MGA GAWAIN SA LOOB NG KUWARESMA

Ang petsa ng Kuwaresma ay pabagu-bago sapagka't ang Linggo ng Pagkabuhay ay laging pumapatak sa unang araw ng Linggo na kaagad sumusunod sa unang bilog ng buwan mula ika-22 ng Marso taun-taon. Ang Kuwaresma ay 40 araw mula sa Miercoles de Ceniza hanggang Sabado Santa na hindi kasama sa pagbilang ang mga araw ng Linggo. Ito ay sumasagisag sa 40 araw at gabi na ginugol ng Panginoong Hesukristo sa panalangin at pagpapakasakit kung kailan hindi Siya kumakain bilang paghahanda Niya sa Kanyang pangangaral sa Magandang Balita tungkol sa kaharian ng langit at kaligtasan ng tao.

Sa Miercoles de Ceniza ay ginaganap ang pagkukurus ng abo sa noo upang ipagunita sa tao na siya ay alabok at sa alabok din babalik at dapat na magsisi sa mga kasalanan at maniwala sa Ebanghelyo.

Ang Istasyon ng Krus ay isinasagawa sa simbahan sa hapon ng anim na Linggo ng Kuwaresma.

Ang Pagbasa ng Pasyon ay ginagawa sa buong panahon ng Kuwaresma. May mga tahanan na nagdaraos ng malaking Pabasa kung saan may handaan at may mga inanyayahang mambabasa.

Ang Semana Santa ay mula Domingo de Ramos (Linggo ng Palaspas) hanggang Sabado Santo.

Sa Linggo ng Palaspas ay binibendita ang mga palaspas na dala ng mga tao sa pagsalubong kay Kristo na kinakatawan ng Pari. Habang inaawit ng mga tao ang Hosanna, ang Pari ay sinasabugan ng bulaklak ng mga batang anghel na nasa kubol. Ang prusisyong ito ay naglalarawan ng
matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Lungsod ng Herusalem.

Sa hapon ng Linggo ng Palaspas ay isinasagawa ang pagdarasal sa Estacion General sa buong bayan kung saan may 14 na kubol na naglalarawan ng bawa't tagpo sa Daan ng Krus.

Sa Martes Santo at sa Miercoles Santo ay dinadala sa Simbahan ang mga Poon o Santo.

Sa Huwebes Santo, sa ganap na ika-lima ng hapon, ay idinaraos ang Misa ng Pagtatatag ng Sagrada Eucaristia o Huling Hapunan. Sa loob ng Misang ito ay ginagawa ang Paghuhugas ng mga Paa ng 12 apostoles -- isang gawaing naglalarawan ng pagpapakumbaba at paglilingkod ng Panginoong Hesukristo.

Pagkatapos ng Misa ay isinasagawa sa loob ng Simbahan ang Prusisyon ng Santisimo Sacramento upang iluklok at itanghal ito sa isang ginayakan at maliwanag na monumento. Dito ay patuloy na nakapatente ang kabanal-banalang Sakramento na sinasamba ng mga tao at ng iba't ibang kapisanan hanggang ika-tatlo ng hapon ng Biyernes Santo. Ang pagbabantay na ito sa Santisimo ay nangangahulugan ng ating pakikiramay sa Panginoon sa Kanyang pananalangin sa Halamanan ng Getsemani kasama ang mga apostoles.

Ang Huling Hapunan o salu-salo ng 12 apostoles at ng Pari ay idinaraos sa kumbento pagkatapos ng Misa.

Ang Visita Iglesia ay ang pagdalaw at pagsamba ng mga tao sa Santisimo sa iba't ibang simbahan.

Sa hapon ng Biyernes Santo, bago mag-ika-tatlo ng hapon, ay binibigkas at ipinaliliwanag ang Siete Palabras o Pitong Huling Wika ng Panginoong Hesus sa pagkapako Niya sa krus. Ito ay ang mga sumusunod:

Una: Ama Ko, patawarin Mo sila pagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Ikalawa: Tunay na sinasabi Ko sa iyo na ngayon din ay isasama kita sa Aking kaharian sa langit.

Ika-tatlo: Babae, narito ang iyong Anak. Narito ang Iyong Ina.

Ika-apat: Nauuhaw Ako.

Ika-lima: Ama Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?

Ika-anim: Natapos na ang lahat.

Ika-pito: Ama Ko, sa Iyong mga kamay, itinatagubilin Ko ang Aking kaluluwa.

Sa ika-tatlo ng hapon ay isinasagawa ang Liturhiya ng mga Salita at mga panalangin at pagkatapos nito ay ang Pagsamba at Paghalik sa Banal na Krus. Sa araw na ito ay walang Misa subali't nagbibigay ng Banal na Komunyon sa mga tao.

Sa ika-lima ng hapon ay isinasagawa ang pinakamahaba at pinakamalaking prusison ng Santo Entierro o Banal na Paglilibing. Kasama rito ang lahat ng mga Santo at ang pinakatampok ay ang Mahal na Seņor sa malaking andas na binubuhat ng maraming tao. Sa bawa't kubol na dinaraanan ay sinusuhob ang Mahal na Seņor at dito inaawit ang ilang talata ng panalangin ng paghingi ng patawad. Pagkatapos ay buong lakas at tatlong ulit na isinisigaw ng isang tao ang "Seņor, Misericordia, Seņor" (Panginoon, Patawad, Panginoon) na buong taimtim na inuulit ng mga tao. Makabagbag damdamin ang mga sandaling ito ng prusisyon. Sa hudyat ng mga tambuli ay muling lumalakad o tumitigil ang prusisyon.

Sa tahanan ng bawa't may-ari ng Poon ay may handang pagkain o palamig hindi lamang para sa mga nagbuhat o nagsudlong ng andas kundi para din sa lahat. Sa simbahan naman ay patuloy ang pagbasa ng Pasyon at paghalik ng mga tao sa Mahal na Seņor.

Sa Sabado Santo o Sabado de Luto (Pagluluksa), sa ika-sampu ng gabi, ay isinasagawa ang pagbabasbas ng apoy (at mga posporo) sa plaza. Dito sinisindihan ang Cirio Pascual na sumasagisag na si Kristo ang siyang liwanag ng daigdig. Sa loob ng simbahan ay binibendita ang tubig at sinasariwa ang mga pangako sa binyag.

Masiglang inaawit ang Luwalhati sa Diyos kasabay ang muling pagpihit ng mga kampana at pagtugtog ng mga instrumento bilang pagdiriwang sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ipinagpapatuloy ang kabuuan ng Banal na Misa.

Ang prusisyon ng Salubong ay isinasagawa sa ika-lima ng umaga ng Linggo ng Pagkabuhay. Dito nagkakasalubong ang Panginoong nabuhay na muli at ang Kanyang Mahal na Ina na kasama ang iba pang mga Santo. Sa tagpong ito ay inaawit ang Coeli Lactare Alleluia. Pagkatapos ay magkaagapay na dinadala sa simbahan sina Hesus at Maria kasama ang iba pang mga Santo kasunod ang mga tao at banda ng musiko. Muling nagdaraos ng Misa sa simbahan.

Ang "Alay Kapwa" ay isinasagawa din sa panahon ng Kuwaresma. Nilalayon nito ang ganap na kaunlaran ng tao sa pamamgitan ng Ebanghelyo. Isang gawain din ng pagpapakasakit ang tumulong sa kapwa sa pamamagitan ng anumang kakayahan, panahon o salapi. Sa bawa't barangay ay ipinaliliwanag ito na taglay ang pagsasagawa ng Daan ng Krus, Rosario, at Misa.
Hosted by www.Geocities.ws

1