|
PANALANGIN
Pagkatapos ng Huling Hapunan, si Hesus, kasama ang kanyang mga apostoles, ay nagtungo sa halamanan ng Getsemani. Doon, nangibabaw sa Kanya ang labis na pamamanglaw at panlulumo.
Sinabi Niya sa kanyang isinamang sina Pedro, Santiago at Juan, "Ang aking kaluluwa ay nalulumbay hanggang kamatayan." Sinabihan Niya ang mga ito na maghintay at makipagpuyat sa Kanya. Subali't nang Siya ay bumalik, nakita Niyang natutulog ang mga ito. Sinabi Niya kay Pedro, "Hindi ba kayo maaring makipagpuyat sa akin nang isang oras man lamang? Kayo ay mangagpuyat at magsipanalangin nang huwag kayong mahulog sa tukso. Ang espiritu ay may ibig datapuwa't mahina ang laman."
Muling umalis si Hesus at nanalangin. "Ama, kung nais mo, ilayo mo sa akin ang kalis na ito: gayon ma'y huwag nawa maganap ang aking kalooban kundi ang iyo." Tatlong ulit Niyang isinigaw ang ganitong panalangin. Ang Kanyang pawis ay tila dugo na nagsitulo sa lupa.
|