Ang Milagro-Eukaristiko ng Bolsena at ang Kapistahan ng Corpus Christi

Eucharistic

Noong 1263, may isang paring Aleman -- si P. Peter ng Praga -- ay pumunta sa Roma bilang peregrino. Napadaan siya sa Bolsena at doon ay tumigil upang magmisa. Noong mga panahon na iyon, mayroon nang mga debate at diskusyon tungkol sa presensya ng Panginoong Jesus sa eukaristiya. Si P. Peter ay naapektuhan na ng mga debateng ito -- siya ay nagumpisa nang magduda sa turo tungkol sa pisikal na presensya ng Panginoon sa konsagradong tinapay at alak sa misa. Nasa ganito siyang kalagayan habang binabanggit niya ang mga salita ng konsagrasyon nang mapansin niyang nagumpisang tumulo ang dugo mula sa tinapay na kanyang kinokonsagra, hanggang mabasa nito ang corporal na nasa ibabaw ng altar na pinagmimisahan.

Kasalukuyan noon na ang Papa Urbano IV ay nasa katabing siyudad ng Orvieto. Pumunta sa kanya si P. Peter upang isumbong ang naganap na pangyayari. Nagsugo ang Papa ng mga imbestigador sa Bolsena at iniutos niyang dalhin sa kanya ang ostiya at corporal na nabasa sa dugo. Ang mga relikyang ito ay inilagay sa Catedral ng Orvieto kung saan matatagpuan ang mga ito magpahangga ngayon.

Ang himalang ito ay kumpirmasyon ng mga pagpapakita ng Panginoon sa isang mongha -- si Sta. Juliana ng Monte Cornillon (1193-1258) -- kung saan iniutos sa kanya na gumawa ng paraan na magkaroon ng isang kapistahang liturhiko para sa Banal na Eukaristiya na magpahanggang noon ay wala pa. Nang siya ay mamatay, itinalaga ni Papa Urbano IV ang Kapistahan ng Corpus Christi na ipinagdiwang sa unang pagkakataon sa Orvieto noong 1264, isang taon pagkatapos ng Milagro Eukaristiko ng Bolsena.

Dahil sa milagrong ito, kinomisyon ni Papa Urbano IV ang isang Dominiko -- si Sto. Tomas de Aquino -- na sumulat ng Misa at mga Panalangin para sa Kapistahan ng Corpus Christi. Ang mga himno na nilikha ni Sto. Tomas para sa Eukaristiya -- Pange Lingua, Tantum Ergo, Panis Angelicus at O Salutaris Hostia, ay paboritong kinakanta magpahangga ngayon sa Misa ng Corpus Christi.

Ang dokumento kung saan itinaguyod ng Papa Urbano IV ang Kapistahan ng Corpus Christi ay kilala sa katawagang "Transiturus de hoc mundo" (11 aug. 1264). Ang tekstong Latin ay matatagpuan dito, na isinalin sa Ingles dito. Ito ang ilan sa mga nakasulat sa dokumentong ito:

Nang siya ay papunta na sa Ama mula sa mundong ito, sa dahilang ang panahon ng kanyang pagpapakasakit ay dumating na, itinaguyod ng Manliligtas, ang Panginoong JesuCristo ang dakila at makabalaghang Sakramento ng kanyang Katawan at Dugo kung saan ibinigay niya ang kanyang Katawan bilang pagkain at ang kanyang Dugo bilang inumin. "Sapagka't tuwing kinakain natin ang tinapay na ito at iniinom nating ang kalis (ng kanyang dugo), ipinapahayag natin ang kamatayan ng Panginoon" (1 Cor. 11:26). Tunay nga na sa pagtataguyod ng Sakramento, siya mismo ang nagsabi sa mga alagad: "Gawin ninyo ito sa pag-aala-ala sa akin" (1 Cor. 11:24.25; Luke 22:19) kung kaya't para sa atin, ang espesyal at namumukod-tanging ala-ala ng kanyang pag-ibig ay ang Sakramentong ito -- isang ala-ala kung saan natatanggap natin ang pisikal na presensya ng Manliligtas mismo. Ang ibang paraan ng kanyang presensya ay ating tinatanggap at niyayakap sa espirito at pag-iisip, nguni't sa mga ito ay hindi natin naaabot ang kanyang presensyang aktuwal. Subali't sa pag-aalaalang sakramental na ito, ibinibigay ng Panginoong JesuCristo ang kanyang sarili sa kanyang kaakuhan bagama't ito'y sa ibang hugis.

Nang siya ay papaakyat na sa langit, sinabi niya sa mga alagad at sa kanilang mga katulong, "Ako ay sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng daigdig." (Mat. 28:20). Sila ay kanyang inaliw sa pangakong mananatili siya sa kanilang piling kahit sa kanyang pisikal na presensya. Kung kaya ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pagkain nang sa gayon, dahil ang tao ay nagkasala dahil sa pagkaing bigay ng puno ng kamatayan, ang tao ay muling bubuhayin ng punong nagbibigay ng buhay. Sa pagkain, tayo ay nasugatan; sa pagkain din tayo ay gagaling. Kaya nga sinabi ng Manliligtas "Ang aking Laman ay tunay na Pagkain. (John 6:55)" Ang tinapay na ito ay kinakain nguni't hindi nauubos sapagka't ito ay hindi nagiging bahagi ng kumakain. Kung ito ay tinatanggap ng maayos, ang tumatanggap mismo ang binabago at nagiging Katawan ni Cristo.

Dapat nating ipagdiwang ang ala-ala ng Panginoon dahil sa mas madalas na pagtanggap ng kanyang handog at grasya, ay lalong tumitibay ang ating pag-alaala sa kanya. Kaya nga, kahit na ang Sakramentong ito ay ipinagdiriwang natin sa araw-araw na Misa, ipinasiya pa rin natin na isang beses sa isang taon -- lalung-lalo na upang labanan ang kawalan ng pananampalataya ng mga erehe -- ay magkaroon ng pagdiriwang na mas banal ng Sakramentong ito. Ito ay sa kadahilanang tuwing Huwebes ng Semana Santa -- ang araw na kung saan itinaguyod ng Poon ang sakramento -- ang buong Iglesya ay abala sa kumpisal, bendisyon ng santa oleo, pagganap sa mga obligasyon ng paghuhugas ng paa at iba pang bagay, at hindi malayang makapagbigay ng ganap na pagpapahalaga sa kadakilaan ng Sakramento.

Isa pa, nang ako ay hindi pa Papa, ipina-alam ng Panginoon sa ilang mga Katoliko na ang isang Kapistahang ganito ay dapat na ipagdiwang sa buong Iglesya. Kaya nga, upang mapaigting at mapalakas ang pananampalatayang Katoliko, iniuutos ko na bukod sa araw-araw na pagdiriwang na ginagawa na ng Iglesya sa sakramentong ito, ay magkaroon pa ng mas banal at espesyal na taon-taong pagdiriwang ng ala-alang ito...

Iba pang babasahin tungkol sa mga himalang eukaristiko: