sariwa pa ang unang
halik na pinagsaluhan
sa unang gabi.
mahigpit pa ang unang
yapos
na buhos ng unang init.
sabay na binuo ang mga
pangarap
na balang araw ay
magkatuwang
na tutuparin.

tiningnan mo siya't
sinabi sa sariling
"siya na nga"
sinabi mo iyon ng
walang pag-aalinlangan,
noong buo pa ang mga
pangarap sa isip mo.
pinipikit mo pa ang
iyong mga mata
sa tuwing hahalikan ka niya.

ipupulupot mo ang iyong
braso
sa leeg niya't
bubulungan siya ng
kung anu-anong mga
pangako.

pero habang lumilipas
ang panahon,
at nauubos na ang mga
buwan sa kalendaryo,
nang isang libo't isang
halik na ang
inyong pinagsaluhan.
nang lahat na ng sulok
ng mundo
ay narating na ng
inyong mga pangarap,
inisip mong ganoon
na lang siguro ang mga iyon...
pangarap habambuhay

pumipiglas ka na sa
kanyang
mga yapos
dilat na ang mga mata
tuwing siya'y hahalik.
hirap ka nang tumawa sa
kanyang
mga biro,
hindi na nagtuturma ang
inyong
mga halakhak.
tinignan mo siya uli at
sinabi
sa iyong sarili,
"hindi ko siya kilala"
tinignan mo siya at
wala na ang dating
pagbilis ng pintig,
pamamawis ng palad,
pagsingit ng ngiti sa
labi.

tinignan mo siya at
nakita mong
wala pala siyang
pinagkaiba
sa lahat ng lalaking
iyong nakilala.
at hindi mo siya
mapatawad dahil
walang espesyal sa
kanya.
hindi ang kanyang mga
halik,
hindi ang kanyang mga
yapos,
hindi ang kanyang di
maubos-ubos
na mga pangarap.
tinignan mo siya ulit
at sinabi mo
sa sariling
"isa lamang siyang lalaki."


[BACK]

 

Hosted by www.Geocities.ws

1