SANTA SALOME
Si Salome ay isa sa mga babaeng kasama nina Maria Magdalena, Juana at Mariang ina nina Santiago at Jose na mula pa sa Galilea ay nagsisunod upang maglingkod kay Hesus. Kasama siya hanggang sa Kalbaryo kung saan ipinako at namatay si Hesus. Nandoon din si Salome nang ilibing si Hesus.
Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina nina Santiago at Jose at si Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Hesus. Nang Linggo nang umaga, sila ay nangagtungo sa pinaglibingan kay Hesus dala-dala ang kanilang inihanda. Habang daan ay pinag-uusapan nila kung sino ang makakatulong nila sa pag-aalis ng malaking bato na nakatakip sa pinto ng libingan.
Pagdating nila sa libingan ay nakita nilang wala nang nakatakip na bato at sa loob ay may isang binatang nararamtan ng nakasisilaw na puting damit. Sila ay nangatakot at nalaman nilang si Hesus ay nabuhay na mag-uli. Patakbo silang nangagsi-alis.
|
|