naalala ko pa nung nasa grade school ako at maliit pang bata ay may notebook akong baon sa eskwelahan na hindi subject ang laman. tuwing nakakabato ang turo ni titser o kaya'y break time ay dito sa kuwadernong ito ako nagdodrowing ng mga robot o di kaya'y nagsusulat ng mga pabula tungkol sa iba't ibang hayop. nang tumuntong ako sa hayskul at kolehiyo ay naiwala ko ang nasabing notebook ngunit binaon ko ang hilig sa pagsusulat at minsan nga'y minalas akong maging lasenggong, este punong patnugot (o idiotor-in-chief). at ngayong malaki na akong bata at nakapaloob na sa sistemang binabanatan ko nung tibak pa ako ay nami-miss ko yung pinagsamahan namin nung nawala kong notebook. parang san miguel beer. kaya isang araw ng sweldo, sa bangketa, e bumili ako ng papel na pang-grade one (oo, yung kulay brown na mukhang pambalot ng pandesal na may linyang violet at penk) at binaon ko ito araw-araw. sa opis, sa bahay, sa dyip, sa bus, sa mall, sa kubeta (double purpose, alam niyo na) at pagsapit ng gabi'y katabi ko pa sa pagtulog. at sa tulong ng isang black uni ballpen na tadtad ng kagat at walang permanenteng takip ay nilagyan ko ito ng laman. eto tinayp ko ang laman para meron kayong paglibangan.


sabi nga nila e all i needed to know in life i learned in kindergarten...

 

Hosted by www.Geocities.ws

1