Home | Links | Contact Us  

 
 Home
 Introduction
 Different Denominations
 True Church
 Question and Answer
 Articles
 Links
 Guestbook
 Contact Us
 
 
 
  Mga Tanong Ukol sa Sabbath
ni Amiel de Guia
 
     
 

1. Mayroon bang ipinag-uutos ang Dios ukol sa pangingilin ng Sabbath sa aklat ng Genesis?

Sagot: Kung tayo ay naghahanap ng letra por letra na talata na naguutos na ipangilin ang Sabbath, ang sagot ay wala tayong mababasa, ngunit ang prinsipyo nito ay umiiral. Gaya ng pagpatay, bagamat walang nabanggit na utos na "Huwag kang papatay" ang prinsipyo nito ay umiiral na, ito'y ipinakilala sa panahong pinatay ni Cain si Abel. Ayon sa Genesis 2:2-3, "At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang Kanyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa na Kanyang ginawa. At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at Kaniyang ipinangilin, sapagka't Kanyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang Kaniyang nilikha at ginawa.", makikita natin kung paanong binigyan kahalagahan ng Dios ang ikapitong araw, kaya't nararapat lamang na pahalagahan din ito ng tao sapagakat ang Sabbath ay ginawa para sa tao, Marcos 2:27. Katulad ni Abraham, sinunod niya ang utos ng Dios, Genesis 26:5.

2. Hindi ba ang Sabbath ay sa mga taga-Israel lamang?

Sagot: Hindi lang ang sabbath kundi maging ang pagkukupkop, kaluwalhatian, tipan, kautusan, paglilingkod sa Dios, pangako at si Cristo, sang-ayon sa Roma 9:4-5 - "Na pawang mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios at ang mga kapangakuan; Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailan man..." Kaya't kung sasabihin natin na ang sabbath ay sa Israel lamang, dapat din nating sabihin na ang pangako, paglilingkod sa Dios o si Cristo ay sa Israel din lamang. Bakit kukuhanin natin ang iba samantalang ang isa'y ating inaayawan? Sang-ayon sa Gawa 7:38 - "Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang; na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin.", ang iglesia pala na nasa ilang o ang Israelita ay ang talagang nagsitanggap ng mga aral na buhay, at ito'y dapat nating tanggapin sapagkat ang layunin ay upang ibigay sa atin. Bilang karagdagan, basahin ang "Tunay na Bayang Israel ng Diyos".

3. Sang-ayon sa Deuteronomio 5:15, hindi ba kaya ipinag-utos na ipangilin ang Sabbath sapagka't ang bayang Israel ay naalipin sa Egipto kaya't ang Sabbath ay tanda ng pagkaalipin?

Sagot: Ating basahin ang Deuteronomio 5:15, "At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios... na ipangilin mo araw ng Sabbath.". Mapapansin natin sa talatang nabanggit na sinimulang ipinag-utos ng Dios ang Sabbath nang ang bayang Israel ay pinalaya ng Dios mula sa pagkaalipin sa lupain ng Egipto. Kaya't ang Sabbath ay hindi tanda ng pagkaalipin sapagka't ito'y iniutos nang sila ay malaya at nailigtas na ng Dios sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang kamay. Kaya't kung pakaiisipin, nasa pagkaalipin pa ngang masasabi ang mga hindi nagpapahalaga sa araw ng Sabbath upang ipangilin ito sapagka't lumalabas na hindi nila kinikilala ang pagliligtas na ginawa ng Dios sa bayang Israel na doon tayo ay isinanib sang-ayon sa Roma 11:16-17.

4. Hindi ba pinaglikat na ng Dios ang araw ng Sabbath sang-ayon sa Oseas 2:11, kaya't ito'y hindi na dapat alalahanin pa?

Sagot: Kung ating papansinin ang talata ng Oseas 2:11, hindi lang sabbath ang papaglikatin dito kundi maging mga pagpupulong. Kaya't kung sasabihin natin na pinaglikat na ang araw ng Sabbath maging sa panahon natin ngayon, dapat din sana nating sabihin na huwag na rin tayong magpulong. Bakit ba ganito ang isinasaad ng talata? Sa aklat na ito ni Oseas, ito ay kasaysayan niya at ng kanyang asawa na kumakatawan sa ugnayan ng Dios at ng bayang Israel. Sang-ayon sa Oseas 2:1-2, nagkasala ang bayan ng pagpapatutot at pangangalunya kagaya ni Gomer na asawa ni Oseas. Dahilan sa mga kasalanang nagawa, aalisin ng Dios maging ang mga pagpapala sa kanya, Oseas 2:8-9. Pagkamatay ni Oseas, ginamit naman ng Panginoon si Isaias. Ayon sa Isaias 56:6, ang mga lingkod ng Panginoon ay nagpapahalaga sa araw ng Sabbath. Sila ay ituturing na mapalad ayon sa Isaias 56:2.

 
     
 
 

Q & A

 

 
Sabbath

Sampung Utos

Pagkain

Jesu-Cristo
Kalagayan ng Patay
More Q & A...
   

Copyright (c) 2003 Navotas SDA Church

Hosted by www.Geocities.ws

1