Back to Ink.Matters Home Page Meet the Web Author Ink.Matters Map Contact the Web Author through Mail Selected Links Thank you for viewing. Please sign in my Guest Book © 2004 All logos and images in this website are copyrighted Ink.Matters™ Logo © 2004

Readings I'd like to share.

the article appeared in Tinig.Com after EDSA Dos

NATATANDAAN KO pa kung gaano kabilis ang pintig ng aking puso noong panahong tanging paglisan ng isang tiwaling pinuno ang nasa aking isip. Mabilis iyong nagbadya ng buhay kong pag-asam na muling masilayan ng aking mga kababayan ang minimithing tagumpay at bawiin ang nilamong pag-asa ng panahong lumipas.


Tandang-tanda ko pa ang mukha ng aking mga kasamahan. Masaya at tulad ng mabilis na tibok ng aking damdamin ay alam na nilang sa ilang saglit pa ay nasa aming mga kamay na ang tagumpay na inaasam.


Tandang-tanda ko pa ang mga kamay na nag-abot sa akin ng tinapay na sansaglit ding pumawi ng gutom sa aking kumakalam na sikmura. Mainit iyon at naramdaman ko ang pagkasabik niyon na aking tanggapin ang kaniyang alok.


Tandang-tanda ko pa ang hanging dumantay sa aking mga pisngi. Bagamat maalinsangang tunay ang panahong iyon, may nadama akong kakaibang simoy ng pagkakaisang nagpalamig sa aking pandama.


Tandang-tanda ko pa ang watawat habang ito ay iwinawagayway sa gitna ng hindi ko na mabilang na mga kababayan kong kaytagal na pinagmasdan sa langit ang maningning nitong mga bituin at araw.


Tandang-tanda ko pa. At malinaw pa ang mga alaala sa aking isipan, maging ang mga nadama ko noon ay sariwa pa sa aking puso.


Parang kailan lang. Niyanig ang lahat ng dagundong ng ating mga paa sa EDSA. Mabilis na tumiklop ang panahon at masasabing panibagong pahina na naman sa kasaysayan ang nadagdag. O dili kaya'y mas mabuting sabihing panibagong pahina LANG naman ang nadagdag. Kasaysayan lamang ang lahat. At ang lahat ng aking mga alaala ay isa lamang malaking katuparan ng matagal nang minimithing pagdagdag ng bagong mga pangalan sa kasaysayan. Malungkot mang sabihin subalit pawang ang lahat ng aking haka-haka ay may matibay na katibayan.


Nasaan tayo matapos ang EDSA noong nakaraang Enero (2001)? Bumalik tayo sa dati nating mga buhay. Tama. Bumalik nga tayo sa dati nating mga buhay. Umikot lamang naman ang lahat, hindi ba? Parang isang commercial lamang ang lahat ng nangyari.


Matapos ito, bumalik sa dating programa ang ating pamumuhay. At ang ating mga sarili, patuloy na hinahanap ang tunay na identidad, ang role na matagal nang hinahanap ng bawat isa sa atin. Kung noon isang estudyante kang walang kasiguruhan na makatatapos ng pag-aaral sa loob ng nalalabing panahon, matapos kang sumigaw at dumaing sa EDSA, napawi ba ang lahat ng iyong pag-aalinlangan? Isa kang masunuring anak na nais mabago ang buhay ng iyong sariling pamilya. Matapos ang ilang araw na pagpupuyat at pagkagutom sa lansangan, hindi na ba kakalam ang inyong mga sikmura?


Hindi. Sapagkat hindi natin natamo ang tunay nating minithi noon. At tulad ng mga taong tinuligsa natin, ilang buwan matapos nating ipakita ang ating pagkakaisa sa EDSA, hindi rin malinaw kung pasasaan ang ating mga boses at sigaw. Kung para kanino ang lahat ng inasam na pagbabago. Kung malinaw ba ang bukas na ating lilingunin. Sapagkat ang lahat ay kasaysayan lamang. At ito ay hindi natin binigyang kahulugan at higit sa lahat, isinabuhay.


May daing sa iyong damdamin sa ngayon. Walang pagbabago kang nakita, bagamat ito ang hinangad mo isang taon na ang nakararaan. May masaklap na katotohanang bumalik ang dating Pilipinong kilala mo: ang sarili mong walang hinangad kung hindi ang pansariling kapakanan at sariling pag-unlad, ang sarili mong sa paghahangad na makaraos ay kumakapit sa patalim habang ang kaluluwa'y iniluluwa na ng labis na kasakiman, ang iyong sariling kilala mo lamang sa salamin subalit sa puso at diwa ay blanko ang identidad. Ang sarili mo. Ikaw. Lumaban sa EDSA. May nagbago ba?


Isa lamang ang kahulugan nito. At kailanman, napapanahong sabihin sa lahat ng Pilipinong katulad natin na madaling magpalit ng pinuno subalit mahirap bihisan ang isang buong lipunan.

(MORE ARTICLES PUBLISHED IN THE PAGES OF THE PHILIPPINE COLLEGIAN WILL BE POSTED SOON)




View this article in Tinig.Com
go to top of the page

please visit these pages too.

Photo Gallery Book and Newspaper Excerpts Book and Newspaper Excerpts Book and Newspaper Excerpts

INK & FILM
FLESH INK
TICK OF THE CLOCK
I LOVE BROAD ASS!!!

© All rights reserved.
All laws pertinent to Intellectual Property Rights apply.
2004. Jayson Bernard B. Santos
Hosted by www.Geocities.ws

1 1 1