BALAGTASAN

Paksa:

ALIN  ANG  LALONG  KANAIS-NAIS:
MAY  WIKA  AY  WALANG  LAYA
                        O
MAY  LAYA  AY  WALANG  WIKA

Pagbubukas

Lakandiwa:
            Ihahandog naming ngayo’y isang tanging balagtasan
Na ang paksa’y pambihra, matulai’t makabayan;
May dalawang panig itong halos pantay sa timbangan,
Di anupa’t magsimbigat sa talaro ng katwiran;
Alin kaya sa dalawa ang mahigit na mainam
Maging sagisag ng ating Lakambini sa Silangan-
Isang bansang may wika nga’y wala namng kalayaan
O may lay’y wala naming isang wikang natuturan?
Samanatala, ang hiling ko’y sa palakpak salubungin
Itong ating Lakambining Inang Bayang ituturing…

Lakambini
            Ako’y Inang Pilipinas, Mutyang Perlas ng Slangan,
Isinilang na may wika at may angking kalayaan;
Luzon, Bisaya, Miandanaw ang lupa kong kayamanan
At may pitong libong pulong kawing-kawing sa pasigan;
Minsa’y nangyari na’t sukat ang laya ko ay maparam
At ang aking yamang wika’y nangyari ring matalian,
Kaya’y nagyon, wika’t laya’y paksa nitong balagtasan,
Dito’y mananawagan na ang dalawang maglalaban…

WIKA:
             Mabunying lakandiwa’t Lakambining matimtiman,
Sa bayan po at sa inyo, lingkod ninyo’y nagpupugay;
Dala ko poo’y kudyapi’t isang aklat-kasaysayan
Na may tula ng pag-ibig at may lambing ng kundiman;
Napayag po akong itng kamay ko’y matalian,
Huwag lamang yaring dila na kalasag niring buhay;
Payag akong mawala na ang maranyang kalayaan,
Huwag lamang ang wika kong katutubong kayamanan.

LAYA:
            Akong sugo ng Bulaka’y mapitagang bumabati
Na ang dala ay bandila ng sariling bayan natin,
Na kalakip ang hangaring laya ninyo ay lumagi;
Kung ang laya sa paggawa, sa pagkilos, sa ugali,
Sa isipa’t pananalig dito’y hindi maghahari,
Tahasan kong sasabihin nang walang pasubali,
Na ang laya nating lahat ay hindi ko pagagapi;
Si Rizal din ang nagwikang
 “mamatay ay luwalhati, dahilan sa kalayaan ng sarili nating lahi.”

WIKA:
            Itong wika’y katutubong salik ng sangkalikasan…
Bawa’t bagay, hayop, tao ay may wikang natuturan;
May lagaslas ang saluysoy, may agay-ay ang amihan,
Mga ibon ay may huni, mga isda’y may lagusaw,
May halinghing pati hayop, may lawiswis ang kawayan,
Ang bubuyog ay may bulong, kalapati’y may kalisaw;
At sa tuwing dapithapong nangangadyi ang halaman,
May tinig ding nagmumula sa simboryo ng simbahan.

            Datapwa’t sa lahat na ng sa lupa’y mga tinig,
Ang sa taong wika natin ang malabing at mahunig;
Palibhasa ito’y wikang Diyo’s mandin ang gumamit,
Mula sa dila ng tao’y mga talang napaguhit;
Nang bigkasin ay tumunog, nang tumunog, nagkahimig,
Pagkatapos, naging aklat… kaasaysayang napatitik;
Ito’y wikang may kahapong hanggang nagyoo’y inaawit,
Ito’y wika natin ngayong hanggang bukas ay lalawig.

            Lahat-lahat sa daigdig ay nilikha ni Bathala
At ang bawat bagay rito ay may wikang pang-unawa;
Gayunpaman, tayong tao’y siyang lalong darakila,
Pagkat tayo ay kinapal na may kakaibang dila;
Wika nati’y makalangit gayong tayo’y nasa lupa,
Pati Diyos naaaring makausap nating kusa;
“kaya’t di ko kailangan ang may laya’y walang wika,
higit ko pang ninanais ang may wika’y walang laya!”

LAYA:
            Sa kalakhang walang hangga’t walang hanggang karunungan,
Ang daigdig ay nalikhang ganda’y wala ring hangganan;
Datapuwa’t alam nating dito’y bawat likhang bagay
Ay bingyan din ng Diyos ng sariling kalayaan;
Iyang ibong lumilipad sa malayang kalawakan,
Kulungin mo’t nagwawala, kahit ginto ang kulungan;
Iyang agos na Malaya ng ilog man o batisan,
Sagkaan mo’t agos itong nagngangalit, umaapaw.

            Kung ang wika’y katutubo, katutubo rin ang laya
Na mahigit sa alinmang ibinigay ng Bathala;
Ang wika ay mahihiram kahit wika ng banyaga,
Subalit ang kalayaan, mahihiram mo bang kusa?
Kasarinla’y tinutubos ng maraming dugo’t luha,
Kapag ito’y inaagaw ng dayuhang masisiba;
Kaya’t habang merng lahing manlulupig sa mahina,
Ang daigdig nating ito ay hindi na papayapa.

WIKA:
            Totoo ngang itong ibong sa kulungan inilagmak,
Hawla nito, kahit ginto, nagpipilit na umalpas;
Ngun’t ang buhay ng ibon ay lalong kahabag-habag,
Kung malayang naturinga’y walang tinig sa pagsiyap.

            Iyang wika ng banyaga’y maaari ngang hiramin,
Ngun’t sa wika mong hiram, sarili mo ang tinaksil;
Si  Rizal di’y siyang dito ngayo’y muling babanggiotin,
Noli’t Fili ay sa hiram na Kastila idinaing,
Kaya gayo’y upang lamang sa Espanya’y maparating
Ang sa tanang Prayle noo’y gawa ritong paniniil;
Gayunpaman, sa kalahing noo’y pawing nahihimbing,
Ang ipinanggising niya’y katutubong wikang angkin.

            Itong wika kaysa laya’y siyang lalonh mahalaga,
Pagkat itong ating dila ay karugtong ng hininga;
Kapag itong ating wika ang di natin kinalara,
Malaya man ang katawa’y bilanggo rin ang kalulwa;
Dilat-matang naturinga’y matang walang alikmata,
Kung sa dunong, marunong nga, ngunit bulag na talaga…
Iyang laya pagka’t ito’y di nga dapat hiramin pa,
Lalong higit ang wika mong sa damdamin nakabadya!

            Bansang Hapon ay dalawin, wika niya’y Nipon,
Indonesya ay puntahan, wika nama’y wikang indon,
Malaysia ay tunguhin, wikang Malay naman doon,
Ang Monggolya ay gaygayin, doon nama’y wikang Monggol;
Sa silangan , sa kanluran… saan ka man pumaroon
Ay may wikang kanya-kanya, makahapon at ma-ngayon;
Mula sa Tore ng Babel, ang nagtakda’y Panginoon:
“Bawat bansa’y sa sariling wika nito manununton!”…
Sa Alemanya’y  Aleman, sa Rusya’y Ruso,
Sa Espanya ay Espanyol, sa Inglatera ay Ingles…
At sa ating Inang Bayang Pilipinas na marikit,
Wika nati’y Filipino… na malambing at matamis!

LAYA:
            Napansin kong ang katalo’y tulak-kabig ang katwiran;
Maya-maya’y kasang-ayon, maya-maya ay kalaban;
Inaaming iyang ibon kahit ginto ang piitan,
Magpipilit daw umalpas, pagkat walang kalayaan…
Ganyan din ang isang bansa, may wika mang gagamitin,
Kapag wala naming laya’y busabos ding hahamakin!

            Totoo ngang bawat bansa, kahit hindi mo isulit,
Ay may kanya-kanyang wikang katutubong ginagamit;
At sa bawat wika nama’y may nagpayamang panitik
Na katulad ng Kastila’y itinampok ni Cervantes;
May Shakespeare ang Britanya, may Hugo ang mga Pranses,
Ang Italya ay may Dante, Alemanya ay may Ludwig,
May Allan Poe at John Bunyan, kumatha ng Pilgrim’s Progress,
At may Balagtas din tayong sa kay Selya ay umawit.

            Datapwat bawat wikang nilinang at pinagyaman,
Mawawalan ng halaga kapag walang kalayaan…
Ang bansa ng Amerikang Britanya ang Inang bayan,
Noong ayaw palaya’y naghimagsik nang lubusan;
Kaya ba’t si Patrick Henry ang nagsabi nang tahasan:
“Ibigay ang aking laya, o ang aking kamatayan!”

            Kaya nga ba, aanhin pa iyang bansang walang laya,
Kahit ito’y may sarili’t katutubong Inang Wika?...
Pag ang ating kalayaa’y inilibing ng banyaga,
Ang wika ba’y maawat ng sugatang puso’t diwa?
Pag ang bansa ay alipin, pagkat munti at  mahina,
May wika mang naturinga’y lalong hamak at kawawa!

WIKA:
            Itong paksa’y maliwanag, mga panig: laya’t wika,
Sa dalawa’y alin baga amg matimbang at madiwa?
Totoo ngang ang dalawa ay kapuwa darakila,
Dapwa’t isang panig lamang ang marapat idambana…
Aanhin kong maging bansang malaya raw naturingan
Ay ang wikang winika’y wika naman ng dayuhan…
Wika’y diwa, puri, dangal, kapag ito ang nagahi,
Tayo’y bayang malaya naga’y malansa pa sa kanduli!

LAYA:
            Kung ang bansang walang laya ang napili mong panigan,
Pagka’t ikaw ay may wikang ginagamit araw-araw…
Ang totoo’y ni hindi mo nasalangsang at nabaka
Nang idaing ni Gat. Rizal ang paglaya sa Espanya;
Kung akin pang idaragdag ang ginawi ni Jaena,
Ni Mabini, ni Del Pilar, ni Jacinto, Ponce, Luna,
Ni Gat Andres Bnifacio, Aguinaldo, Valenzuela,
Hanggang sa huling bayaning sina Quezon at Osmeña,
Kahit na wikang dayuhan ang ginamit na Sandata,
Kalayaan, kalayaan… ang sinakit nilang una.

            Mangyari nga’y sadyang tunay ang wika ni Patrick Henry,
Na ang katimbang ng laya’y ating buhay, ating puri…
Pag ang tao ay alipin, walang dangal sa sarili,
Pag ang bansa ay busabos ay buhay ang naruhagi;
Kaya’t kung ang ating lahi ay aliping nanatili,
May wika man tayo nagyon ay pangit ang pangyayari…

            Ang wika ng isang bansa’y kaluluwang matatawag,
Subalit ang kasarinla’y higit diyan ang sagisag;
Ito’y buhay, ito’y dangal na sinlinis ng busilak,
Na marami ang bayaning dahil dito’y nawakawak…
Sa paaano’y walang bansang sa sinukob ay papayag
Na it ay alipinin ng dayuhang mapipilak.

            Kaya ngayn ang tanong ko’y aling bansa sa sinukob
Na dahil sa wika lamang, naghimagsik at lumusob?
Wala! Wala… ang totoo’y ang lahat ng paghahamok
Ay dahil sa kalayaang banyaga ang gumagapos…
Kung may wika man ang lahi’t habang buhay ay busabos,
Mabuti pang ang buhay ko’y ipatangay na sa agos!

WIKA:
            Gumamit man ng Kastila sina Ponce, Luna’t Rizal,
Ang sariling wika nati’y siya pa ring itinanghal…

LAYA:
            Samakatuwid, lumaya lang itong bansang minamahal,
Kagitingan na rin nating gumamit ng wikang hiram…

WIKA:
            Panghihiram na sinabi’y di matuwid na batayan,
Pagka’t itong ating dila’y hindi naman pinalitan…

LAYA:
            Kasaysayan ang sumaksing nangastila si Del Pilar,
Meron pa bang patoto na hihigit pa sa riyan?

WIKA:
            Kung ang bansang walang laya ay alipin ang kahambing,
Alipin pa ng busabos, bansang walang wikang angkin!

LAYA:
            May wika ma’t walang laya, bansa’y walang mararating,
Mga kamay – nakapugal; mga paa – nakakawing…

WIKA:
            Mabuti nang paa’t kamay ang may gapos sa paningin,
Kaysa itng ating dila ang mapangkol at masiil…

LAYA:
            Sa alinmang lahi’t lipi’y  kalayaan ang panambil
At di wikang naaaring hiram lamang kahit garil!

LAKANDIWA:
            Itigil na ang labanan… kayo’y aking inaawat,
Ang naigting na saguta’y baka lalao pang mag-alab;
Ang Prinsipe ng tulain at ang Hari ng pangarap,
Manainga muna ngayo’t Lakambini’y mangungusap;
Ang sa iny ay hatol ko’y siya yaong maggagawad,
Yamang ang pinaksa ninyo’y ang kaniyang angking palad;
Kata, Bayan, Lakambini’y palakpakang walang liwag
At isigaw na: “Mabuhay, Inang Bayabg Pilipinas!”

 LAKAMBINI:
            Kayo’y aking binabati, magigiting na makata,
Katangi-tangi’t butihin mga puso ninyo’t diwa;
Nguni’t aking sinasabing iyang wika’t iyang laya,
Sa bansa ko’t aking lahi’y mahalagang laya’y wika;
Ang dalawang panig ninyo ay kapuwa darakila
At dalawang karapatang angkin nitong aking lupa;
Kaya’t ngayon ang hatol ko’y patas kayo’t kapwa tama
At ang wika at laya ko’y pagpalain ni Bathala!

 

back to top

home | services | gallery | about us | contact us

Copyright 2007
All Rights Reserved

Hosted by www.Geocities.ws

1