ISA'T KALAHATING BALIW

Ako'y umaawit, kasabay ng langit;
lumuluha, ngumingiti, hindi nangangawit;
Lumilinga, sa paligid nagmamasid;
Animo'y ang isipan sa karagata'y sumisisid.

Maya-maya'y nagtutumakbo;
parang may humahabol na kung sino.
Hindi alam kung ano ang gagawin;
Pakiramdam ko'y iniwan akong nakabitin.

Parang may halimaw sa likod ko;
Hay! Pakiramdam ko lang siguro.
Pero bakit ganito, ako'y nanlalambot,
para bagang natutunaw sa takot.

Ilang sandali pa'y tumawa ng malakas,
nag-iwan sa murang isip ng bakas,
bakas na kasamang lumubog ng kasiyahan,
ngunit kasabay namang sisikat ng kinabukasan.

Anong nangyari, ako ba'y nababaliw,
Oo yata, kailangan ko sigurong mag-aliw,
Puso kong puno ng sakit ay nananabik,
Sana bukas, saya ko'y manumbalik.

ni Kayleen Senica


Hosted by www.Geocities.ws

1