San Pedro Apostol

SAN PEDRO APOSTOL


Ang dating pangalan niya ay Simon, isang mangingisda na taga-Betsaida. Sila ng kanyang nakatatandang kapatid na si Andres ay tinawag ni Hesus upang gawing "mangingisda ng mga tao." (Mateo 4: 18-20, Marcos 1: 16-18, Lucas 5: 1-11)

Ibinigay sa kanya ni Hesus ang pangalang Pedro, ibig sabihin ay bato (Juan 1: 42), at sinabing sa ibabaw ng batong ito ay itatayo Niya ang Kanyang Simbahan (Mateo 16: 18).

Sa kanya ibinigay ni Hesus ang mga susi ng Kaharian ng Langit (Mateo 16: 19).

Siya ay laging kasama ni Hesus sa Kanyang mga lakad at nang minsang dalhin siya ni Hesus sa isang bundok (kasama sina Santiago at Juan) ay nasaksihan niya ang pagbabagong-anyo Nito (Mateo 17: 1-13, Marcos 9: 2-13, Lucas 9: 28-36, 2 Pedro 1: 16-18).

Nang dumating ang mga darakip kay Hesus sa halamanan ng Getsemani ay tinagpas niya ang kanang tainga ni Malco, ang alipin ng punong saserdote (Mateo 26: 51, Marcos 14: 47, Lucas 22: 50, Juan 18:10).

Nangyari rin ang sinabi ni Hesus na Siya ay itatatuwa ni Pedro nang makaitlo bago tumilaok ang manok. Ito ay kanyang pinanangisan (Mateo 26: 69-74, Marcos 14: 66-72, Lucas 22: 56-62, Juan 18: 17, 25-27).

Nakasalo niyang kumain si Hesus nang Ito ay mabuhay na mag-uli at itinagubilin Nito sa kanya nang tatlong beses na alagaan ang Kanyang mga matatanda at batang tupa (Juan 21: 15-17).

Sa araw ng Pentecostes, ipinagkaloob kay Pedro Apostol ang mga katangiang kailangan sa pamumuno ng simbahan: kapangyarihan, katalinuhan, tapang at pag-ibig. Dinala niya ang Ebanghelyo sa Asya Minor.

Nang taong 42 A.D., itinayo niya ang Seda (Luklukan ng Kapangyarihan) sa Roma at dito nanatili ang mga sumunod na kahalili niya.

Nang panahon ng pag-uusig sa mga Kristiyano, si Pedro ay nasalubong ni Hesus nang siya ay palabas sa Roma at Kanyang sinabi, "Quo vadis?" Nagbalik si Pedro sa Roma kung saan siya ipinako sa krus nang patiwarik nang taong 67 A.D., ika-29 ng Hunyo, kasabay ni San Pablo na pinutulan ng ulo.

Si San Pedro ang santong patron ng Pakil.


Hosted by www.Geocities.ws

1