hindi ko gawain ang
maglinis
ng kuwarto.
kay raming sagradong
bagay ang
dito'y nakatago.
mga natunaw na kandila
ng mga
lumipas na JS.
mga samu't saring laso
na minsa'y
nagbungkos ng mga
espesyal
na regalo
tambak na ang mga sulat
na paulit-ulit nang
binasa
hanggang sa makilala ng
utak
ang nilalaman at
tumigil
ang puso sa pagtangis.
may mga palumpon ng
tiket sa bus
noong unang taon ko sa
kolehiyo
noong wala pang ngipin
para sa akin ang mundo.
may mga pinatag na
origaming rosas
mula sa isang dating
mangingibig.
pinagtampuhan ng bango
ang pula't puting talulot
mula sa lumang pabalat ng
Marlboro
mahal kasi ang tunay
may mga pirapirasong tula
na naghahanap ng kapisan
at kahulugan.
isa o dalawang talinhagang
tatapos sa kanyang
diwa.
may mga litratong
habangbuhay na
nakangisi sa mga
dahilang marahil ay
wala nang iba kundi ako
ang nakakaalala.
may mga palumpon ng di
matapos-tapos na mga
plano,
mga pahina ng musika,
napigtal na kuwerdas ng
gitara.
mga laruang napaglumaan
pero
di parin
napagkatandaan.
sagradong mga basurang
walang paglagyan.
kay hirap pagtagumpayan
ng pamamaalam.
|