ikaw at ang iyong
pananahimik
ang nagtutulak sa akin
palabas.
nagkakasya na lamang
ako
sa palihim na
pagdungaw--

takot ako sa maaaring
masilip,
galit sa saglit mong
pagdaramot.

sa labas na ako
daratnan ng umaga.
pupulutin ang
pinagpira-pirasong
sariling halos hindi ko
na makilala.

ikaw at ang iyong
pananahimik!
alam mo bang nadudurog
ako
sa iyong paanan?
tuloy, napupuwing kita.

patawad, wala lang
akong paglagyan,
ang akala ko kasi,
katuwang kita,
kabiyak,
kapisan.


[BACK]

 

Hosted by www.Geocities.ws

1