|
Sabi mo,
tatatlo lang ang dapat bigyang pansin ng mga nakaupo.
pagkain (dahil may ngayon)
edukasyon (dahil may bukas)
kasaysayan (dahil hindi tayo mga singaw sa lupa)
Nga lang, pa'no magbibigay-pansin kung lahat ng nakaupo nagpapansin?
Wala lang. Wala lang naman sa'tin.
Salamat sa textbook, alam pa rin natin kung sa'n tayo nanggaling. May kasaysayan tayo. Alam nating si Lapu-lapu pumatay kay Magellan. Atbp. Yun lang.
Kaya ulit lang nang ulit lang nang ulit lang nang ulit lang nang ulit lang nang ulit lahat...
Pero nag-iwan ka ng bintana.
Sa mga gustong sumilip pabalik at dumungaw pausad.
Magka-edad kami ng kolum mo. Bente anyos.
Napaisip ka na ba na marami na kaming mga naglalakad na There's the Rub?
September 3, 2007 | 11:41am | Log 195 |
Kakatapos ko lang ng By the River Piedra I Sat Down and Cried. Pinagandang puppy love.
Pero nung pinaganda ni Paolo Coelho, maganda talaga.
Hindi lang puppy love ang nawawala sa 'tin kasabay ng kamusmusan. Marami pang iba na 'di natin mabibilang. Pa'no ko nasabi? Mas madali kasi lahat noon. Laro lang.
Ngayon, pag gusto mo ang isang bagay, paghihirapan mo na talaga.
Dati nu'ng elem ako, laging may bagong nangyayari araw-araw. Agawan-base. Bangsak. Langit, Lupa. Atbp. Ngayon, kung hindi ko pa hahanapan ng saysay bawat araw, hindi ko mapapansin kung pare-pareho na lang pala nangyayari.
Ganun kadali magsayang ng oras.
Sabi nga ng Tambalang Balahura't Balasubas: sayang naman!. Maraming pangarap. Maraming gustong makita. Maraming bago. Minsan nasa kilay lang na sinusunog (o inaahit) natin kaya di natin makita. Minsan tamad lang tayo mag-hanap. Duy, sinusuyod 'yan parang kuto.
'Wag kang magreklamo kung walang nangyayari sa buhay mo. Nasa sa 'yo iyan. Buti pa tayo may panahon.
Isipin mo si Cris Mendez. Ipagdasal natin na manaig ang katarungan.
September 6, 2007 | 6:54am | Log 196 |
Minsan kahit bawal, masarap talagang gawin.

Hindi ako nagbabayad sa bus.
Minsan kasi hindi ako sinisingil ng konduktor.
Baka kasi madaling malimutan mukha ko. Ibig sabihin hindi ako puwede mag-artista.
O kaya naman baka magaling ako umarte! Tulug-tulugan. Diretsong tingin.
(Pwede pa mag-artista!)
Tapos kapag sinisingil naman ako, lagi kong sinasabi na estudyante ako.
Susuot ko lang yung salamin ko tapos yayakapin ko yung malaki kong backpack. Lusot na.
September 9, 2007 | 6:54am | Log 197 |
|