|
LUHA
ni: kuei
Daloy...
aking mga luha
nang ang mga pasakit ko ay maibsan
At sa iyong pag-agos,
nawa'y mabura din
ang madilim kong nakaraan.
Ang kinalakhan kong tirahan
ay apat na sulok ng kariton:
mabaho, masikip, nanlilimahid.
Bagama't sa edukasyon ay
di ako lumaking salat...
mula sa mga masalimuot na kalye
kung saan sikmura ang sinusunod
at pera ang siyang Diyos.
Ang pangarap kong kinabukasan,
ay hinahabi sa bawat gabing nagdaraan
tila kandilang kukurapkurap
na tuluyang maglalaho,
sa isang ihip lang ng hangin.
Kaya daloy aking mga luha,
kayong mga perlas na saksi
sa susun-susong hirap at dusa,
makisabay na lamang sa pag-agos ng ulan.
Pagkat tila pati langit
ay nakikihikbi,
umiiyak din,
para sa aming mga sawi.
|