|
SANTA MARIA MAGDALENA
Si Maria Magdalena ay kapatid nina Marta at Lazaro (na binuhay ni Hesus).
Noong una, sinayang ni Maria Magdalena ang kagandahang ibinigay sa kanya ng Diyos sa isang buhay ng pagkakasala. Nguni't minsan, nang makita niya si Hesus, tumimo sa kanya ang liwanag ng grasya at siya ay lubos na nagsisi at nagpanibagong-buhay.
Minsang dumalaw si Hesus sa kanilang tahanan, habang abala si Marta sa mga gawaing bahay, si Maria naman ay abala sa pakikinig kay Hesus (Lucas 10: 38-41).
Sa Betania, anim na araw bago magpaskuwa, habang naghahapunan si Hesus ay kumuha si Maria ng kalahating litro ng pabangong totoo namang mahal at ibinuhos ito sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos ay kanyang pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa Nito (Mateo 26: 6-13, Marcos 14: 3-9, Juan 12: 1-8).
Si Maria ay isa sa mga babaeng sumunod kay Hesus mula Galilea hanggang sa Ito ay ilibing (Mateo 27: 55, Marcos 15: 47).
Si Maria Magdalena ang unang pinagpakitaan ni Hesus noong madaling araw ng Linggo nang Ito ay mabuhay na mag-uuli. Siya ang unang nagtungo sa mga apostoles at naghatid ng balitang si Hesus ay nabuhay nang mag-uli (Mateo 28: 9-10, Marcos 16: 9-11, Juan 20: 11-18).
Si Maria Magdalena ay naglalarawan sa isang panibagong buhay na banal mula sa pagkakaroon ng buhay na makasalanan sa simula.
|