MGA PABULA

ANG LOBO AT ANG KAMBING

Isang lobo  ang nahulog sa balon  na walang tubig.  Sinikap niya ang tumalon upang maka-ahong palabas, ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan. 

Noon dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing.   Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo. "Marami bang tubig sa loob ng balon?" tanong nito sa lobo.   "Oo, napakarami!" ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo. 

Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon.  At nalaman ngang siya'y niloko lamang ng lobo.  "Ngayo'y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito," ang sabi ng lobo.  "Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito," ang sabi ng kambing. 

"Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo.  Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon." 

"Papaano?"

Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing.  "Ako muna ang lalabas.  At kapag nakalabas na ako, at saka kita hahatakin palabas," pangako nito.  "Sige," ang sabi naman ng kambing. 

Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing.  Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan nito'y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa'y sinabing, "Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko." 

Malungkot na naiwanan ang kambing sa malalim na balon.

 

ANG INAHING MANOK AT ANG KANYANG MGA SISIW

Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais.  Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, "Panahon na upang anihin ko ang aking maisan!  Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!"

Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, "Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!"

"Huwag kayong mabahala mga anak," ang wika ng inahing manok.   "Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon!  May panahon pa tayo upang manirahan dito."

Tama nga ang sinabi ng inahing manok.  Sapagkat kinabukasan nga'y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka. 
           
"Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!"

"Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina.  Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, "Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon!  May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan.  May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!"

Kinabukasan nga'y tama uli ang sinabi ni inahing manok.  Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.
           
Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, "Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim.   Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!"

Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.

Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, "Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!"



ANG UWAK NA NAGPANGGAP

Isang uwak ang nakakita ng mga lagas na balahibo ng pabo sa lupa.  Pinagmasdan niya iyon at nasiyahan sa iba't ibang kulay na taglay niyon.  At dahil sawa na siya sa pagiging isang itim na ibon, iyon ay kanyang pinulot isa-isa at saka idinikit sa kanyang katawan.  

Iyon lang at dali-dali siyang lumipad patungo sa grupo ng mga pabo at nagpakilala bilang kauri ng mga ito. 

Ngunit sadyang kilala ng mga pabo ang kanilang kauri, kaya naman hindi rin nagtagal ay nabisto ng mga ito ang nagkukunwaring uwak. 

Dahil dito, inalis ng mga pabo ang iba't ibang kulay na balahibong nakadikit sa katawan ng uwak.  Pagkuwa'y pinagtutuka nila ito hanggang sa takot na lumisan.  

Nang magbalik ang uwak sa kanyang mga kauri, hindi na rin siya tinanggap ng mga ito. At sinabing, "Hindi namin kailangan ang isang tulad mong walang pagmamahal sa sariling anyo!"

 

ANG ASO AT ANG KANYANG ANINO

Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa.  Tuwang-tuwa siya at dali-daling hinawakan ang buto sa pamamagitan ng kanyang bibig.

Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang tirahan, ngunit nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog.   Pinagmasdan niya ang ilog at doo'y nakita niya ang sariling anino.  Sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak-hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito. 

Dahil dito, humulagpos mula sa kanyang bibig ang butong hawak-hawak at nahulog sa ilog.  Tinangay ng agos ang buto at hindi na uli nakuha pa ng sakim na aso.


ANG MAGHAHASIK


    Ang talinghagang ito ay ipinahiwatig niya minsang magkatipon ang napakaraming tao mula sa iba’t –ibang bayan, na masiglang dumudulog sa kanya.
    Ang manghahasik ay yumao upang maghasik ng kanyang binhi at nang isabog,nahulog sa tabi ng daan ang ilan,napagyapakan, at  tinuka ng mga ibon. Nahulog naman sa batuhan ang ilan at pagibol ay natuyo dahil sa kawalan ng halumigmig.. Ang iba nama’y nahulog sa dawagan. Lumago ang dawag at ininis ang mga binhing tumutubo. Nahulog  sa mabuting lupa ang ilan at binigkas;” Makinig ang may pandinig.”
   Itinanong sa kanya ng mga alagad kung ano kahulugan ng talinhaga ito.
Sumagot  Siya sa kanila nang ganito: “Sa inyo’y ipinagkaloob na matalastas ninyo ang hiwaga ng kahirapan ng diyos,samantala sa pamamgitn ng mga talinghaga,anupa’t makinig man ay hindi nila mabatid.’
     Ito ang kahulugan ng talinghaga; ang binhi ay ang Salita ng Diyos.
 Ang mga binhing nahulog sa tabi ng daan ay yaong mga nakinig subalit dumating ang diyablo at kaagad inalis sa kanilang mga puso ang  Salita upang huwag silang sumampalataya at mangaligtas. Yaong mga binhing nahulog sa batuhan ang mga nakinig ng salita at tumangap nito na maysaya ngunit hindi taos sa puso. Naniwala sila sandali at dahil sawalang ugat, sa panahon ng pagsubok ay agad na nagsihiwalay. Yaong mga binhing nahulog sa gitna ng dawag ang mga nakinig ng salita subalit madaling natalo ng mga ligalig sa buhay at ng pagkahibang sa kayamanan at kalawayan kaya hindi nagbunga. At ang mga binhing nahulog sa mabuting lupa ay yaong mga nakinig at may matapat at malinis na puso. Iningataan nila ang salita at nangagbungang may pagtitiis.      

 

back to top

home | services | gallery | about us | contact us

Copyright 2007
All Rights Reserved

Hosted by www.Geocities.ws

1