Nasaan ka nu'ng mga araw na yun?
Abala ako nu'n sa pag-craypas ng World History notebook ko. Maselan kasi ako sa notebook noong third year high school; drawing ako nang drawing, tapos pinag-aralan ko pa mag-blending ng craypas (hindi naman ako naglalagay ng mga tahong atbp). Pina-donate (in-arbor) ng teacher ko yung notebook. Ayaw ko sana ibigay, pero parang required yung pag-"donate".
Pero hindi yun ang kuwento ko.
Tinawagan ako ng kaklase ko nu'ng gabing iyon. Buksan ko raw yung TV.
Paano mo malalaman na kasaysayan ang sinusulat sa mismong harapan ng mga mata mo? Kahit World History ang sinusulat ko 'nun, nasagot ko lang ito nu'ng gabing iyon:
Titindig ang balahibo mo.
Napanood ko nang sumalpok yung ikalawang eroplano.
Kakabukas ko pa lang ng TV, kaya parang inaalimpungatan pa 'ko: Ano 'yun?! Bakit? Ano meron? Napanganga na lang ako.
..........
..................
..........................
Ano ang maiisip mo kung alam mong mamamatay ka na sa loob ng ilang minuto?
Ano ang nasa isip ng mga pasahero? ng hijacker? Yung mga bigla na lang nahagip, natabanunan at namatay? Anim na taon o dantaon man ang dumaan, walang makakaalam.
Nasaan ka nu'ng mga araw na yun?
September 12, 2007 | 4:35am | Log 198 |

Mamaya isusulat ang kasaysayan natin.
Titindig kaya ang balahibo mo?
September 12, 2007 | 6:17am | Log 199 |

Maraming Panaginip. Maraming Pangarap...
...na baguhin ang Ngayon.
Pulitika. Sistema. Musika. Pananamit. Uso. Atbp. Ako gusto kong baguhin ang kamalayan ng susunod na dekada.
Ngunit ang Ngayon ay mga pangarap at panaginip din Noon. Kapag ang ating mga pangarap at panaginip ay naging Ngayon, maghanda at huwag maging madamot. Makisabay sa ikot. Dahil ang Kinabukasan, mangangarap at mananaginip din.
Dapat nanganganak ng mas maraming pangarap at panaginip. Kapag nagiging baog ito, tiyaka nagkakaroon ng diktaturya.
Sabayan natin si Raimund Marasigan sa pag-awit ng Betamax:
ipagpatuloy ang daloy ng alon...
September 13, 2007 | 6:16am | Log 200 |
|