BSB,
MULING NAGBUKAS NG PINTO
NG
KAALAMAN
Kasabay
ng muling paglulunsad ng Bahay Saliksikan ng Bulakan (BSB) ay
ang pagbubukas din nito sa pinto ng kaalaman. Ito ay inaasahang
maghahatid ng ibayong tagumpay at kalinangan sa larangang pangkasaysayan
at pangkultura ng mga mamamayang Bulakeno. Kaakibat nito ay ang
pagdaraos ng mga panayam/seminar na makatutulong sa pagkikintal
ng mga butil ng kaalaman sa mga guro at mag-aaral na.
At bilang pagpapatotoo sa maalab na pagnanais ng BSB, sa pangunguna
ni Prof. Ray S. Naguit, sinimulan nito ang unang hakbang sa pamamagitan
ng pagdaraos ng dalawang araw na panayam tungkol sa Historiograpiya
na ginanap noong ika-4 at ika-5 ng Pebrero, 2003 sa mismong tanggapan
nito. Ang nasabing panayam ay nilahukan ng mga piling guro ng
Kolehiyo ng Sining at Agham (College of Arts and Sciences) at
ilang mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon (College of Education).
Naging posible ang nasabing proyekto sa pakikipagtulungan nina
Dr. Jaime Veneracion, punong tagapagsalita, at Prof. Benjamin
Mangubat, katulong na tagapagsalita, kapwa batikang guro sa larangang
pangkasaysayan ng Pamantasan ng Pilipinas (University of the Philippines).
Layunin ng panayam na muling buhayin sa puso ng mga mag-aaral
ang diwang makabayan sa pamamagitan ng pagtatagni-tabni ng pira-pirasong
butil ng kasaysayan, upang sa gayo'y sumambulat mula sa nakahandusay
na katotohanang ito ang kaniyang kahalagahan at gintong aral na
tila unti-unti nang nilalamon ng lumipas na panahon. Higit sa
lahat ay ang mapataas at malinang ang kamalayang pangkasaysayan
at pangkultura sa ating lalawigan na siyang maghahatid sa atin
sa landas tungo sa isang bagong bukas.
Bilang panimula
ng panayam ay namahagi si Dr. Veneracion sa mga tagapakinig ng
kopya ng "Dekalogo ng mga Historyador" na naglalaman
ng mga mahahalagang gawi na dapat maisabuhay ng isang taong nagnanais
na maging isang mananalaysay. Sa patuloy na pagtakbo ng talakayan
ay nahipo at nabig-yang pansin ang mga sumusunod; una, ang kaibahan
ng paradigmang ginamit ng mga Europeo kumpara sa mga Pilipino
sa paglalatag ng mga ulat pangkasaysayan, ikalawa, ang paggamit
ng piryodisasyon sa paghahati-hati ng mga bahagi ng nakalipas.
Nilinaw ni Fernand Braudel ang gamit at halaga ng "structure'
at "conjuncture" sa pagtataya ng nakaraan, ikatlo, ilang
punto de bista ang ipinakilala sa makabagong paraan ng pag-aaral
ng kasaysayan kasama na ang metodo ng "pantayong pananaw,"
ikaapat, may mga metodolohiya na tinalakay sa pagtitipon ng butil
ng kasaysayan tulad ng etnograpiya o ang pag-aaral ng nakalipas
sa pamamagitan ng pagtatanong sa tao, at etnohistorya o ang pag-aaral
ng nakalipas sa pamamagitan ng pagsusuri ng dokumento, bilang
kapalit ng metodong "historicismo." Sa historicismo,
ang lahat ay nababatay sa mga dokumentong nakalap na nagbibigay
diumano ng obhektibong pananaw, ikalima, ay ang etika na nagbigay
diin sa mga kaasalang dapat taglayin ng isang historyador para
sa isang matapat na paghahatid ng mga dahon ng nakalipas at sa
gayo'y maiwasan ang mga di-kanais-nais na kalagayan tulad ng kasong
"plagiarism". Sa plagiarism minamaniobra ng isang manunulat
ang isang kaisipang mula sa isang orihinal na akda ng kanyang
kapwa manunulat.
Ito ay ilan lamang sa mga bagay na pinaksa sa panayam na nagbukas
ng bagong kaisipan sa mga guro at mag-aaral sa pagsulat sa larangan
ng kasaysayan.
Winakasan ang nasabing panayam ng isang mapanghamong patimpalak
sa pagsusulat ng kasaysayan mula sa mga kuwento ng mga beterano
ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa ilalim ng pamagat na "Ang
Lolo Kong Beterano". Ito ang magsisilbing kaganapan ng dalawang
araw na pagpupunyagi at pakikipagsagupaan sa batis ng kaalaman.
-sinulat
ni Bobby G. Lopez-
|