|
ANG KRISTONG NAKAPAKO
Katanghaliang tapat nang ipako sa Krus ang Panginoong Hesukristo sa gitna ng dalawang magnanakaw. Walang awang iniunat at hinatak ang Kanyang mga kamay at paa at ipinako sa krus. Lalong naging matindi ang kirot ng Kanyang mga sugat nang biglang ibaon sa hukay ang mabigat na krus na kanyang kinapapakuan.
Sa tatlong oras na Kanyang pagkabayubay sa krus ay nagpakita pa Siya ng pagpapatawad sa mga nagpako sa Kanya (Lucas 23: 24); nagbigay gantimpala sa nagsising magnanakaw (Lucas 23: 43); ipinagkaloob ang Kanyang sariling Ina na maging Ina rin ng sanlibutan (Juan 19: 26-27); at nagpakita ng lubhang paghihirap bilang tunay na tao.
Sa ibabaw ng krus naganap ang katubusan ng tao sa kasalanan at sa walang hanggang kamatayan nang ihandog ni Hesus ang Kanyang Sarili sa Diyos Ama. Nasaksihan ng madla ang Kanyang kapangyarihan bilang tunay na anak ng Diyos nang magdilim (Mateo 27: 45, Marcos 15: 33), lumindol (Mateo 27: 51) at magawak ang tabing ng templo (Mateo 27: 51, Marcos 16: 38). (Lucas 23: 44-45)
Maraming tao ang nagdagok ng kamay sa dibdib (Lucas 23: 27, 48) bilang pagsisisi at paniniwala sa Taong ipinako sa krus.
May isang alamat na diumano ang imaheng ito ng Kristo ay ginawa ng isang taong di-kilala na nagprisintang gumawa ng isang inukit na larawan ng Kristo. Binigyan siya ng mga kasangkapan at kagamitan at siya ay nagkulong sa isang silid ng kumbento kung saan siya gumawa. Dinadalhan na lamang siya ng pagkain. Naririnig sa labas ang mga pukpok sa pag-uukit. Subali't makalipas ang ilang araw, naging tahimik na sa kuwartong pinagtatrabahuhan. Nang ito ay buksan, nakita na lamang na yari na ang larawan ng Kristong Nakapako nguni't wala ang iskultor. Sino nga kaya siya?
Kung pagmamasdang mabuti ang pagkaukit sa imaheng ito, mapapansin ang mga detalye o mga natural na himaymay ng mukha at katawan.
Sa Mahal na Araw, ang Kristong Nakapakong ito ang siyang ibinababa mula sa Krus at siya rin ang nagiging Mahal na Seņor sa Banal na Paglilibing.
|