sinag

| tahanan | ako | akads | aktibismo | akda | mapa | links | kontak |





midya at pulitika
ang midya at ang mga kandidato para sa halalang 2004


1. Ano ba ang ibig sabihin ng "mass media" at para saan ba ang mga midyang ito?
Ang midya, na kinabibilangan ng telebisyon, radio, pahayagan, pelikula, at mga bilbord at poster, ang nagsisilbing "watchdog" o tagapagbantay ng gobyerno sa isang demokratikong bansang gaya ng Pilipinas. Ito ang naghahatid ng impormasyon at balita sa sambayanan, lalo na sa mga mahahalagang isyu gaya ng mga ginagawa ng gobyerno. Ginagawa ito ng midya upang matiyak na interes at kapakanan ng mamamayan ang pinagsisilbihan nito.


2. Ano ang katangian ng mass media sa Pilipinas?
Ang ating mass midya, na itinulad sa midya ng Estados Unidos, ay kinikilala bilang isa sa mga pinakamalayang midya sa buong Asya. Karamihan sa mga media establishments na ito ay pribadong pagmamay-ari ng malalaking negosyante. ] Ang komersyal na katangiang ito ng midya ay isang dahilan kung bakit hindi mahusay na nagagampanan ng midya ang sinasabing tungkulin na ito. Habang tungkulin ng midya ang maghatid ng katotohanan, tinitiyak din naman ng mga nagmamay-ari nito na kikita ang kompanya.

3. Ano ang dapat na maging papel ng midya sa darating na eleksyon?
Inaasahan ang midya na maghatid ng balanseng at tamang kaalaman at impormasyon tungkol sa mga isyu at kandidato nang sa gayon ay makagawa ang mga botante ng matalinong desisyon, matalinong pagpili sa araw ng halalan. Dapat din nitong paalalahan ang mga mamamayan laban sa pagbebenta ng kani-kanilang boto.

4. Bakit nagiging panay ang paglabas ng mga kandidato sa midya sa tuwing darating ang eleksyon? Ano ba ang naitutulong ng midya sa mga kandidato?
Malaki ang nagagawa ng midya sa pagkapanalo ng isang kandidato. Sa pamamagitan ng paglabas niya at pagkakabanggit sa kanya sa radio, telebisyon,pahayagan, at iba pang anyo ng midya ay nakikilala na siya ng malaking bilang ng tao. Sa pamamagitan ng paulit-ulit na paglabas na ito sa midya ay nakakakuha siya ng name recall - ibig sabihin ay natatandaan na siya ng mga botante, lalo pa kung positibo o maganda ang imaheng ng kandidatong iinapakita ng midya. Ang pagkapanalo, halimbawa, ni Tito Sotto sa pagka-senador noong 1992 ay gawa ng pagiging host niya sa Eat Bulaga. Bilang patunay, wala man lamang siya sa "Magic 24" sa Batanes kung saan mahina ang resepsyon ng Eat Bulaga.

5. Kailan nagsimula ang paggamit ng mga kandidato sa midya?
Noon pa mang dekada sisenta ay marami nang pulitiko ang nakilala at nagwagi ng puwesto sa pamahalaan sa tulong ng midya, lalo na ng telebisyon, pahayagan, at radio. Pero bago pa ito, noong panahon ng Komonwelt pa lamang, ay bahagi na ng pulitikang Pilipino ang mga patalastas pulitikal sa iba't ibang midya. 1941 lumabas ang mga unang patalastas pulitikal sa bansa. Dahil sa obserbasyong nalalamangan ng maperang kadidato sa exposure ang hindi-gaanong maperang kandidato ay ipinagbawal ito. Noon lamang 2001 ito muling pinahintulutan.

6. Sinu-sino na ba ang mga naluklok sa pwesto sa tulong ng midya?
Ilan sa mga pulitikong ito ay sina Noli de Castro, Alfredo Lim, Dong Puno, Joseph Estrada, Bong Revilla, at Tito Sotto - kapwa mga personalidad sa telebisyon at pelikula. Ang mga pulitiko namang walang programa o hindi nagtatrabaho sa midya gaya nina Ninoy Aquino, Miriam Defensor-Santiago, at Ramon Mitra ay nagpakita naman ng mahusay na pakikitungo at pagtrato sa midya kapalit ng positibong media exposure o paglabas sa midya. Halimbawa, tiniyak ni Miriam Defensor-Santiago na makadaan sag a local na tanggapang editorial at himpilan ng midya sa tuwing may dadaluhan siyang okasyon sa iba't ibang lugar. Si Ramon Mitra naman ay napabalitang regular na tumatawag sa iba't ibang istasyon ng radyo noong tumatakbo siya sa pagka-pangulo.

7. Paano natulungan ng midya ang mga ito na ngayon ay malalaking pulitiko na?
Bagaman hindi naman lahat ng taga-midya o madalas lumabas sa midya ay nagtatagumpay sa karera sa pulitika (gaya nina Robin Padilla at Elaine Cuneta, nanay ni Sharon Cuneta), marami na at patuloy sa pagdami ang mga taga-midya at sa mga madalas makita sa midya na naluluklok sa pwesto sa gobyerno.
Dahil sa kanyang 'tagapagtanggol ng masang' papel sa kanyang mga pelikula ay napalapit si Erap sa mga mahihirap, dahilan upang manalo ito sa pagkapangulo. Natabunan ng imaheng ito ang katotohanan sa paraan ng pamumuhay ni Erap.
Gaya ni Erap, ang pagiging Nardong Putik ni Ramon Revilla sa pelikula ang naging daan nito patungo sa Senado. Telebisyon naman ang nag-akyat kay Loren Legarda sa puwesto. Nanguna siya sa mga tuamkbo sa Senado dahil sa kasikatan niya mula sa pagiging tagapagbalita sa ABS-CBN magmula pa noong 1986. Popularidad din mula sa pagiging host sa isang programa sa radio at telebisyon ng ABS-CBN ang naging puhunan ni Rene Cayetano, kung saan siya tagapagbigay ng mga kasagutan at paying may kinalaman sa batas. Bukod sa pagpapasikat sa isang indibidwal, nakalilikha ang midya ng ilusyong ang isang pesonalidad ay may malaking kakayahan. Kaya naman panay ang lapit sa midya ng sinumang may ambisyong pulitikal.

8. Magkano ba ang nagagastos ng mga kandidato para makita sila sa midya?
Isa hanggang dalawang bilyon ang pinakamaliit na halagang kinakailangan ng isang kandidato para sa isang desenteng pangangampanya at mahigit sa kalahati nito ang napupunta sa gastusin para sa midya. Mahina pa ang halagangito dahil sa ang isang buwang paulan ng patalastas pa lamang sa radio at telebisyon ay umaabot na sa humigit-kumulang P50 milyon. Iba pa ang gastusin para maisama ang isang kandidato sa balita o para magkaroon siya ng litrato sa pahayagan. Noong 1998, P20M ang presyo ng package na inialok ng isang pangunahing radio network sa mga kandidato sa pagkapangulo. Kasama sa package na ito ang live coverage ng mga campaign rallies, pagiging bahagi ng mga balita, akses sa mga programang balita ng istasyon, at isang full-time reporter na itatalaga para mangalap ng balita at impormasyon tungkol sa kalabang kandidato.

9. Ano ba ang epekto ng talamak na pagsulpot ng mga pulitiko sa ating mga radio, telebisyon, pahayagan at iba pang midya?
Nagiging labanan ng mga sikat at mayayaman lamang ang eleksyon sa Pilipinas. Sa maraming pagkakataon, nagiging basehan ang popularidad ng isang indibidwal para mapili siyang kandidato.
At gaya ng nakita nabanggit na, malaki ang perang kinakailangan ng isang kandidato para sa mga gastusin sa midya. Sa halaga pa lamang ng mga patalastas sa telebisyon ay lumalaki na ng husto ang gastos para sa pangangampanya. Sa madaling salita tanging mga mayayamang kandidato lamang ang nagkakaroon ng sapat na kakayahan para tumakbo, mangampanya at manalo sa puwesto.

10. Ano ba ang patakaran ng Comelec hinggil sa paglabas ng mga kandidato sa midya? Nasusunod ba ito?
Pinahihintulutan ng Comelec ang paglabas-labas ng mga pulitiko sa midya ngunit hindi pa umano sila maaaring mangampanya hanggang sa Pebrero 10, 2004.
Gayumpaman, kapansin-pansin na ang paglipana ng mga patalastas sa telebisyon at mga poster ng mga pulitiko. Nitong nagdaang Pasko, tatlong magkakasunod na beses kada labas sa telebisyon ang Pamaskong pagbati ni Senator Jaworski. Nariyan din ang Pamaskong pagbati ni VRB Chairman Bong Revilla, at siyempre pa ni Pangulong GMA. Bukod sa mga ito ay ang mga patalastas ni DTI Secretary Mar Roxas na kilala rin bilang "Mr. Palengke, at ang patalastas ni Senator Johnny Osmena na nagpapakita ng isa sa mga ambag nito sa lipunan. Bukod ditto ay ang mga poster na lumabas noong panahon ng pagpapa-rehistro at pagpapa-validate. Si John Defensor, halimbawa, ay may poster na kakikitaan ng kanyang larawan at malalaking letrang VOTE at JOHN DEFENSOR at sa pagitan ng mga ito ay ang mensaheng naghihikayat sa mamamayan na magparehistro, na nakasulat sa maliliit na letra. Kung ang pahayag ng Comelec ang pagbabatayan, hindi lumalabag ang mga pulitikong ito sa patakaran dahil hindi naman nila sinasabing iboto sila (ng direkta). Ngunit, kitang-kita naman ang intensyon.

11. Paano ba natin dapat tingnan ang midya lalo na ngayong panahon ng eleksyon?
Ugaliin nating tutukan ang mga balita at mga programang may kabuluhan lalo na ngayong nalalapit na ang halala. Maaaring bawas-bawasan na muna natin ang panonood sa ating mga paboritong telenovela at mga programang pawing pang-aliw lamang at sa halip ay pagtuunang pansin ang mga programang nagdadala ng mga kasalukuyang isyu ng lipunan. Maging kritikal tayo. Huwag tayong basta-basta maniwala sa lahat ng ipinapakita ng midya at ng mga pulitikong nakikita natin sa mga ito. Dapat din na maging bukas tayo sa iba't ibang pananaw nang sa gayon ay mas marami tayong makuhang ideya at mapaghambing-hambing natin ang mga ito.
Magpahayag din tayo ng ating mga opinion. Bukas naman ang midya sa opinyon ng mga tao. Makilahok tayo sa mga ito, magpahayag at magtanung-tanong na rin tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa atin.

12. Paano ba natin dapat tingnan ang mga pulitikong nakikita natin sa midya?
Palagi nating tatandaan na hindi lahat ng nakikita natin sa telebisyon, radio at iba pa ay totoo. Hindi dahil tagapagtanggol ng masa ang papel ni Erap (o ni FPJ) sa pelikula ay ganoon na rin siya sa totoong buhay. Huwag tayong msayadong padadala sa mga napapanood, nababasa, at naririnig natin. Maglaan tayo ng panahon sa pagkalap ng impormasyon.


Mga Pinagkunan ng Datos:
Baraquiel, Rosilyn at Lyn Angelica Pano (2003) For Sale: Pulitiko. Undergraduate thesis proposal. College of Mass Communication, University of the Philippines, Diliman.
Coronel, Sheila (2003) Who wants to be a President? The Investigative Reporting Magazine. Volume 9 Number 4, Oct-Dec 2003. Coronel, Sheila. From Loren to Marimar.
Umali, Violeda, et al (2001) Towards a Discourse on Political Communication: The Case of the 2001 Philippine National Election. College of Mass Communication, University of the Philippines, Diliman.
_____ (2003) Buying the Media. The Investigative Reporting Magazine. Volume 9 Number 4, Oct-Dec 2003.
_____ (2003) news report. TV Patrol. Dec 24, 2003 Lopez, Antonio, et al (1998) Politics among the Stars.
http://members.tripod.com/~chapelnet_2/asiaweek2.html retrieved: Jan 12, 2004
_______ (2000) Electoral Campaign. http://www.aceproject.org/main/english/ei/eie09.htm




Copyright © 2004 PLAD
University of the Philippines Diliman
[email protected]

Hosted by www.Geocities.ws

1 1