BENJICATED

It's a crime to be me.


tahanan

in english, home.

 

ang aking kwaderno

everyone's entitled to my opinion.

 

mga paborito

all-time faves ko, pare.

 

litrato

by popular demand...

 

kalokohan

also by popular demand.

 

simposyonistas

kilalanin ang mga maglalasing at master debaters sa kanto.

 

atbp. . .

ewan kung anong nandito.

 

SERBESA LANG ANG KAILANGAN

      At heto ako ngayon, umiinom ng red horse mag-isa at nakatago sa aking lungga, ngumunguya ng Ding Dong na pampulutan, at namamanhid na sa pagsusulat.  Tulog na ang mga kasama ko, windang na sa dami ng boteng na-inom namin. Pero ako hindi pa...masyadong malalim 'tong kalokohan sa dibdib ko para ma-windang ako. Hindi ko alam kung paano matatapos ang lahat, pero maliwanag pa rin sa akin kung paano nagsimula ito.

            Mga ilang taon na rin ang nakalipas ng nakilala ko si Pokwang.  Noong una ay parang wala lang sa akin na nakilala ko siya.  Hindi ko alam kung bakit, pero hindi ako naakit sa kanya, kahit sinasabi pa ng mga katropa ko na siya na ata ang pinakamaganda babae sa klase namin.  At totoo nga: maputi at makinis ang balat, sobrang napakaganda ng pangangatawan, pwedeng pangmodel, at ngayo’y running for honors pa.  Pero ewan ko talaga, para sa akin, hindi siya naiiba.

            Lumipas ang panahon at nakilala ko siya ng masinsinan.  Sino ba naman ang mag-aakala na may pagka-"kalog" -ika nga- ang babaeng akala ko noong una ay sobrang elegante at sopistikada at elitista.  Hindi pala.  Oo, ganoon nga siya –elegante, sopistikada, elitista- ngunit may pagkaprangka rin.  Biruin mo ba naman, mababaw din pala ang kaligayahan niya at malimit pa nga’y mas “corny” pa ang mga jokes niya kaysa sa 'kin.  Hindi niya kinakalimutang ngitian ang mga simpleng bagay, at para ba laging napakaswerte ng mundo na nakikita nito ang kagandahan ng kanyang ngiti.  Doon ko nakita ang buong siya, ang doon ko nakitang maganda nga siya.  

            At marahil hindi niya alam na maswerte nga ang mundo na nakikita nito ang kanyang ngiti sa bawat araw na ginawa ng Diyos.  Sabihin na lang nating nagiging mas makulay ang buhay tuwing ngingiti siya, o sa tuwing hihirit siya ng mga corny niyang jokes.  Hindi ko namalayan, pero nahuhulog na pala ako sa kanya.

            Dumating ang mga gabi.  Wala akong tulog.  Sa sobrang kaiisip sa kanya ngayo’y naprapraning na 'ko.  Kung pipikit man ako, letrato niya ang lalabas sa aking isipan, kung mumulat ako, ma-mimiss ko siya at iisipin pa rin.  Walastik, walang patawad!  Walang kawala! Hindi ko naman siya nagustuhan dati, pero bakit ngayo’y ganito ako?  Ewan ko, siguro dahil dati iniisip ko na sa sobrang ganda niya, hindi kailanman magkakaroon ng pag-asa ang isang katulad ko sa kanya.

            Pero iba ngayon.  Ngayon napapatawa ko siya, napapalabas ko ang ngiting nagkukumpirma na maswerte ang mundo. Ngayon siya ang unang lumalapit kung gusto niyang makipag-usap.  Ngayon ako ang tinatakbuhan niya kung kailangan niya ng masasandalan.  Ngayon siya ang tumatawag sa akin sa telepono. Ngayon sa akin siya humihingi ng tulong sa mga assignments niya sa school, kahit alam naman namin lahat mas magaling siya sa akin sa lahat ng subjects. Ngayon siya pa ang nanlilibre sa akin ‘pag tanghalian, o ‘pag minsan pa nga’y hapunan.  Pampalipas oras lang daw.  Pero bakit ako pa ang iniimbitahan niya, di ba?  Marami namang siyang babaeng kaibigan.  Ano kaya ang ibig sabihin ng mga ito? Anak-ng-alien naman oh! Ni hindi ko alam kung hinuhukay ko na libingan ko o inaabot ko ang langit.

            Naguguluhan na talaga ako.  Hindi ko alam ang nararamdaman ko para sa kanya, at siguradong naguguluhan din ako sa nararamdaman niya para sa akin.  O baka naman natatakot lang ako? O kaya naman eh pinapalobo ko lang ulo ko? 'Di kaya? Ewan ko.  Hindi ko na alam ang gagawin ko. 

            Kaya heto ako ngayon, umiinom ng red horse mag-isa at nakatago sa aking lungga, ngumunguya ng Ding Dong na pampulutan, at namamanhid na sa pagsusulat.  Tulog na ang mga kasama ko, windang na sa dami ng boteng na-inom namin, pero gaya nga ng sinabi ako, ako hindi pa. Ibang pagkawindang ang nasasaakin ngayon.

Hindi ko alam kung paano matatapos ang lahat, pero maliwanag pa rin sa akin kung paano nagsimula ito.

May comment ka tungkol sa artikulo? Ano 'yon:

Paano kita mareresbakan kung saka-sakali?:

Name
E-mail
Sobrang na-elibs ako, paaarre!

setstats 1
Hosted by www.Geocities.ws

1