MGA ILANG DATING GAWAIN AT KAUGALIAN SA MAHAL NA ARAW
Sa loob ng Semana Santa, ang mga instrumento ng musika ay iniingatang huwag munang patunugin upang maging ganap ang katahimikan hanggang Pagkabuhay na Mag-uli.
Bilang kapalit, may mga pataraka (matraca) at palakpak na pinatutunog ng mga bata sa Huwebes Santo at Biyernes Santo at sila ay lumilibot sa bayan upang magbigay ng hudyat ng oras. Ang mga ito rin ang ginagamit sa simbahan sa oras ng Misa at sa prusisyon sapagka't ang mga kampana ay hindi pinatutunog mula sa Misa ng Huwebes Santo.
Ang Agonia ay ang paghihingalo ng ating Panginoon sa ibabaw ng krus. Mula ika-dalawa't kalahati hanggang ika-tatlo ng hapon ng Biyernes Santo ay marahang tinutugtog ang malaking kampana (bang) nang 33 ulit bilang pagsagisag sa 33 taong gulang ni Hesus nang Siya ay mamatay.
|
|