Haiskul Layp


ni Janice at Melvin



Ang pagdaraan ng bawat sandali'y di natin mapipigilan. Ang mga oras na dumaraa'y sadyang di natin namamalayan. Ang bawat pag-ikot ng kamay ng orasan ay nag-iiwan ng mga alaala...mga alaalang bahagi ng ating haiskul layp.

High School Life, Oh my High School Life
Every mem'ry kayganda
High School days, Oh my High School days
Are exciting, kaysaya.


Wala nang hihigit pa sa kasiyahang ating nadarama sa mga sandaling sabay-sabay tayong nagtatawanan, sa lahat ng mga lakaran tayo'y nagkakasama, bawat alaala'y kasaysayang nakaukit sa ating puso't isipan.

There are times may problema ka
Kung ang homework left undone
Pray ka lang huwag tawagin ka
Upang di pagtawanan.


Tunay na nakakikiliting pagkakataon ang ipinahahatid ng ating kapilyahang dulot ng ating kawalang-malay. Nariyan ang tayo'y halos humiga na sa pagtatago sa ating silyang kinauupuan upang makaiwas sa mapanuring mga mata ng ating mahihigpit na mga guro, lalo pa't hindi tayo nakagawa ng takdang-aralin. Tiyak kung hindi patatayuin, palalabasin tayo kapag nahuli. Hay, ang buhay haiskul...lahat ng uri ng pandaraya basta't may kinalaman sa mataas na marka, tiyak na gagawin. Ang sabi nga'y "harangan man ng sibat, mangongopya pa rin."

High School love, Oh my High School love
Not an infatuation or crush
Tunay to sya ang buhay ko,
Name nya lang, ako'y nagba-blush.
Bakit nga ba ang first love ko
Ay di serious so it seems
Kung alam lang ng first love ko
He is always in my dreams.


Karaniwan sa ating mga kabataan ang humahanga, lalo pa't kung ang lalaki ay guwapo, matangkad, matangos ang ilong at magandang magdala ng damit, o sa babaing maganda, maputi, matalino at maganda ang hugis ng labi. Natural na sa atin ang magpasiklab, sumagot sa guro kahit mali, kung sa ating palagay ay nakatanaw ang ating mahal; ipakitang matalino, kahit taliwas nang sa gayo'y umani naman ng kaunting paghanga buhat sa kanya. Laging may oras na inilalaan upang mapuntahan at nang sa gayo'y makita ang mukha ng ating sinisinta. Kinikilig sa oras na sila'y masilayan, nagtatalunan, nagtitilian. Sa gabi'y di makatulog, hindi makapag-aral, kaya pagpasok kinabukasan, ang ulo ay walang laman. Ang tagihawat ay naglalabasan dala ng labis na puyat. Laging winiwika ang kanyang...Maging sa pagtulog, siya'y nakikita't nakakasama. Malilimutan ang oras ng pagkain sapagkat ginugugol sa pagtitig sa kinupit na larawan, na kung isang kandila marahil ay dagliang matutunaw.

Kaysaya ng High School
Same in yours and my school
Di na mapapantayan.
Chapter yan ng buhay
Na sadyang makulay
Alaalang kay ganda.
High School Life, Oh my High School life
Ay walang kasing saya.
Bakit kung graduation na
Luluha kang talaga.


Sino nga ba ang makalilimot sa isang napakahalagang bahagi ng ating buhay... ang bahaging nagpaluha at nagpangiti sa ating puso. Maaaring dumating tayo sa sandali ng pagtatapos at paglisan sa ating pangalawang tahanan, ngunit hindi kailanman mabubura ng panahon ang pag-aarugang kanyang ginawa. Babalik-balikan natin ang matatamis na sandaling ito na kasama natin ang mga dating kaibigan at kasangga sa oras ng kasiyahan at pagdadalamhati. Wala nang hihigit pa sa mga pagsubok at tagumpay na ating dinanas at sa katatagang idinulot ng mga ito sa ating buhay haiskul.

 

Home        Back        Next

Hosted by www.Geocities.ws

1