|
PAGPASAN NG KRUS
Matapos na si Hesus ay mahatulang ipako sa krus, Siya ay pinagpasan ng isang mabigat na krus na sumasagisag sa bigat ng kasalanan ng sandaigdigan.
Mga dakong ika-11 ng umaga nang simulan Niyang lakbayin ang Daan ng Krus. Nasalubong Siya ng Kanyang namimighating Inang si Maria; tinulungan Siya ni Simon Cireneo (Mateo 27: 32, Marcos 15: 21, Lucas 23: 26); pinahiran ang Kanyang duguang mukha ng birang ni Veronica; nasalubong Niya ang mga nananangis na babae ng Herusalem (Lucas 23: 27-31); at nadapa Siya nang tatlong ulit bago Siya nakarating sa bundok ng Golgota o Calvario na pagpapakuan sa Kanya.
Si Hesus mula pa sa pagkabata ay nagdanas na ng hirap at sakit at naging masunurin hanggang sa kamatayan man sa krus alang-alang sa kaligtasan sa kapahamakan at sa ikakakamit ng buhay na walang hanggan ng sanlibutan. Nakalaan na para sa sanlibutan ang walang hanggang merito na nakamtan ni Hesus sa Kanyang kamatayan: ang mga aral at katotohanan sa Mabuting Balita, mga Sakramento, mga pangako at pag-asa. Nasa sariling pagpapasya na kung nanaisin ng taong maligtas o pipiliing magpabaya at mapahamak. Ang tanging hinihingi lamang ng Diyos ay ang kooperasyon at pagtugon sa Kanyang walang sawang panawagan. Alalahanin lamang na habang ang tao'y nabubuhay sa daigdig na ito, awa ang pinaiiral ng Diyos. Subali't sa sandali ng kamatayan, makatarungang hatol na ang igagawad sa kanya -- langit o di kaya ay pagdurusang walang katapusan.
|