SALAYSAY

Hindi Hulog ng Langit
 ang Kwentong Pambata!

Ni Rene O. Villanueva

Noong unang panahon, at bata pa ang sansinuko; noong malapit na malapit pa ang ugnayan ng langit at lupa, may mga katulong ang Maykapal na kung tawagin sa katutubong wika ay diwata.  Pero, mula nang lumaganap ang relihiyong dala ng mga Espanyol at naging Kristiyano ang maraming Filipino, mas nakilala ang mga sinaunang diwata bilang anghel.

Maraming anghel na nagbabantay sa bawat tao at gumagabay sa mga interes at gawain ng mga nilalalang sa daigdig.  May mga kani-kaniyang tungkulin ang bawat anghel sa kalangitan.  May mga anghel para sa matatanda; may mga anghel para sa bawat bata.  May anghel na bantay ng kalusugan; tagapagbigay ng proteksiyon laban sa mga sait at tagahanap ng lunas sa bawat karamdaman.  May anghel na nagbibigay ng saya; may lumalaban sa anomang sanhi ng dalamhati o kalungkutan.  Mayroon ding anghel laban sa gutom o pagsasalat.  May anghel laban sa bawat masamang kapalaran.

Lahat ng anghel ay parating abala, laging humahangos sa pag-aalala at pagbibigay sa bawat tao ng kasiyahan.  Mula umaga hanggang gabi, bawat anghel ay walang humpay sa pagsisikap na matulungan ang bawat nilalang na tao sa araw-araw na pamumuhay sa mundo.  Maliban sa isang anghel, si Haraya.  Siya ang anghel na tagapagdulot ng mga kuwento para sa mga bata.

Araw-araw, laging nakikita nang lahat na tiyesong-yiyesong nakahiga si Haraya sa isang makapal na balumbon ng ulap.  Madalas, nakade-kuwatro pa siya habang nakaunan ang ulo sa kaliwang kamay.  Nakatingala siya sa kalawakan ng uniberso habang ngumunguya-nguya ang isang sariwang hibla ng damo.  Lagi rin siyang nagmumuni tungkol sa mga bagay na hindi agad o gaanong maintindihan ng ibang anghel.  Halimbawa, ano ang tunay na kahulugan ng kaligayahan?  Bakit kailangan ng pagmamahal?  Paano maiwawaksi ang pagkainggit o kalungkutan?  Dahil sa ganitong gawi ni Haraya kaya marami ang nagpapaplagay na ang anghel ng mga kuwentong-pambata ang pinaka-tamad sa lahat ng kawaksi ng Diyos sa langit.

“Walang silbi!” ismid na sabi ng marami.

“Mahusay lamang tumunganga, makipagdaldalan at luminga-linga”, puna nang ilan sa madalas nilang mapansing ugali ng anghel ng kuwentong-pambata.

“Kahiya-hiya para sa lahing katulong ng Lumikha!” inis na kutya ng marami.

Isang araw, dahil sa patuloy na pagdami ng tao at gawain sa daigdig, kailangang ayusin ang tungkulin at gawain ng mga anghel.

Ngunit hindi lahat ay sang-ayon sa planong iyon.  Kaya naisip ng ilan na magpetisyon sa Manlilikha.  Sa halip na baguhin ang gawain ng mga anghel, bakit hindi gawing kapaki-pakinabang ang lahat ng katulong ng langit, lalo ang anghel na walang silbi?  Marami ang nakisama sa kahilingang iyon.  Kaya naging madalas at malakas ang pag-usig kay Haraya!

“Anghel na tamad,
Walang ginagawa!
Walang pakinabang
At kahiya-hiya!”

Iyon ang madalas awitin ng mga kumukutya kay Haraya.  Kaya isang araw, isang paglilitis ang idinaos sa kalangitan upang dinggin ang kaso laban sa “anghel na walang pakinabang.”

“Bakit lagi kang nakahiga at walang ginagawa?” tanong ng tagausing.

“Hindi totoong wala akong ginagwa; kahit lagi akong nakahiga, “paliwanag ni Haraya.  “Bawat sabdaku’y abala ako.  Laging abala ang isip at imahinasyon ko.  Walang oras na hindi ako humahabi ng mg salaysay, o kaya’y bumubuo ng mga tauhan, nagsasalansan ng mga pangyayari, naghahanap ng mga angkop na tunog at salita, at kung anu-ano pa, para makagawa ng mga kuwentong magbibigay ng lugo at sari-saring kaalaman sa mga bata!”

“Bakit lagi ka lamang pamasid-masid at palinga-linga?” usig ulit kay Haraya.

“Dahil ang mga kuwento ay hindi lamang iniimbento at hinuhugot sa hangin.  Kung hindi ako lilinga at magmamasid sa aking itaas, magkabilang tabi, at ibaba, ang mga kwento’y paano ko magagawa?” katwiran ni Haraya.

Sa kabila ng kanyang paliwanag, marami pa rin ang ayaw maniwala sa mga sinabi ni Haraya.

“Anghel na tamad!
Walang ginagawa!
Walang pakinabang
At kahiya-hiya!”

Sa labis  na pagdaramdam, nakiusap si Haraya na iwan ang kanyang tungkulin at umako ng ibang gawain.  Kaagad, tumulong siya sa pagtatanim ng palay.  Sumama siya sa pagtibog na mga bundok para maging kapatagang mapagtatayuan ng mga lungsod.  Nagpawis siya sa pagtatayo ng mga tuloy, daan at tahanan.

Ngunit mula nang iwan ni Haraya ang dati niyang gawain, napansin ng Diyos, sampu ng lahat ng anghel, na lumatag ang matinding lungkot sa mga bata sa daigdig.  Sa pagkawala ng mga kuwento para sa mga bata, nabura ang ngiti sa mga musmos na labi.  Nanlabo ang ningning ng kanilang mata.  Nanamlay ang kanilang guniguni at diwa; kalaunan pati ang kanilang mga braso at binti ay tila naluoy habang unti-unting pinanawan ng sigla.  At ang buong mundo’y tila nalambungan ng kumot na luksa nang ang mga bata’y mawalan ng kwento at takasan ng tuwa.

Pagkaraan ng mahabang panahon, nagpasya ang langit sa kahalagahan ng mga kwento para sa mga bata.  Ngunit wala ang anghel na si Haraya.  Kaya kinailangang lumikha ng Diyos ng mga kanraniwang tao na may kakayahang gumawa ng mga kuwentong-pambata.

Sa ngayon, ang kuwentista, makata, mandudula at manunulat ng mga akdang tinatawag nating kabilang sa literaturang-pambata ang maituturing na apo sa talampakan ni Haraya, ang anghel na inusig bilang tamad at walang pakinabang.
           
Ngunit gaya ng karanasan ng unang anghel ng mga kwentong-pambata, hindi maaaring umasa ang sinoman na may malalaglag na kuwento mula sa langit.

Hindi sa pagtingala sa langit ni pagtunganga sa blankong papel o computer screen nabubuo ang mga kuwentong-pambata.  Higit sa paghihintay ng inspirasyon ang kailangan para sila mabuo.

Nalilkha ang mga kuwento at akdang-pambata sa pamamagitan ng pagmamasid, pagmumuni at paglinga sa ating paligid.  Sa matalisik na pagmamatyag sa kapaligiran, lalo ng mga bata.

Para sa akin ang lahat ng akda para sa mga batang mambabasa ay nagmumula lamang sa dalawang bagay: sa kultura ng bata at kultura ng kabataan.

Ang kultura ng batay ay tumutukoy sa mga bagay, karanasan, tao, at pangyayari o konsepto na may direktang kaugnayan sa bawat indibidwal na bata.  May kinalaman ito sa kanyang mga interes at pangangailangan upang lumaki at umunlad.  Ang paglaki at tumutukoy sa pisikal na pagbuti ng kanyang laga: pagtaas, pagbigat ng timbang, paghusay sa paggamit ng mga bahagi ng katawan, at iba pang pangangailangan upang maganap ito, gaya ng wastong nutrisyon, ehersisyo, mabuting kapaligiran.  Samantala, ang pag-unlad ay tumutukoy naman sa paghusay ng kanyang pag-unawa sa mga nagaganap sa kanyang paligid; kabilang ang pagtalas ng kanyang mga kognitibong abilidad at pagkakagulang ng kanyang damdamin at saloobin.  Halimbawa ng mga ganitong kuwento ang mga salaysay tungkol sa karanasan ng mga bata, pagpapakilala sa mga kasama sa pamilya at kapit-bahayan, mga problema kaugnay ng paglaki, gaya ng mga tanong at takot na karaniwang bumabagabag sa lumalaking bata; mga kuwentong maghahanda sa kanila sa paaralan at iba pang komunidad na kanilang kabibilangan sa hinaharap.
           
Ang tinutukoy naman ng kultura ng kabataan ang mga kasaysayan at tradisyong may kinalaman kung paano lumalaki at umuunlad ang mga bata sa iba’t ibang panahon at iba’t ibang lugar o lunan.  Kabilang dito ang kasaysayan, heograpiya at tradisyong humuhubog sa paglaki at pag-unlad ng mga bata.  Sa mga karanasan at kaalamang may kaugnayan sa kabataan o pagiging isang bata.  Pinakapopular na halimbawa ng mga ganitong aklat ang mga aklat ng kasaysayan, mga kuwento tungkol sa mga bayani, mga muling pagsasalaysay ng mga alamat, kuwentong-bayan at ibang pang pamana ng lahi.

Magandang araw sa inyong lahat.

 

back to top

home | services | gallery | about us | contact us

Copyright 2007
All Rights Reserved

Hosted by www.Geocities.ws

1