|
PAGKAKANULO NI HUDAS ESCARIOTE
Si Hudas ay anak ni Simon Escariote. Isa siya sa labindalawang apostoles. Siya ang tesorero ng mga apostol at kumukupit siya sa kanilang pera. Noong Huling Hapunan ay tuwirang sinabi ni Hesus na siya ang magkakanulo sa Kanya.
Si Hudas ay nagtungo sa mga punong saserdote at sa halagang tatlumpong pirasong pilak ay nakipagkasundong dadalhin sa kanila si Hesus (Mateo 26: 14-16, Marcos 14: 10-11, Lucas 22: 3-6).
Nang gabing si Hesus at ang mga apostoles ay nasa halamanan ng Getsemani upang manalangin, dumating si Hudas kasama ang maraming taong may dalang mga tabak at pamalo. Nilapitan ni Hudas si Hesus at binati, "Magandang gabi po, Guro!" Ito ay kanyang hinagkan bilang hudyat na Ito ang dadakpin. Sinabi sa kanya ni Hesus, "Gawin mo ang dahilan ng pagparito mo." (Mateo 26: 47-50, Marcos 14: 43-46, Lucas 22: 47, Juan 18: 1-8)
Nang malaman ni Hudas na pinahirapan at hinatulan ng kamatayan si Hesus, siya ay nagsisi at nagbalik sa mga punong saserdote upang isauli ang 30 salaping pilak. Matapos ito siya ay umalis at nagbigti. (Mateo 27: 3-5) Nahulog siya sa kamatayan at sumambulat ang lahat ng kanyang lamanloob (Mga Gawa 1: 18).
Ang mga salaping pilak na itinapon niya sa templo ay ipinambili ng mga saserdote ng lupa na paglilibingan ng mga taga-ibang bayan (Mateo 27: 6-7). Ito ay tinawag na Akeldama, ibig sabihin ay Lupa ng Dugo (Mateo 27:8, Mga Gawa 1: 19).
|