|
ANG TOTOO
Kung akala mo ako'y ayos na,
Matapos malayo sa iyong pagsinta,
Tila ako'y wala nang pakialam,
Kung ikaw ma'y nagpaalam.
Ngunit kung alam mo lamang
Ika'y tunay kong mahal.
Na lagi akong mangungulila
Pagkat' ikaw ang tangi kong nais.
Alam kong siya ang iyong gusto.
Sabi ko'y "Sana lumigaya kayo,"
Subalit iyo'y di totoo
Pagkat' pagsinta mo sa kanya'y
dumudurog saking puso.
Ang totoo ako'y lumuluha.
Nangungulila sa iyong kalinga.
Ako'y tunay na nasasaktan.
Iyon ang totoo aking mahal.
ni Colleen Isa Camagong
IDLIP
Bakit ba naman
sumapit na ang gabi
ang talukap ay di man lang
nag-abalang magsara
at hayaang dumilim ang paningin
at ang isip ay magpahinga?
Hindi kaya dahil
binabagabag ako ng iyong imahen
na pilit lumalapit sa akin
ngunit akin namang nilalayuan?
Dili kasi'y hindi
pinahintulutan ng panahon
na ang ating mga yabag
ay magdugtong
at ang pintig ng dibdib ay mapag-isa
kaya hayaan mo na akong
iduyan ng aking tagong kamalayan
habang tahimik kong dinarama
ang damping halik ng hangin
hayaan mong ang multo ng iyong pagkatao
ay lumutang
at lumipad papalayo sa langit
nang sa gayo'y ako'y
humiga na't iunan na ang
ulap na aking inaasam
na hagkan at ako'y mahimbing
na't
maidlip
nang
malaya.
ni Arianne Angela Solis
MASAYANG MUNDO
Ako ay isang Pilipino
Si Johnny ay Amerikano
Si O Sei San ay Hapon
At si Mary Wong ay Intsik
Ikaw at ako, sila at tayo
Lahat ay magkakapatid, hindi ba't totoo?
Iisang pamilyang maituturing,
Upang matupad pagkakaisang hinihiling.
Huwag sanang hayaan diskriminasyo'y manaig;
Sa tukso ng labanan ay huwag padadaig.
Hindi natin kakayaning wala ang isa,
Pagkat di mabubuo ang pagkakaisa.
O kay sayang mundo nito
Kung mamumuhay ng payapa't walang gulo
Isang malaking pamilya lahat tayo,
Nagkakaisang nasyon halina't mag-ibayo!
ni Colleen Isa Camagong
|