nararapat loang na tahsang bantayan ang bawat hakbang ng administrasyon at umalma kung kinakailangan. Hindi na nito kailangang lumahok sa administrasyong Arroyo. Ang parliyamento ng lansangan ay sapat nang paninilbihan.
Dapat ipagpatuloy ang pagbabantay ng civil society sa kahit na anong administrasyon. Tungkulin ng sambayanan na ipagtanggol ang kalayaan at demokrasya.
Ano ang maaring gawin ng ordinaryong mamamayan upang maisulong ang ganitong layunin?
Ang pakikialam at ang pakikibahagi sa gawaing panlipunan at pulitikal ay dapat isabuhay ng taumbayan. Kung hindi kikilos ang taumbayan, sila rin ang maghihirap sa bandang huli tulad ng nangyari sa nakaraang administrasyon. Dapat ay walang isaisantabi sa hanay ng dapat kilatisin sa pamahalaan at walang palalampasing katiwalian maging sa sarili.
Dalawang beses nang nag-People Power. Ang pangatlo ay maaring sobra na at maaring mabaling na ang sisi sa sariling pagpapabaya. Dapat nang matuto ang Pilipino mula sa mga leksiyon ng kasaysayan.