





|

UP Walker
Dahil wala akong payong at stranded ako dito sa isang internet shop sa loob ng aking es-KWELA-han, naisipang kong gumawa na lang ng bago sa blog ko. Mas maigi na yun kesa (hindi yan babaeng keso, ibig sabihin nyan ay "sa halip na") maligo ako sa ulan habang naglalakad papunta sa klase ko.
Yan ang isa sa mga hilig ko, ang maglakad dito sa aking es-KWELA-han. Ayan na, naririnig ko na ang paghithit ng hangin, may naririnig na akong "Eh bakit ka naman maglalakad sa loob ng es-KWELA-han mo?". Yan po kasi ang buhay ng mga kapag hindi block section ang nakasanayan mo. Kaya sa halip na ang matambok na grupo ng kalamnan (muscle yan para sa mga conyo) sa ibabang bahagi ng katawan ang lumalaki (sa madaling sabi, P-W-E-T), hita ang malalaki sa lahat ng e-STUD-yante dito.
Pero hindi basta-basta ang paglalakad dito, marami kang makakasalubong dito na nakakapagbigay ng aliw (mababaw lang talaga ang kaligayahan ko siguro). malamang nakita mo na sila sa mga corridor ng sarili mong es-KWELA-han. pero kung hindi, nandito ako at ipapaliwanag ang lahat sa inyo.
Habang naglalakad ka, marami kang nakakasalubong, pero di mo sila pinapansin dahil may pupuntahan kang importante (mas mahalaga nga naman ang paborito mong pwesto sa internet shop sa paglalaro ng DOTA kesa pansinin mo ang mga tao sa tabi mo). Kaya liban pa sa paglalakad, hilig ko rin ang maupo sa isang tabi at manood ng mga nagdadaan (try nyo, yumaman na ako ng 30 pesos dahil sa kakapulot ko ng mga nahuhulog na barya, ewan ko lang kung nililimos nila sakin talaga ang mga barya na yun).
Eto ang ilan sa mga tao na nakita ko habang nakaupo ako at nagpapayaman:
- Pin Ball - Nakapaglaro ka na marahil ng pinball machine, pagmasdan ang bola nito. Ganito gumalaw si Pin Ball. Halos lahat ng tao na nakakasalubong ay nabubunggo. Hindi mo maintindiahn kung talagang nagmamadali lamang s'ya o may karampatan na iskor ang bawat tao na kanyang nabubunggo. Eto ang iskor ng bawat tao: Mga mas nakababata sa'yo - 5 pts. ; Mga kasing edad o mas matanda ng isang year level - 10 pts. ; Miyembro ng opposite sex (kung bakla o tomboy ka mahirap humanap nito, lalo na kapag bi ka) - 15 pts. ; Babaeng kasama ang boypren nito - 20 pts. plus extra 10 pts. kung magpapakilala ka sa babae sa harap ng boypren; Senior - 25 pts. ; Senior na kasama ang kanyang frat - 30 pts. plus 5 pts. sa bawat tenga ng mga frat men na mahahawakan mo; Teacher - 30 pts. ; Terror teacher - 40 pts. ; College Secretary - 50 pts. ; Dean - 100 pts. ; Lahat ng score sa mga teacher na mabubunggo mo ay may plus 50 pts kung ibibigay mo pa sa kanya ang ID mo matapos mo syang bungguin.(Lahat ng pagbunggo ay counted lamang kung mapapatigil sa paglalakad ang binunggo mo.) Danger Level - 2/5 kapag maraming tao, 4/5 kapag ikaw lang ang naglalakad. Bilisan ang paglalakad, lalo na kung maraming dala.
- Mang Kuk U. Lam - sila ang mga tao na bumubulong ng hindi mo alam kung anong lenggwahe. Nagsisimula lamang silang bumulong matapos na mabunggo ni Pin Ball o nang sinuman na minalas-malas na makadaupang-palad (makasalubong po ang ibig sabihin nyan) nya. Matapos na maistorbo si Mang Kukulam sa kanyang tahimik na paglalakad, ito sa bubulong ng sari-saring mantra (marahil nagmumura lang ito, pero dahil sa hina, hindi na marinig) upang bigyan ng sumpa ang malas na nilalang. Tuloy ito hanggang sa makarting ito sa kanyang kwarto kung saan nag-aabang ang iba pang mangkukulam. Ikukwento ang nangyari sa kanya at saka sila mag-aalay ng isang birheng tuko upang mapalakas ang sumpa sa malas na nilalang. Danger Level - 1/5, laway lang ng pagbulong nya ang hindi mo makakasundo, mag-baon (mag-dala hindi maglibing ang ibig sabihin nyan) ng pamunas.
- MP3 Speakers - Oo tama ang hinala mo, eto yung kumakanta habang naglalakad. Pero sa kabilang banda, katulad ng MP3 files, maganda rin ang kwaliti (Quality) ng sound na lumalabas kay Speakers. Masarap makasalubong ang mga ganito, lalo na kung iisa ang direksyon nag pupuntahan nyo. Danger Level - 1/5, problema lang kapag mukhang piranha ang kumakanta, masakit lang sa mata, pumikit habang nakikinig
- Videoke - sa pangalan pa lang, alam mo na kung ano ang itsura ng mga taong ganito maglakad. OO, kumakanta habang naglalakad. Pero may pinagkaiban kay MP3 Speaker si Videoke. SAWND KWALITI (sound quality). Kung si Speaker ay maganda ang kwaliti, si VIdeoke, parang naglalampong na pusa kung i-iyak nya ang mga kantang alam nya. Mas gugustuhin mo pang makinig sa nilalagaring yero kesa makinig kay Videoke. (Pag pinakanta mo kaya sya ng "My Way", may mapapatay din kaya?) Danger Level - 3/5, maaaring magdulot ng pagdurugo ng tainga, 4/5, kung mukha pa ring piranha ang kumakanta.
- Ulianin - sa madaling sabi, makakalimutin. malamang kahit isang beses sa buhay mo, naging ganito ka na rin. Ito ang mga tao na naglalakad ng normal sa daan nang biglang, walang sabi-sabi ay hihinto, at mabubundol ng mga tao na nasa likuran niya, kung saan mapapabulong nanaman si mang-kuk-u-lam at madadagdagan ng maraming puntos si pinball. Matapos tumiggil si Ulianin, titingala ito sa kalangitan habang bumubulong, sabay bibilis ang lakad o kakaripas ng takbo papunta kung saan man panig ng impiyerno ang may kinalaman sa nakalimutan nya. Danger Level - 2/5, mauuntog ka lang naman sa batok nya, matapos yun, hindi mo na siya makikita pa nung araw na yun. wag mo na lang susundan.
- Pac-Man - Hindi ito yung boksingerong kumakanta na gustong maging vice-mayor. Yung laro dati ng mga bata. Lolo ni Mario at Luigi. Sa mag naglalakad, eto ang mga tao na kumakain habang naglalakad. Parang pinainan ng mga power pellets sa harapan, at lumiliko lamang para sa dalawang bagay; pader at ibang tao, na madalang pa nyang makita. At kapag hindi nakita ng mga Pac-Man ang mga tao at nabundol, Tulad ng totoong Pac-Man na binundol ng multo, manliliit din sila sa hiya hanggang sa mawala ang mga ito. At mula sa malayo naririnig mo pa rin ang wa-cap-wa-cap-wa-cap-wa-cap ni Pac-Man (kung hindi mo naintindihan yun, isipin kung ano ang sawnd ni Pacman habang kumakain). Danger Level - Depende sa kinakain; 1/5 kung ang kinakain ay mga pagkaing hindi likido, 2/5 kung kumakain ng pagkaing hindi likido ngunit may dalang inumin, 3/5 kung kumakain ng pagkaing may likido, malabnaw man o malapot, 4/5 kung kumakain na ng pagkaing may likido, may inumin pa, 5/5 kung makaputing damit ka. wa-cap-wa-cap-wa-cap-kreek-wi-wi-wi-wi-wi-wi-wi-wi-wap-wap.
- Sweepers - Grupo ito ng mga tao, tatlo pataas. At oo, winawalis nila ang daanan kapag naglalakad dahil sakop nila, from end to end, ang buong daanan. Kaya sweepers, ultimo alikabok hindi makakaraan. At kahit nagmamadali ka pa, hindi ka pararaanin kahit gaano ka kaliksi. Karamihan sa mga naiipit sa harap ng mga Sweepers, wala nang nagagawa kundi sumabay na lang sa pag-lalakad ng grupo hanggang may sumalubong na isa pang grupo ng Sweepers kung kailan mag-di-disperse ang kalahati ng bawat grupo para makadaan at dito na sa gitna ng kaguluhan makakasingit ang mga nasa likuran. Danger Level - Depende sa teacher ng susunod mong klase kung saan ka ma-le-late nang dahil sa Sweepers. pinapayuhang sumutsot o pumalakpak ng napakalakas sa likuran nila upang mapalingon at sa gitna ng kaguluhan habang hinahanap nila ang gumawa ng tunog, sumigit upang makadaan.
Ako, kanina, naharangan ako ng mga Sweepers. Naiirita ako dahil hindi ako makaraan. Naglakad ako ng malapit sa kanila na para bang barkada nila ako (kahit nagmukha akong gusgusin sa tabi ng mga conyo na yun). Saka ko tinapakan sa sakong ang isa sa kanila. Napalingon ang lalaki, sabay sorry ko, at sabay lakad ng matulin nang hindi lumilingon (Disclaimer : Wag gagawin sa grupo ng mga mukhang fraternity, grupo ng babae, at grupo ng mga lalaki na mas malaki sa iyo, kung ayaw mong masaktan). Nagmamadali ako eh. Ganun talaga...
|