logo Rock Opera Company - University of Asia and the Pacific
|| Home | Kwento ng ROC | Achievements | Officers | Members | Activities | Gallery ||


Kwento ng ROC

(1989 - )



Inatasan ni Ms. Ruiz ang kanyang klase sa Filipino na maghanda ng isang pagtatanghal para sa parating na Dean's Day. Matapos ng maraming turu-turuan, madunong pagpipilit na pagboboluntaryo, napagkasunduan ng klaseng magpalabas ng isang dula.

Ikalawa ng Oktubre. Dumating ang Dean's day at nairaos ng grupo ang masasabing isang makasaysayang pagtatanghal ng "Paglilitis ni Mang Serapio", ang kauna-unahang dulang itinanghal sa pamatasan. Hindi namin ito matatawag na isang kagila-gilalas na pagtatanghal ngunit lingid sa kaalaman namin noon na labis pala itong nagustuhan ng mga nanood. Hindi namin malilimutan ang dalawang dalagang napaiyak ng dula. Noong gabing iyon, napag-usapan namin ang bagong tuklas naming mga talento. At sa pag-uusap namin, napagkasunduan naming gusto pa naming gumawa ng marami pang mga dula. Masaya pala. Naipahayag namin ang aming maga sarili sa ibang paraan. Pero siguro, nagustuhan rin namin iyon dahil pare-pareho kaming KSP. At noon isinilang ang Rock Opera Company.

Ang unang supling naming pagsasama ay ang "Di Mo Masilip Ang Langit". Walang ticket pero nagpaikot kami ng "pang love-offering". At ang kinita naming tumataginting na P400 ay ibinigay namin sa Applied Language Program ng unibersidad.

Taong 1991, nagtanghal kami ng isang trilogy. "Three Rats," "Cadaver," at isang pag-uulit ng "Paglilitis..." Naging madugo ang susunod pang mga taon. Sa kabila nito, naipalabas pa rin namin ang ibang mga dula. "Pamamanhikan" at "May Katwiran ang Katwiran." Mabuti na lamang at may tiwala pa sa amin ang Filipino Department at hinilingan pa kaming magtanghal para sa Linggo Ng Wika.

Noong 1995, nagsimula ang sunod-sunod na matagumpat naming mga proyekto. May mga karoling, food sale, singing telegram, at higit sa lahat, nakapag-bonding kami. Malaki ang naitulong nito sa ROC kaya pagdating ng 1996, naitanghal ng ROC ang "Moses, Moses."

At noong Hunyo ng 1996, pinalad kaming pagbigyang itanghal ang kauna-unahang University Play na "Masdan Ang Inong Ina," sa pakikipagtulungan sa mga PAREF schools. Ginantimpalaan ng pamantasan ang ROC ng Best Organization para sa aming mahusay na pamamalakad at mga proyekto sa taong ding ito.

Mula 1997, nagkaroon ng panibagong kabanata sa buhay ng ROC. Sinimulan namin ang paglalabas ng mga orihinal na dulang isinulat namin. At noong Agosto 1997, ipinalabas ang isa sa mga unang full-length drama ng ROC na isinulat ni Jourdan Sebastian: "Lumipad at Dumapo sa Dahon ng Kalachuchi."

Noong Marso ng 1998, itinanghal ang unang Rock Opera Company Playfest sa Roofdeck ng aming pamantasan. Itinampod rito ang apat na orihinal na obra na "Ang Pasyon ng Kutsara't Tinidor " ni Third Domingo, "Delubyo" ni Rhed Sandico, "Nina" ni Omar Dapul at "Ang Trono" ni Christian Vallez. Kasunod nito, at bilang kontribusyon sa pagdiriwang ng Shakespeare Week sa pamantasan, itinanghal namin ang "Recycle Shakespeare" na kalipunan ng tatlong dula: "Ikasampu't Kalahati at Labing-isa" ni Maan Cruz, "Postmortem" ni Christian Vallez, at isang koleksyon ng excerpts ng mga dula ni Shakespeare na pinili ni Kaye Gonzales.

Hindi pa diyan nagtatapos ang aming paglikha. Pagpasok ng taong 1999, sinubok ng ROC ang dimensiyon ng eksperimental na teatro sa pagpapalabas namin ng "Kontradisyon." Tampok rito ang dalawang dula na "Mga Masunuring Rebelde" ni Third Domingo at isang pag-uulit ng "Ang Trono." Ginanap and ikalawang ROC Playfest noong Marso na may pamagat na "Binyag." Kalahok dito ang mga dulang "Alamat" ni Lloyd Bugarin, "Pamagat" ni Rhed Sandico, at "Juan Ekis" ni Christian Vallez.

Noong 1999, sa ilalim na bagong moderator na si Chesie Galvez, lalo pang nag-ibayo ang ROC sa pagtataguyod ng mga musikal na Filipino nang itinanghal namin ang "May Katwiran ang Katwiran" na nilapatan ng musika ni Robert Evangelista. Sumunod dito ang pagtatanghal ng isa pang eksperimento: ang "Libingan Ng Mga Tula" na isinulat ni Christian Vallez at dinirehe ni Charles Foster. Nagtapos ang taon sa pagtatanghal ng ROC Playfest 2000 (Salamin) noong Marso, kung saan isinadula ang "Saan Papunta ang Paru-paro" ni Rogelio Sikat, "Paglilitis Ni Mang Serapio" ni Paul Dumol, at "La Puente" ng ilang manunulat mula sa Miriam High School.

Maganda ang pasok ng schoolyear 2000-2001. Nanalo ang ROC ng Best Org Booth noong Freshman Org Week at higit pa dito, madaming nahatak na recruits ang mga miyembro. Sa pagdating ng bagong talento, maipagpapatuloy namin ang ebolusyon ng ROC sa pagpasok ng mga mahahalagang pagbabagong at maghahanda ito sa aming pagtahak sa makabagong landas ng teatrong Filipino.

Taong 2002. Naging maganda rin ang taong ito. Nagwagi ang ROC ng "Most Improved Org" noong Unitas Day na ginanap sa CAS Garden. Tinanggap ni Jen Tan, pangulo taong panuruan 2002-2003, ang pagkilala. Inihandog ng ROC ang mga sumusunod na dula: "3 Rats" (sa direksyon ni Rod Alenton), "Shaw Blvd." (isinulat ni X Vallez, sa direksyon ni Martin dela Paz), at "Tiket" (isinulat ni Joem Antonio, sa direksyon ni Pao Pe�a).

Taong 2003. Binago ang pangalan ng ROC. Kilala na ito bilang DULAANG ROC. Binago ang pangalan ng organisasyon upang maging higit na akma ang pangalan nito sa kaniyang mga proyekto at adhikain. Ngayon, nais ng mga bumubuo ng Dulaang ROC na PALIPARIN na ang IBONG matagal nang lumalaki.




Back to top



Hosted by www.Geocities.ws

1