Pagdakip kay Hesus
PAGDAKIP KAY HESUS


Nang gabing si Hesus at ang mga apostoles ay nasa halamanan ng Getsemani upang manalangin, dumating si Hudas kasama ang maraming taong may dalang mga tabak at pamalo. Nilapitan ni Hudas si Hesus at hinagkan bilang hudyat na Ito ang dadakpin.

Nang makita ng mga apostoles kung ano ang mangyayari, sinabi nila, "Panginoon, mananaga baga kami?" At tinaga ni Pedro ang kanang tainga ni Malko, ang alipin ng punong saserdote. "Hayaan ninyo sila," wika ni Hesus. Sinabi Niya kay Pedrong isauli nito ang tabak sa lalagyan "sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay." Hinipo Niya ang taingang napigtas at pinagaling si Malko.

Sinabi ni Hesus sa mga nagsidating, "Kinakailangan pa ba ninyong magdala ng mga tabak at panghampas sa pagdakip sa akin na tila baga ako ay isang tulisan? Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo nguni't hindi ninyo ako dinakip. Datapuwa't ito ang inyong oras habang ang kadiliman ay naghahari. Nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan."

Iniwan Siya ng mga apostoles at Siya'y dinakip ng mga kawal at dinala kay Anas at pagkatapos ay kay Caifas, ang punong saserdote.



Mateo 26: 47-56, Marcos 14: 43-50,
Lucas 22: 47-53, Juan 18: 3-12
Hosted by www.Geocities.ws

1