





|

Flayers
Oo, FLAYERS... (fla-yers ha, hindi fle-yers)
Malamang nakita mo na sila (at kung hindi, malamang kapapanganak mo pa lang). Sila yung mga nasa daan na lillingon-lingon, parang holdupper(holdaper, hindi ko talaga ma-gets/getz ang salitang ito. halatang Pinoy ang gumawa), na nakatingin sa lahat ng tao na nagdadaan, parang snatcher (snatser), at lumalapit sa lahat ng mapagtripan, parang mga lasing at adik sa lansangan. Pero hindi ka naman masasaktan sa paglapit nila sayo. Makakatanggap ka lang ng libreng papel. OO, Libreng papel.
Hep! Hep! Hep! Wag ka munang matuwa dahil hindi mo naman talaga magagamit ang papel na ibinigay sayo (maliban na lang kung may koleksyon ka ng scratch paper o mahilig kang mag-peypermashey). Dahil ito ay puno na ng nakasulat tungkol sa kung anu-anong bagay. Lahat ng gustong iparating ng ilang mga tao sa iba pang mga tao, pwedeng (at nailagay na) dito. Kahit ano, nakita ko nang lahat ng uri nyan. Pa-weirdohan pa tayo (yung sakin may sticker pa ng mga pusa).
Para sa mga gustong pumasok sa ganitong negosyo, este, hobby (dahil wala naman talaga kasing mapapala dito, maliban na lang ang saya na naiparating mo sa tao ang mga saloobin mo, kunwari sulit yun.), marami kang dapat malaman. Mula sa paggawa ng flayers (fla-yers, hindi fle-yers, kulit mo ah), hanggang sa pamimigay nito sa tao. kaya nandito na ang...
IjOtSgAyD2fLaYeRs....(oo, mahirap basahin, kaya mo yan, ulitin mo na lang... fla-yers, hindi fle-yers)
Sa paggawa ng flayers (ayoko na, makulit na, corny pa), may mga alituntunin (naks! alituntunin, %mins. kong pinagisipan yan) na dapat kang sundin. Katulad ng:
- I-type mo ang lalamanin ng flayer mo. Ayaw mo naman sigurong mag-mukhang scratch paper ang flayer mo bago pa ito makarating sa tao. Plus, makakatipid ka sa tinta ng bolpen at painkillers dahil sa sakit ng pulso mo kakasulat ng lahat ng kopya.
- Dahil sa dahilan ng una, dapat din mass produced ang flayer mo. Pwede mong isulat isa-isa ang flayer mo kung (1) marami kang bolpen at papel, (2) marami kang oras, (3) tatlo lang ang gagawin mong flayers o (4) marami kang painkillers. Pero kung ako sayo, punta ka na lang sa pinakamalapit na Xerox manang sa inyong lugar. May libreng langhap ka pa ng powder na pang-Xerox.
- Gandahan ang color-coordination ng text at ng papel na gagamitin sa flayer mo. Ang flayer na red ang papel at pink ang text ay masakit lang sa mata. Samantalang ang black na papel at black na text sa flayer ay nakakabagabag lamang sa makakatanggap nito.
- Kung may iisusulat ka sa flayer mo, gamitin ang buong papel. Oo, pati yung likod. Wag pipilitin na magkasya ang mahabang sulatin sa harap kung ayaw mong magmukhang picture ng mga langgam ang text mo.
Sa oras na makagawa ka na ng flayers mo, kailangan mo nang ipamahagi sa tao ang ginawa mo (kunwari, may pakialam sila sayo). Magsisimula ka nang tumayo sa daan at mamigay ng flayer, tulad ng isang kapitbahay na nagpapasa ng basura sa kanyang mga kaibigan. Pero dahil kailangan mabilis ang pamimigay, kailangan mo ng tauhan na gagawa nyan para sayo. Kung kukuha ka ng tauhan, ito ang mga kailinagan mong kunin.
- Predator - sila yung mga tao na daig pa ang bloodhound kung makaamoy ng tao. Di ka pa nasisinagan ng araw, alam na ni Predator na dadaan ka malapit sa kanya. At daig pa ang pating na nakaamoy ng dugo, hindi na siya magaaksaya pa ng panahon. Lulusubin ka niya at sisiguraduhin na wala kang kawala. Wala ka nang mapupuntahan, siguradong magiging biktima ka ni Predator, sabay abot ng flayer.
- Pa-cute - sila ang mga tao na ginagamit ang angking charisma (meron man o wala) sa kanilang strategy. Oras na makita ka ni Pa-cute, ilalabas na nya ang kanyang Close-up smile. At gamit ang kanyang rosy cheeks (either by make-up, natural o natural dahil nasampal siya sa magkabilang pisngi), magpapapansin sya sayo. Kapag tumingin ka na, tulad ng isang mamimingwit (mangingisda sa mga hindi nakakaintindi) na nakahuli ng isda sa kanyang pamingwit, dahan dahan siyang lalapit sa taong nahuli sabay bati ng "Hi!". At bago ka pa makasagot, iaabot na nya ang flayer, senyales na tapos na ang usapan nyo.
- Trap Master - eto ang mga tao na nakaabang sa lahat ng entrada at salida (entrans at eksit po yan). Oo, LAHAT. Bakit nga naman sila magaabang sa mga corridor eh siguradong mas maraming tao na dadaan sa mga pasukan at labasan. Nagtatago sila sa mga pader sa gilid-gilid ng mga pinto, nag-aabang ng mga mahuhulog sa kanilang mga bitag. Pagdagsa ng mga tao, parang si Papay (Pop-eye) na kumaing ng ispinats, magkakaroon ng pambihirang bilis at liksi si Trap Master. Mabibigyan niya lahat (oo, lahat!) ng mga taong nagdadaan. Papasok ka pa lang, may libreng papel ka na, paglabas mo, may pangalawang kopya ka na. Marka ng nahulog sa bitag ni Trap Master, daig pa ang mine field sa tindi, mas marami pang casualties!
- Tree Hater - eto yung mga tao na nagaabang sa mga corridor na nagaabot sa mga taong nagdadaan. Normal lang di ba? Mali!!! dahil kung normal lang sila, wala sila dito ngayon sa sinusulat ko ngayon. Sila yung mga tao na nagmamadali nang matapos ang kanilang pamimigay. Kaya't oras na may magdaan, aabutan ka nila ng not 1, not 2, not even 4, but 5, yes 5!, na kopya. Oo, limang kopya! BUT MORE, THERE'S WAIT! dahil kung may kasama ang unang nabigyan, bibigyan nya rin ito nang sindaming kopya (minsan higit pa). Hindi daw kasi pwedeng manghiram ng kopya. Pagdaan mo kay Tree Hater, mukha ka na ring namimigay ng flayers. Wala ka nang magagawa, tatanggapin mo na lang.
- Track Star - Halos normal kung mamigay sa mga corridor. Nakatayo lang, walang masyadong kakaiba. Ulitin ko, HALOS! Madaling iwasan wag ka lang magpapakita na naiwasan (o iniwasan) mo siya dahil kung hindi, lagot ka kay Track Star. Kapag napansin na ni Track Star na nakaiwas ka sa kanya, iinom na siya ng isang galong krudo (malamang unleaded, sponsored by Caltex), paaandarin ang makina, at tatakbo patungo sayo nang parang walang bukas. Parang Ghost sa Pacman (hindi yung kumakantang boksingero ha), hahabulin ka hanggang sa dulo ng mundo, o hanggang makapasok ka sa kwarto mo, imbakan daw kasi ng Power Pellet. Yan ang dedikasyon! Wag mo lang tatakbuhan si Track Star. Mapapagod ka na, magmumukha ka pang magnanakaw na hinahabol ng nagbebenta ng dyaryo.
- Street Children - eto yung mga tao na hindi sa corridor nagaabang ng mga biktima. Marami na daw kasing kakumpetensya eh. Kaya ang MO (modus operandi para sa mga hindi nakakaalam, at style para sa mga tanga na hindi alam ang modus operandi) nila, sa kalsada naglalako, este, namimigay ng flayers. Kasama nila ang mga nanlilimos na bata sa lansangan. Paglapit sayo ng mga nanlilimos, magtatago sila sa likod ng mga ito. Pagsuway mo sa mga nanlilimos, SURPRISE!, sa isang iglap, ikaw na ang nililimusan ng libreng papel. Matuwa ka man o hindi, kung gaano kabilis napaligiran ka ng mga bata, ganoon din kabilis ang pagtakas ni Street Child, para hindi ka na makatanggi sa munting biyaya na ipinagkaloob nya sayo (kunwari uli, sulit yun).
- Shy Type - sila naman ang mga namimigay na nakatayo sa corridor na namimigay ng flayers. At pag sinabi kong nakatayo, as in NAKATAYO. hindi siya umaalis sa kinatatayuan nya. PERIOD! Nailed feet syndrome ang tawag ko dyan. Ang mga nagdadaan lang sa radius ng kanyang mga kamay ang naaabutan nya pero dahil hindi man lang siya umaalis sa kinatatayuan nya, nagmumukha lang siyang bulletin board na pinagdikitan ng mga kopya ng flayer, pwedeng abutin ng mga nagdadaan. Kawawa naman, mukha tuloy sampayan ng libreng papel.
- Hybrid - oo, eto yung mga likha ng mga tao dahil hindi na daw efficient kung one type lang per person. Dapat multiple classes. Mongrels ika nga (kung hindi mo alam ang mongrels, wag kang magalala, hindi ka nagiisa, lingon ka sa tabi mo...oo...mongrel yan). Dito na pumapasok ang pinakakagimbal-gimbal na uri ng tao na nilikha sa mundong ibabaw (mababa nga lang sila sa immortal). lahat ng pwedeng kombinasyon, pwede. Oo, pwede! For example, Trap Master Predator, o kaya Pa-cute Track Star. pero hindi nagtatapos dyan, dahil hindi kuntento ang tao, ang bi-breeding, nauwi sa multiple breeding, hanggang sa malikha ang pinaghalong lakas ng lahat ng nabanggit sa itaas, Ang tawag sa kanila, IMMORTAL. Hindi ka naniniwala, try mo ko, ibabaon kita sa libreng papel. NO STIR!
Ang haba na ba ng nabasa mo. Ok lang yan. Tapos na nga eh. At least di ba may natutunan ka (kunwari pa rin sulit yun). Ang sayang makatanggap ng libreng papel. Dahil ang lahat ng mga libreng papel na ibinibigay sa inyo ay may mensahe. At ang mensahe na yan ay "Hello, eto oh, pakitapon naman." Tapos nun pinatutunayan ko lang na tama ang pangalang flayer sa kanila. Diretso lipad... lipad sa basurahan. Kasama ng mga kahel na dahon na tinatangay ng hangin. Gusto nyong pa bang pumasok sa hobby na yan? Bakit hindi? Ganun talaga eh...
|